Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Dalangin ng Taong Matuwid
17 O Panginoon, pakinggan nʼyo ang taimtim kong dalangin.
Dinggin nʼyo po ang hiling kong katarungan.
2 Alam nʼyo kung sino ang gumagawa ng matuwid,
kaya sabihin nʼyo na wala akong kasalanan.
3 Siniyasat nʼyo ang puso ko, at kahit sa gabiʼy sinusubukan nʼyo ako,
ngunit wala kayong nakitang anumang kasalanan sa akin.
Napagpasyahan ko na hindi ako magsasalita ng masama
4 gaya ng ginagawa ng iba.
Dahil sa inyong mga salita,
iniiwasan ko ang paggawa ng masama at kalupitan.
5 Palagi kong sinusunod ang inyong kagustuhan,
at hindi ako bumabaling sa kaliwa o sa kanan man.
6 O Dios sa inyo akoʼy dumadalangin,
dahil alam kong akoʼy inyong diringgin.
Pakinggan nʼyo po ang aking mga hiling.
7 Ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig sa pamamagitan ng inyong kahanga-hangang gawa.
Alam ko, sa inyong kapangyarihan, inyong inililigtas ang mga taong nanganganlong sa inyo mula sa kanilang mga kaaway.
8 Ingatan nʼyo ako katulad ng pag-iingat ng tao sa kanyang mga mata,
at kalingain nʼyo gaya ng pagtatakip ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak.
9 Ipagtanggol nʼyo po ako sa aking mga kaaway
na nakapaligid sa akin at pinagtatangkaan ang aking buhay.
10 Silaʼy mayayabang sa kanilang pagsasalita at mga walang awa.
11 Akoʼy hinanap nila at ngayoʼy kanilang napapaligiran.
Naghihintay na lamang sila ng pagkakataong itumba ako.
12 Para silang mga leon na kumukubli at nag-aabang,
at nakahandang sumakmal ng mga biktima.
13 Sige na po Panginoon, labanan nʼyo na at talunin sila.
At iligtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
14 Iligtas nʼyo ako sa mga makamundong tao na ang gusto lamang ay ang mga bagay ng sanlibutan.
Kaming mga minamahal nʼyo ay biyayaan nʼyo ng kasaganaan,
pati ang aming mga anak, hanggang sa aming kaapu-apuhan.
15 Dahil akoʼy matuwid, makikita ko kayo.
At sapat na sa akin ang makita ka sa aking paggising.
2 Isang hapon, bumangon si David at naglakad-lakad sa patag na bubungan ng palasyo. Habang nakatingin siya sa ibaba, may nakita siyang isang magandang babaeng naliligo. 3 Nag-utos si David na alamin kung sino ang babaeng iyon. Napag-alaman niyang ang babae ay si Batsheba na anak ni Eliam at asawa ni Uria na Heteo. 4 Ipinasundo ni David si Batsheba at nang dumating ito, sinipingan siya ni David. (Katatapos pa lang noon ni Batsheba ng seremonya ng paglilinis dahil sa buwanan niyang dalaw.) Pagkatapos nilang magsiping, umuwi siya.
5 Nabuntis siya, at ipinaalam niya ito kay David. 6 Nagpadala si David ng mensahe kay Joab na papuntahin sa kanya si Uria na Heteo. Kaya pinapunta ni Joab si Uria kay David. 7 Pagdating ni Uria, tinanong siya ni David kung ano na ang kalagayan ni Joab at ng mga sundalo sa kanilang pakikipaglaban. 8 Pagkatapos, sinabi ni David sa kanya, “Umuwi ka muna at magpahinga.”[a] Kaya umalis si Uria sa palasyo, at pinadalhan siya ni David ng mga regalo sa bahay niya. 9 Pero hindi umuwi si Uria sa kanila kundi roon siya natulog sa pintuan ng palasyo kasama ng mga lingkod ng kanyang amo na si David. 10 Nang malaman ni David na hindi umuwi si Uria, ipinatawag niya ito, at tinanong, “Bakit hindi ka umuwi? Matagal kang nawala sa inyo.” 11 Sinabi ni Uria, “Ang Kahon ng Kasunduan ng Dios at ang mga sundalo ng Israel at Juda ay naroon po sa mga kampo sa kapatagan, at nandoon din ang pinuno naming si Joab at ang mga opisyal niya. Maaatim ko po bang umuwi sa amin para kumain, uminom at sumiping sa asawa ko? Isinusumpa ko na hinding-hindi ko ito gagawin!” 12 Sinabi sa kanya ni David, “Manatili ka pa rito ng isang gabi, at bukas pababalikin na kita sa kampo.” Kaya nanatili pa si Uria sa Jerusalem ng araw na iyon. Kinabukasan, 13 inanyayahan siya ni David na kumain at uminom kasama niya. At nilasing siya ni David. Pero nang gabing iyon, hindi pa rin umuwi si Uria kundi roon ulit siya natulog kasama ng mga lingkod ng kanyang amo na si David.
14 Kinaumagahan, sumulat si David kay Joab at ipinadala niya ito kay Uria. 15 Ito ang isinulat niya: “Ilagay mo si Uria sa unahan ng labanan, kung saan matindi ang labanan. Pagkatapos, umatras kayo upang siya ay matamaan at mamatay.” 16 Kaya habang pinaliligiran nila ang Rabba, inilagay ni Joab si Uria sa lugar kung saan alam niyang malalakas ang mga kalaban. 17 Sinalakay ng mga kalaban sina Joab at napatay si Uria na Heteo kasama ng iba pang mga sundalo ni David. 18 Nagpadala si Joab ng balita kay David tungkol sa lahat ng nangyari sa labanan. 19 Sinabi niya sa mensahero, “Pagkatapos mong sabihin sa hari ang nangyari sa labanan, 20 maaaring magalit siya at tanungin ka, ‘Bakit masyado kayong lumapit sa lungsod habang nakikipaglaban? Hindi nʼyo ba naiisip na maaari nila kayong mapana mula sa pader? 21 Hindi ba ninyo naaalala kung paano namatay si Abimelec na anak ni Jerub Beshet[b] sa Tebez? Hindi baʼt hinulugan siya ng isang babae ng gilingang bato mula sa itaas ng pader, at namatay siya? Bakit lumapit kayo sa pader?’ Kung magtatanong siya nang ganito, sabihin mo sa kanya, ‘Namatay din po ang lingkod ninyong si Uria na Heteo.’ ”
22 Lumakad ang mensahero, at pagdating niya kay David sinabi niya rito ang lahat ng ipinapasabi ni Joab. 23 Sinabi niya kay David, “Sinalakay po kami ng mga kalaban sa kapatagan, pero hinabol po namin sila pabalik sa pintuan ng lungsod nila. 24 Pagkatapos, pinana po kami ng mga mamamana na nandoon sa pader at napatay po ang ilan sa mga sundalo nʼyo pati na ang lingkod ninyong si Uria na Heteo.”
25 Sinabi ni David sa mensahero, “Sabihin mo kay Joab na huwag ikalungkot ang nangyari, dahil hindi natin masasabi kung sino ang mamamatay sa labanan. Sabihin mo sa kanya na lakasan niya ang loob niya, at pagbutihin pa niya ang pagsalakay sa lungsod hanggang sa maibagsak ito.”
26 Nang malaman ni Batsheba na napatay ang asawa niyang si Uria, nagluksa siya.
Ang Sulat para sa Iglesya sa Sardis
3 “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Sardis:
“Ito ang mensahe ng may pitong Espiritu ng Dios[a] at may hawak na pitong bituin: Alam ko ang mga ginagawa ninyo. Marami ang nagsasabi na buhay na buhay ang pananampalataya nʼyo sa akin, ngunit ang totoo, para kayong patay. 2 Gumising kayo at pasiglahin ang natitira ninyong pananampalataya, para hindi tuluyang mamatay. Dahil nakikita ko na ang mga gawa nʼyo ay hindi pa ganap sa paningin ng aking Dios. 3 Kaya alalahanin ninyo ang mga aral na tinanggap ninyo. Sundin ninyo ang mga iyon at pagsisihan ang inyong mga kasalanan. Kung hindi kayo gigising, darating ako sa oras na hindi ninyo inaasahan, tulad ng isang magnanakaw na hindi ninyo alam kung kailan darating. 4 Ngunit may ilan sa inyo riyan sa Sardis na hindi nahawa sa masamang gawain ng iba. Lalakad silang kasama ko na nakasuot ng puting damit, dahil karapat-dapat sila. 5 Ang magtatagumpay ay bibihisan ng puting damit at hindi ko aalisin ang pangalan niya sa aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan. Ipapakilala ko sila sa aking Ama at sa kanyang mga anghel na sila ay mga tagasunod ko.
6 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®