Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Tagumpay ni David(A)
18 Iniibig ko kayo Panginoon. Kayo ang aking kalakasan.
2 Panginoon, kayo ang aking matibay na batong kanlungan at pananggalang.
Kayo ang aking Tagapagligtas na nag-iingat sa akin.
3 Karapat-dapat kayong purihin, Panginoon,
dahil kapag tumatawag ako sa inyo, inililigtas nʼyo ako sa mga kalaban ko.
20 Pinagpala nʼyo ako dahil akoʼy namumuhay sa katuwiran.
Sa kalinisan ng aking kamay akoʼy inyong ginantimpalaan.
21 Dahil sinusunod ko ang inyong kalooban,
at hindi ko kayo tinalikuran, Panginoon na aking Dios.
22 Tinutupad ko ang lahat ng inyong utos.
Ang inyong mga tuntunin ay hindi ko sinusuway.
23 Alam nʼyong namumuhay ako ng walang kapintasan,
at iniiwasan ko ang kasamaan.
24 Kaya naman akoʼy inyong ginagantimpalaan,
dahil nakita nʼyong matuwid ang aking pamumuhay.
25 Tapat kayo sa mga tapat sa inyo,
at mabuti kayo sa mabubuting tao.
26 Tapat kayo sa mga taong totoo sa inyo,
ngunit tuso kayo sa mga taong masama.
27 Inililigtas nʼyo ang mga mapagpakumbaba,
ngunit ang nagmamataas ay inyong ibinababa.
28 Panginoon kong Dios, kayo ang nagbibigay sa akin ng liwanag.
Sa gitna ng kadiliman kayo ang aking tanglaw.
29 Sa tulong nʼyo, kaya kong salakayin ang grupo ng mga sundalo,
at kaya kong akyatin ang pader ng kanilang tanggulan.
30 Ang pamamaraan nʼyo, O Dios ay walang kamalian.
Ang inyong mga salita ay maaasahan.
Kayoʼy katulad ng isang kalasag sa mga naghahanap ng kaligtasan[a] sa inyo.
31 Kayo lang, Panginoon, ang tunay na Dios, at wala nang iba.
At kayo lang talaga ang aming batong kanlungan.
32 Kayo ang nagbibigay sa akin ng kalakasan,
at nagbabantay sa aking daraanan.
14 Kaya kayong mga nangungutyang mga pinuno ng mga mamamayan ng Jerusalem, pakinggan ninyo ang Panginoon! 15 Sapagkat nagmamalaki kayo at nagsasabing, “Nakipagkasundo kami sa kamatayan para hindi kami mamatay, at nakipagkasundo kami sa lugar ng mga patay para hindi kami madala roon. Kung kaya, hindi kami mapapahamak kahit na dumating ang mga sakuna na parang baha, dahil sa kami ay umaasang maliligtas sa pamamagitan ng aming pagsisinungaling at pandaraya.”
16 Kaya ito ang sinabi ng Panginoong Dios: “Makinig kayo! Maglalagay ako ng batong pundasyon sa Zion, batong maaasahan, matibay, at mahalaga. Ang mga sumasampalataya sa kanya ay huwag maging padalos-dalos[a] sa kanilang mga ginagawa. 17 Gagawin kong sukatan ang katarungan at katuwiran. Ipapatangay ko sa bagyo at baha ang kasinungalingan na inaasahan ninyong makakapagligtas sa inyo. 18 Magiging walang kabuluhan ang pakikipagkasundo ninyo sa kamatayan at ang pakikipagkasundo ninyo sa lugar ng mga patay. Sapagkat mapapahamak kayo kapag dumating na ang mga sakuna na parang baha. 19 Palagi itong darating sa inyo, araw-araw, sa umaga at sa gabi, at tiyak na mapapahamak kayo.”
Matatakot kayo kapag naunawaan ninyo ang mensaheng ito. 20 Sapagkat kayoʼy matutulad sa taong maiksi ang higaan at makitid ang kumot.[b] 21 Ang totoo, sasalakay ang Panginoon katulad ng ginawa niya sa Bundok ng Perazim at sa Lambak ng Gibeon. Gagawin niya ang hindi inaasahan ng kanyang mga mamamayan.
22 Kaya ngayon, huwag na kayong mangutya, baka dagdagan pa niya ang parusa niya sa inyo. Sapagkat napakinggan ko mismo ang utos ng Panginoong Dios na Makapangyarihan na wawasakin niya ang inyong buong lupain.
Binuhusan ng Pabango si Jesus(A)
6 Nang si Jesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na dating may malubhang sakit sa balat, 7 lumapit sa kanya ang isang babae. May dala itong mamahaling pabango sa isang sisidlang yari sa batong alabastro. At habang kumakain si Jesus, ibinuhos ng babae ang pabango sa ulo ni Jesus. 8 Nagalit ang mga tagasunod ni Jesus nang makita ito. Sinabi nila, “Bakit niya sinasayang ang pabangong iyan? 9 Maipagbibili sana iyan sa malaking halaga, at maibibigay ang pera sa mga mahihirap.” 10 Alam ni Jesus ang pinag-uusapan nila, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ginugulo ang babae? Mabuti ang ginawa niyang ito sa akin. 11 Ang mga mahihirap ay lagi ninyong makakasama, pero ako ay hindi. 12 Binuhusan niya ako ng pabango para ihanda ang aking katawan sa libing. 13 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kahit saan man ipapangaral ang Magandang Balita sa buong mundo, ipapahayag din ang ginawa niyang ito sa akin bilang pag-alaala sa kanya.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®