Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 87

Papuri sa Jerusalem

87 1-2 Itinayo ng Panginoon ang lungsod ng Jerusalem[a] sa banal na bundok.
    Mahal niya ang lungsod na ito kaysa sa lahat ng lugar sa Israel.[b]
Magagandang bagay ang kanyang sinasabi tungkol sa lungsod na ito.
Sabi niya, “Kung ililista ko ang mga bansang kumikilala sa akin,
isasama ko ang Egipto,[c] ang Babilonia, pati na ang Filistia, Tyre at Etiopia.
    Ibibilang ko ang kanilang mga mamamayan na tubong Jerusalem.”
Ito nga ang masasabi sa Jerusalem, na maraming tao ang ibibilang na tubong Jerusalem.
    At ang Kataas-taasang Dios ang siyang magpapatatag ng lungsod na ito.
Ililista ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan
    at isasama rin niya ang maraming taong ibibilang niyang mga tubong Jerusalem.
Silang lahat ay magsisiawit ng, “Ang lahat ng ating mga pagpapala ay sa Jerusalem nagmula!”

Isaias 66:18-23

18 Alam ko ang kanilang ginagawa at iniisip. Kaya darating ako at titipunin ko ang lahat ng mamamayan ng lahat ng bansa, at makikita nila ang aking kapangyarihan. 19 Magpapakita ako ng himala sa kanila. At ang mga natitira sa kanila ay susuguin ko sa mga bansang Tarshish, Pul, Lud (ang mga mamamayan nito ay tanyag sa paggamit ng pana), Tubal, Grecia,[a] at sa iba pang malalayong lugar na hindi nakabalita tungkol sa aking kadakilaan at hindi nakakita ng aking kapangyarihan. Ipapahayag nila ang aking kapangyarihan sa mga bansa. 20 At dadalhin nilang pauwi mula sa mga bansa ang lahat ng mga kababayan ninyo na nakasakay sa mga kabayo, sa mga mola,[b] sa mga kamelyo, sa mga karwahe, at sa mga kariton. Dadalhin nila sila sa banal kong bundok sa Jerusalem bilang handog sa akin katulad ng ginagawa ng mga Israelita na naghahandog sa akin sa templo ng mga handog na pagkain, na nakalagay sa mga malinis na lalagyan. 21 At ang iba sa kanila ay gagawin kong pari at mga katulong ng pari sa templo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

22 Sinabi pa ng Panginoon, “Kung papaanong ang bagong langit at ang bagong lupa na aking gagawin ay mananatili magpakailanman, ang inyong lahi ay mananatili rin magpakailanman, at hindi kayo makakalimutan. 23 Sa bawat pasimula ng buwan at sa bawat Araw ng Pamamahinga ang lahat ay sasamba sa akin.

Mateo 8:1-13

Pinagaling ni Jesus ang Lalaking May Malubhang Sakit sa Balat(A)

Nang bumaba na si Jesus mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao. Lumapit sa kanya ang isang lalaking may malubhang sakit sa balat[a] at lumuhod sa harap niya, at sinabi, “Panginoon, kung gusto nʼyo po, mapapagaling nʼyo ako upang maituring akong malinis.” Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Gusto ko. Luminis ka!” Agad na gumaling ang kanyang sakit at luminis siya. At sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag mo itong sasabihin kaninuman. Sa halip, pumunta ka sa pari at magpasuri. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay na malinis ka na.”

Pinagaling ni Jesus ang Utusan ng Kapitan(B)

Nang dumating si Jesus sa bayan ng Capernaum, pumunta sa kanya ang isang kapitan ng hukbong Romano at nakiusap: “Panginoon, may sakit po ang aking utusan. Nakaratay siya sa bahay at nasa matinding paghihirap.” Sinabi ni Jesus, “Pupuntahan ko siya at pagagalingin.” Pero sumagot ang kapitan, “Panginoon, hindi po ako karapat-dapat na puntahan nʼyo ang tahanan ko. Sabihin nʼyo na lang na gumaling siya, at gagaling na ang aking utusan. Alam ko ito dahil nasa ilalim ako ng nakakataas na opisyal, at may nasasakupan din akong mga sundalo. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon,’ pumupunta siya. Kapag sinabi kong, ‘Halika,’ lumalapit siya. At kung ano pa ang iniuutos ko sa aking alipin, sinusunod niya.” 10 Namangha si Jesus nang marinig niya ito. At sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi pa ako nakakita ng isang tao sa Israel na may ganitong pananampalataya. 11 Sinasabi ko rin sa inyo na maraming hindi Judio mula sa ibaʼt ibang dako ang kakaing kasama nina Abraham, Isaac, at Jacob sa handaan ng paghahari ng Dios. 12 Ngunit maraming Judio, na paghaharian sana ng Dios, ang itatapon sa matinding kadiliman sa labas. At doon ay iiyak sila, at magngangalit ang kanilang mga ngipin.”[b] 13 At sinabi ni Jesus sa kapitan, “Umuwi ka na. Mangyayari ang hinihiling mo ayon sa iyong pananampalataya.” At nang oras ding iyon ay gumaling ang utusan ng kapitan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®