Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Tagumpay ni David(A)
18 Iniibig ko kayo Panginoon. Kayo ang aking kalakasan.
2 Panginoon, kayo ang aking matibay na batong kanlungan at pananggalang.
Kayo ang aking Tagapagligtas na nag-iingat sa akin.
3 Karapat-dapat kayong purihin, Panginoon,
dahil kapag tumatawag ako sa inyo, inililigtas nʼyo ako sa mga kalaban ko.
4-5 Ang kamatayaʼy parang lubid na nakapulupot sa akin at parang bitag sa aking dadaanan,
na para ring malakas na agos na tumatangay sa akin.
6 Kinakabahan ako! Humingi ako ng tulong sa inyo, Panginoon kong Dios,
at pinakinggan nʼyo ang panalangin ko sa inyong templo.
7 Nagalit kayo, at lumindol, maging ang pundasyon ng mga bundok ay nayanig.
8 Umusok din ang inyong ilong,
at ang inyong bibig ay bumuga ng apoy at mga nagliliyab na baga.
9 Binuksan nʼyo ang langit at kayoʼy bumaba,
at tumuntong sa maitim at makapal na ulap.
10 Kayoʼy sumakay sa isang kerubin,
at mabilis na lumipad na dala ng hangin.
11 Ginawa nʼyong talukbong ang kadiliman,
at nagtago kayo sa maitim na ulap.
12 Kumidlat mula sa inyong kinaroroonan,
at mula rooʼy bumagsak ang mga yelo at nagliliyab na baga.
13 Ang tinig nʼyo, Kataas-taasang Dios na aming Panginoon, ay dumadagundong mula sa langit.
14 Pinana nʼyo ng kidlat ang inyong mga kalaban
at nataranta silang nagsitakas.
15 Sa inyong tinig at matinding galit, natuyo ang dagat at nakita ang lupa sa ilalim nito,
pati na rin ang pundasyon ng mundo ay nalantad.
16 At mula sa langit akoʼy inabot nʼyo
at inahon mula sa malalim na tubig.
17 Iniligtas nʼyo ako sa kapangyarihan ng aking mga kalaban na hindi ko kayang labanan.
18 Sinalakay nila ako sa oras ng aking kagipitan.
Ngunit sinaklolohan nʼyo ako, Panginoon.
19 Dinala nʼyo ako sa lugar na walang kapahamakan dahil nalulugod kayo sa akin.
Ang Pagiging Makasalanan ng mga Tao sa Sodom
19 Magdidilim na nang dumating ang dalawang anghel sa Sodom. Nakaupo noon si Lot sa pintuan ng lungsod. Pagkakita ni Lot sa kanila, tumayo siya at sinalubong sila. Pagkatapos, yumukod siya sa harapan nila bilang paggalang at nagsabing, 2 “Kung maaari po, dumaan muna kayo sa bahay ko para makapaghugas kayo ng mga paa ninyo at dito na po kayo matulog ngayong gabi. At bukas na lang kayo ng umaga magpatuloy sa paglalakbay ninyo.”
Pero sumagot sila, “Huwag na lang, doon na lang kami matutulog sa plasa ngayong gabi.”
3 Pero pinilit sila ni Lot, kaya sumama na lang sila sa bahay niya. Naghanda si Lot ng mga inumin at mga pagkain. Nagpaluto rin siya ng tinapay na walang pampaalsa. At nang handa na, naghapunan sila. 4 Nang mahihiga na sila para matulog, dumating ang lahat ng bata at matatandang lalaki ng Sodom, at pinaligiran nila ang bahay ni Lot. 5 Tinawag nila si Lot at tinanong, “Nasaan na ang mga panauhin mong lalaki na dumating ngayong gabi? Palabasin mo sila rito dahil gusto namin silang sipingan.”
6 Lumabas si Lot ng bahay para harapin sila. Nang lumabas siya, isinara niya agad ang pintuan. 7 Sinabi niya sa kanila, “Mga kaibigan, nakikiusap ako sa inyo na huwag ninyong gagawin ang iniisip ninyong masama. 8 Kung gusto nʼyo, may dalawa akong anak na dalaga. Ibibigay ko sila sa inyo at bahala na kayo kung ano ang gusto ninyong gawin sa kanila. Pero huwag ninyong galawin ang dalawang taong ito, dahil mga bisita ko sila at dapat ko silang protektahan.” 9 Pero sinabi ng mga tao, “Dayuhan ka lang dito kaya sino ka para makialam sa amin. Umalis ka riyan! Baka mas higit pa ang magawa namin sa iyo kaysa sa kanila.” Pagkatapos, itinulak nila si Lot. Lalapit sana sila sa pintuan para gibain ito, 10 pero binuksan ito ng dalawang anghel na nasa loob at hinatak nila si Lot papasok, at isinara ang pintuan. 11 Pagkatapos, binulag nila ang mga tao na nasa labas para hindi na nila makita ang pintuan.
Pinaalis si Lot sa Sodom
12 Sinabi ng dalawang anghel kay Lot, “Kung may mga anak ka pa, o mga manugang na lalaki, o mga kamag-anak sa lungsod na ito, isama mo silang lahat at umalis kayo rito, 13 dahil lilipulin namin ang lungsod na ito. Narinig ng Panginoon ang mga daing laban sa mga taong ito na puro kasamaan ang ginagawa. Kaya ipinadala niya kami para lipulin ang lungsod na ito.”
14 Kaya pinuntahan ni Lot ang mga magiging manugang[a] niyang lalaki at sinabi, “Magmadali kayong umalis dito dahil lilipulin na ng Panginoon ang lungsod na ito.” Pero hindi sila naniwala dahil akala nilaʼy nagbibiro lang si Lot.
15 Nang magbubukang-liwayway na, pinagmadali si Lot ng mga anghel na umalis sa lungsod. Sinabi nila, “Bilisan mo! Dalhin mo ang asawa mo at ang dalawang anak mong babae na nandito, at umalis kayo agad, dahil baka madamay kayo kapag nilipol na ang lungsod na ito dahil sa sobrang sama ng mga tao rito.” 16 Hindi pa sana aalis si Lot. Pero dahil naaawa ang Panginoon sa kanila, hinawakan sila ng mga anghel sa kamay at dinala palabas ng lungsod.
17 Nang nasa labas na sila ng lungsod, sinabi ng Panginoon, “Tumakbo kayo! Huwag kayong lilingon, o hihinto sa kahit saan dito sa kapatagan! Tumakbo kayo papunta sa bundok para hindi kayo mamatay!” 18 Pero sumagot si Lot, “Panginoon ko, huwag nʼyo na po akong patakbuhin papunta sa bundok. 19 Kinahabagan nʼyo po ako at ipinakita ang kabutihan nʼyo sa akin sa pagliligtas ninyo sa buhay ko. Pero napakalayo po ng bundok; baka maabutan ako ng sakuna at mamatay ako bago makarating doon. 20 Nakita nʼyo po ba ang maliit na bayang iyon sa unahan? Tiyak na mararating ko po iyon dahil malapit lang. Maaari po bang doon na lang ako pumunta sa maliit na bayang iyon para maligtas ako?” 21 Sumagot ang Panginoon, “Oo, payag ako sa kahilingan mo; hindi ko lilipulin ang bayan na iyon. 22 Sige, tumakbo na kayo roon, dahil wala pa akong gagawin hanggaʼt hindi pa kayo nakakarating doon.”
Ang bayang iyon ay tinatawag na Zoar[b] dahil maliit ang bayang iyon.
Ang Paglipol sa Sodom at Gomora
23 Nakasikat na ang araw nang dumating sina Lot sa Zoar. 24 Biglang pinaulanan ng Panginoon ng naglalagablab na asupre ang Sodom at Gomora. 25 Nilipol ng Panginoon ang dalawang lungsod at ang buong kapatagan. Namatay ang lahat ng nakatira roon pati ang lahat ng tanim. 26 Lumingon ang asawa ni Lot, kaya ginawa siyang haliging asin. 27 Kinaumagahan, dali-daling pumunta si Abraham sa lugar kung saan siya nakipag-usap sa Panginoon. 28 Minasdan niya ang Sodom at Gomora, at ang buong kapatagan. Nakita niya ang usok na pumapaitaas mula sa lupa na parang usok na nagmula sa isang malaking hurno.
29 Inalala ng Dios si Abraham, nang lipulin ng Dios ang mga lungsod sa kapatagan kung saan nakatira si Lot, iniligtas niya muna si Lot para hindi ito mapahamak.
14 Baka naman sabihin ng iba na hindi makatarungan ang Dios. Aba, hindi! 15 Sapagkat sinabi niya kay Moises, “Mahahabag ako sa gusto kong kahabagan; maaawa ako sa gusto kong kaawaan.”[a] 16 Kung ganoon, ang pagpili ng Dios ay hindi batay sa kagustuhan ng tao o sa paggawa niya ng mabuti, kundi sa awa ng Dios. 17 Sapagkat ayon sa Kasulatan, sinabi ng Dios sa Faraon, “Pinayagan kitang mabuhay dahil dito: para maipakita ko ang kapangyarihan ko sa pamamagitan mo at makilala ang pangalan ko sa buong mundo.”[b] 18 Kaya nga, kinaaawaan ng Dios ang ibig niyang kaawaan, at pinatitigas niya ang ulo ng ibig niyang patigasin.
Ang Galit at Awa ng Dios
19 Maaaring may magsabi sa akin, “Kung ganoon, bakit pa niya pinapanagot ang mga tao sa kanilang mga kasalanan? At sino ang makakasalungat sa kanyang kalooban?” 20 Pero sino ka para magreklamo sa Dios ng ganyan? Tayoʼy mga nilikha lang ng Dios, kaya hindi tayo makakapagreklamo kung bakit niya tayo ginawang ganito. 21 Tulad sa isang gumagawa ng palayok, may karapatan siyang gawin ang putik ayon sa gusto niya. May karapatan siyang gumawa ng dalawang uri ng sisidlan mula sa iisang tumpok ng putik: ang isa ay pang-espesyal, at ang isa naman ay pangkaraniwan lang.
22 Ganoon din naman ang Dios. Nais niyang ipakita ang kanyang kapangyarihan at matinding galit sa mga makasalanan, pero minabuti niyang tiisin muna nang buong tiyaga ang mga taong dapat sanang lipulin na. 23 Ginawa niya ito para ipakita kung gaano siya kadakila sa mga taong kinaaawaan niya, na inihanda na niya noon pa para parangalan. 24 Itoʼy walang iba kundi tayo na mga tinawag niya, hindi lang mula sa mga Judio kundi mula rin sa mga hindi Judio. 25 Ito ang sinabi ng Dios sa aklat ni Hoseas:
“Ang dating hindi ko mga tao ay tatawagin kong, ‘Mga tao ko.’
At ang dating hindi ko mahal ay mamahalin ko.[c]
26 At sa mga sinabihang, ‘Kayoʼy hindi ko mga mamamayan,’
silaʼy tatawaging, ‘Mga anak ng Dios na buhay.’ ”[d]
27 Tungkol naman sa mga Israelita, sinabi ni Propeta Isaias: “Kahit na maging kasindami pa ng buhangin sa tabing-dagat ang lahi ni Israel, kakaunti lang sa kanila ang maliligtas, 28 dahil mabilis at matindi ang gagawing paghatol ng Panginoon sa mga tao sa mundo.”[e] 29 Sinabi rin ni Isaias,
“Kung ang Panginoong Makapangyarihan ay walang itinira sa ating lahi, natulad na sana tayo sa Sodom at Gomora.”[f]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®