Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 85:8-13

Pakikinggan ko ang sasabihin ng Panginoong Dios,
    dahil mangangako siya ng kapayapaan sa atin na kanyang mga tapat na mamamayan;
    iyan ay kung hindi na tayo babalik sa ating mga kamangmangan.
Tunay na ililigtas niya ang may takot sa kanya,
    upang ipakita na ang kapangyarihan niya ay mananatili sa ating lupain.
10 Ang pag-ibig at katapatan ay magkasama at ganoon din ang katarungan at kapayapaan.
11 Ang katapatan ng tao sa mundo ay alam ng Dios sa langit,
    at ang katarungan ng Dios sa langit ay matatanggap ng tao sa mundo.
12 Tiyak na ibibigay sa atin ng Panginoon ang mabuti
    at magkakaroon ng ani ang ating lupain.
13 Ang katarungan ay parang tagapagbalita na mauunang dumating para ihanda ang daan ng Panginoon.

1 Hari 18:17-19

17 Nang makita ni Ahab si Elias, sinabi niya, “Ikaw ba talaga iyan, ang nanggugulo sa Israel?” 18 Sumagot si Elias, “Hindi ako ang nanggugulo sa Israel, kundi ikaw at ang pamilya ng iyong ama. Dahil itinakwil ninyo ang mga utos ng Panginoon at sinamba ninyo ang mga dios-diosang si Baal. 19 Ngayon, tipunin mo ang lahat ng mamamayan ng Israel para samahan nila ako sa Bundok ng Carmel. At papuntahin mo rin ang 450 propeta ni Baal at ang 400 propeta ni Ashera, na pinapakain ni Jezebel.”

1 Hari 18:30-40

30 Nagsalita si Elias sa lahat ng tao, “Lumapit kayo sa akin.” At nagsilapit ang mga tao sa kanya. Inayos niya ang altar ng Panginoon na nagiba. 31 Kumuha siya ng 12 bato na sumisimbolo ng 12 lahi ng mga anak ni Jacob, ang tao na pinangalanan ng Panginoon na Israel. 32 Ginawa niyang altar ang mga bato para sa Panginoon at ginawan ng kanal ang paligid ng altar. Ang kanal ay kayang malagyan ng tatlong galong butil. 33 Iniayos niya nang mabuti ang panggatong sa altar, kinatay ang toro at inilapag ito sa ibabaw ng gatong. Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao, “Buhusan ninyo ng apat na tapayang tubig ang handog at panggatong.” Matapos nilang gawin ito, 34 sinabi ni Elias, “Buhusan ninyo ulit.” Pagkatapos nilang buhusan, sinabi ulit ni Elias, “Buhusan pa ninyo sa ikatlong pagkakataon.” Sinunod nila ang sinabi ni Elias, 35 at umagos ang tubig sa paligid ng altar, at napuno ang kanal.

36 Nang oras na ng paghahandog, lumapit si Propeta Elias sa altar at nanalangin. Sinabi niya, “Panginoon, Dios ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob,[a] patunayan ninyo sa araw na ito, na kayo ang Dios ng Israel at ako ang inyong lingkod, at ginawa ko ang lahat ng ito ayon sa utos ninyo. 37 Panginoon, dinggin nʼyo po ako, para malaman ng mga tao na kayo ang Panginoon, ang Dios, at nais nʼyo silang magbalik-loob sa inyo.”

38 Dumating agad ang apoy na galing sa Panginoon, at sinunog nito ang handog, ang gatong, ang mga bato at ang lupa, at natuyo ang kanal. 39 Nang makita ito ng lahat ng tao, nagpatirapa sila at sinabi, “Ang Panginoon ang siyang Dios! Ang Panginoon ang siyang Dios!” 40 Iniutos agad ni Elias sa mga tao, “Dakpin ninyo ang mga propeta ni Baal. Dapat walang makatakas sa kanila!” Dinakip ang lahat ng propeta ni Baal at dinala nila Elias sa Lambak ng Kishon at pinagpapatay.

Gawa 18:24-28

Ang Pagtuturo ni Apolos sa Efeso

24 Samantala, dumating sa Efeso ang isang Judiong taga-Alexandria. Ang kanyang pangalan ay Apolos. Mahusay siyang magsalita at maraming nalalaman sa Kasulatan. 25 Naturuan na siya tungkol sa pamamaraan ng Panginoon. Masipag siyang mangaral at tama ang kanyang itinuturo tungkol kay Jesus. Pero ang bautismong alam niya ay ang bautismo lang na itinuro ni Juan. 26 Hindi siya natatakot magsalita sa sambahan ng mga Judio. Nang marinig nina Priscila at Aquila ang kanyang itinuturo, inimbitahan nila siya sa kanilang bahay at ipinaliwanag nila nang mabuti sa kanya ang pamamaraan ng Dios. 27 At nang magpasya si Apolos na pumunta sa Acaya, tinulungan siya ng mga mananampalataya sa Efeso. Sumulat sila sa mga tagasunod ni Jesus sa Acaya na tanggapin nila si Apolos. Pagdating niya roon, malaki ang naitulong niya sa mga naging mananampalataya dahil sa biyaya ng Dios. 28 At tinalo niya nang husto ang mga Judio sa kanilang mga diskusyon sa harap ng madla, at pinatunayan sa kanila mula sa Kasulatan na si Jesus ang Cristo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®