Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 78:1-8

Ang Patnubay ng Dios sa Kanyang mga Mamamayan

78 Mga kababayan,[a] ang mga turo koʼy inyong pakinggan.
Tuturuan ko kayo sa pamamagitan ng kasaysayan.[b]
    Sasabihin ko sa inyo ang mga lihim na katotohanan ng nakaraan.
Napakinggan na natin ito at nalaman.
    Sinabi ito sa atin ng ating mga ninuno.
Huwag natin itong ilihim sa ating mga anak;
    sabihin din natin ito sa mga susunod na salinlahi.
    Sabihin natin sa kanila ang kapangyarihan ng Panginoon at ang mga kahanga-hanga niyang gawa.
Ibinigay niya ang kanyang mga kautusan sa mga mamamayan ng Israel na mula sa lahi ni Jacob.
    Iniutos niya sa ating mga ninuno na ituro ito sa kanilang mga anak,
upang malaman din ito ng mga susunod na lahi at nang ituro rin nila ito sa kanilang mga anak.
Sa ganitong paraan, magtitiwala sila sa Dios at hindi nila makakalimutan ang kanyang ginawa, at susundin nila ang kanyang mga utos,
upang hindi sila maging katulad ng kanilang mga ninuno na matitigas ang ulo, suwail, hindi lubos ang pagtitiwala sa Dios, at hindi tapat sa kanya.

Salmo 78:17-29

17 Ngunit ang ating mga ninuno ay patuloy na nagkasala sa kanya. Naghimagsik sila sa Kataas-taasang Dios doon sa ilang.
18 Sinadya nilang subukin ang Dios upang hingin ang mga pagkaing gusto nila.
19 Kinutya nila ang Dios nang sabihin nilang,
    “Makakapaghanda ba ang Dios ng pagkain dito sa ilang?
20 Oo ngaʼt umagos ang tubig nang hampasin niya ang bato,
    ngunit makapagbibigay din ba siya ng tinapay at karne sa atin?”
21 Kaya nang marinig ito ng Panginoon nagalit siya sa kanila.
    Nag-apoy sa galit ang Panginoon laban sa lahi ni Jacob,
22 dahil wala silang pananampalataya sa kanya, at hindi sila nagtitiwala na ililigtas niya sila.
23 Ganoon pa man, iniutos niyang bumukas ang langit,
24 at pinaulanan sila ng pagkain na tinatawag na manna.
    Ibinigay ito sa kanila upang kainin.
25 Kinain nila ang pagkain ng mga anghel, at binigyan sila nito ng Dios hanggaʼt gusto nila.
26 Pinaihip niya ang hangin mula sa silangan at sa timog sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
27 Pinaulanan din sila ng napakaraming ibon, na kasindami ng buhangin sa tabing-dagat.
28 Pinadapo niya ang mga ito sa palibot ng kanilang mga tolda sa kampo.
29 Kaya kumain sila hanggang sa mabusog, dahil ibinigay sa kanila ng Dios ang gusto nila.

Exodus 16:2-15

Doon sa ilang, nagreklamo ang lahat ng mga Israelita kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Mabuti pang pinatay na lang kami ng Panginoon sa Egipto! Doon, kahit paanoʼy nakakakain kami ng karne at ng lahat ng pagkain na gusto namin. Pero dinala nʼyo kami rito sa ilang para patayin kaming lahat sa gutom.”

Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Makinig ka! Magpapaulan ako ng pagkain mula sa langit para sa inyo. Bawat araw, mangunguha ang mga Israelita ng pagkain nila para sa araw na iyon. Sa ganitong paraan, masusubok ko kung susundin nila ang mga utos ko. Sabihin mo sa kanila na doblehin nila ang kukunin nilang pagkain tuwing ikaanim na araw ng bawat linggo.”

Kaya sinabi nila Moises at Aaron sa lahat ng mga Israelita, “Ngayong gabi, malalaman ninyo na ang Panginoon ang naglabas sa inyo sa Egipto, at bukas ng umaga, makikita ninyo ang makapangyarihang presensya ng Panginoon. Sapagkat narinig niya ang mga reklamo ninyo. Sino ba kami para sa amin kayo magreklamo?” Sinabi pa ni Moises, “Bibigyan kayo ng Panginoon ng karne na kakainin ninyo sa gabi at bubusugin niya kayo ng tinapay sa umaga, dahil narinig niya ang pagrereklamo ninyo sa kanya. Hindi kayo nagrereklamo sa amin kundi sa Panginoon. Sino ba kami para sa amin kayo magreklamo?”

Sinabi nina Moises at Aaron, “Sabihin ninyo sa buong mamamayan ng Israel na lumapit sila sa presensya ng Panginoon dahil narinig niya ang pagrereklamo ninyo.”

10 Habang nagsasalita si Aaron sa buong mamamayan ng Israel, tumingin sila sa ilang at nakita nila ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa ulap. 11 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 12 “Narinig ko ang mga pagrereklamo ng mga Israelita. Sabihin mo sa kanilang gabi-gabi silang kakain ng karne at araw-araw silang magpapakabusog sa tinapay. At malalaman ninyong ako ang Panginoon na inyong Dios.”

13 Nang dapit-hapon ding iyon, dumagsa ang mga pugo at napuno nito ang buong kampo. Kinaumagahan, basa ng hamog ang buong kampo. 14 Nang mawala ang hamog, may nakita silang maliliit na bagay sa lupa na puting-puti. 15 Hindi nila alam kung ano ito kaya nagtanungan sila, “Ano kaya iyan?” Sinabi ni Moises sa kanila, “Iyan ang pagkain na ibinigay ng Panginoon sa inyo para kainin.

Exodus 16:31-35

31 Tinawag na “manna” ng mga Israelita ang pagkain. Para itong maliliit at mapuputing buto, at matamis kagaya ng manipis na tinapay na may pulot. 32 Sinabi sa kanila ni Moises, “Ipinag-utos ng Panginoon na magtago kayo ng isang salop na ‘manna’ para sa susunod pang mga henerasyon, para makita nila ang pagkaing ibinigay ko sa inyo sa ilang nang inilabas ko kayo sa Egipto.”

33 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Kumuha kayo ng sisidlan at lagyan ito ng isang salop na ‘manna’. Pagkatapos, ilagay ninyo ito sa presensya ng Panginoon para sa susunod pang mga henerasyon.” 34 Sinunod ito ni Aaron ayon sa sinabi ng Panginoon kay Moises. Inilagay ni Aaron ang “manna” sa Kahon ng Kasunduan para maitago. 35 Kumain ang mga Israelita ng “manna” sa loob ng 40 taon, hanggang sa makarating sila sa lupain ng Canaan.

Mateo 15:32-39

Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(A)

32 Tinawag ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Naaawa ako sa mga taong ito. Tatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. Ayaw kong pauwiin sila nang gutom at baka mahilo sila sa daan.” 33 Sumagot ang mga tagasunod niya, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain dito sa ilang para sa ganito karaming tao?” 34 Tinanong sila ni Jesus, “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” Sinabi nila, “Pito po, at ilang maliliit na isda.” 35 Pinaupo ni Jesus ang mga tao. 36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang pagkain at ibinigay sa mga tagasunod niya, at ipinamigay naman nila ito sa mga tao. 37 Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang mga natirang pagkain at nakapuno sila ng pitong basket. 38 Ang bilang ng mga lalaking kumain ay mga 4,000 maliban pa sa mga babae at mga bata.

39 Matapos pauwiin ni Jesus ang mga tao, sumakay siya sa bangka at pumunta sa lupain ng Magadan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®