Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Patnubay ng Dios sa Kanyang mga Mamamayan
78 Mga kababayan,[a] ang mga turo koʼy inyong pakinggan.
2 Tuturuan ko kayo sa pamamagitan ng kasaysayan.[b]
Sasabihin ko sa inyo ang mga lihim na katotohanan ng nakaraan.
3 Napakinggan na natin ito at nalaman.
Sinabi ito sa atin ng ating mga ninuno.
4 Huwag natin itong ilihim sa ating mga anak;
sabihin din natin ito sa mga susunod na salinlahi.
Sabihin natin sa kanila ang kapangyarihan ng Panginoon at ang mga kahanga-hanga niyang gawa.
5 Ibinigay niya ang kanyang mga kautusan sa mga mamamayan ng Israel na mula sa lahi ni Jacob.
Iniutos niya sa ating mga ninuno na ituro ito sa kanilang mga anak,
6 upang malaman din ito ng mga susunod na lahi at nang ituro rin nila ito sa kanilang mga anak.
7 Sa ganitong paraan, magtitiwala sila sa Dios at hindi nila makakalimutan ang kanyang ginawa, at susundin nila ang kanyang mga utos,
8 upang hindi sila maging katulad ng kanilang mga ninuno na matitigas ang ulo, suwail, hindi lubos ang pagtitiwala sa Dios, at hindi tapat sa kanya.
17 Ngunit ang ating mga ninuno ay patuloy na nagkasala sa kanya. Naghimagsik sila sa Kataas-taasang Dios doon sa ilang.
18 Sinadya nilang subukin ang Dios upang hingin ang mga pagkaing gusto nila.
19 Kinutya nila ang Dios nang sabihin nilang,
“Makakapaghanda ba ang Dios ng pagkain dito sa ilang?
20 Oo ngaʼt umagos ang tubig nang hampasin niya ang bato,
ngunit makapagbibigay din ba siya ng tinapay at karne sa atin?”
21 Kaya nang marinig ito ng Panginoon nagalit siya sa kanila.
Nag-apoy sa galit ang Panginoon laban sa lahi ni Jacob,
22 dahil wala silang pananampalataya sa kanya, at hindi sila nagtitiwala na ililigtas niya sila.
23 Ganoon pa man, iniutos niyang bumukas ang langit,
24 at pinaulanan sila ng pagkain na tinatawag na manna.
Ibinigay ito sa kanila upang kainin.
25 Kinain nila ang pagkain ng mga anghel, at binigyan sila nito ng Dios hanggaʼt gusto nila.
26 Pinaihip niya ang hangin mula sa silangan at sa timog sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
27 Pinaulanan din sila ng napakaraming ibon, na kasindami ng buhangin sa tabing-dagat.
28 Pinadapo niya ang mga ito sa palibot ng kanilang mga tolda sa kampo.
29 Kaya kumain sila hanggang sa mabusog, dahil ibinigay sa kanila ng Dios ang gusto nila.
Huwag Kalilimutan ang Panginoon
8 “Sundin ninyong mabuti ang lahat ng utos na ibinibigay ko sa inyo sa araw na ito, para mabuhay kayo nang matagal at dumami, at makapanirahan sa lupaing ipinangako ng Panginoon sa inyong mga ninuno. 2 Alalahanin ninyo kung paano kayo ginabayan ng Panginoon na inyong Dios sa paglalakbay ninyo sa disyerto sa loob ng 40 taon. Ginawa niya ito upang turuan kayong magpakumbaba, at sinubok niya kayo upang malaman kung ano talaga ang nilalaman ng inyong puso, kung susundin ninyo ang kanyang mga utos o hindi. 3 Ibinaba niya kayo sa pamamagitan ng paggutom sa inyo at pagkatapos, binigyan niya kayo ng ‘manna’ – isang klase ng pagkain na hindi pa ninyo natitikman maging ng inyong mga ninuno mula pa noong una. Ginawa ito ng Panginoon para ituro sa inyo na hindi lang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa bawat salita ng Panginoon. 4 Sa loob ng 40 taon, hindi naluma ang mga damit ninyo at hindi namaga ang mga paa ninyo sa paglalakbay. 5 Dapat ninyong maisip na gaya ng pagdidisiplina ng ama sa kanyang anak, ang Panginoon na inyong Dios ay dumidisiplina rin sa inyo.
6 “Kaya sundin ninyo ang mga utos ng Panginoon na inyong Dios. Mamuhay kayo ayon sa kanyang pamamaraan at igalang ninyo siya. 7 Sapagkat dadalhin kayo ng Panginoon na inyong Dios sa magandang lupain, na may mga sapa at mga bukal na umaagos sa mga lambak at mga kaburulan. 8 Ang lupaing ito ay may mga trigo, sebada, ubas, igos, pomegranata, olibo at pulot. 9 Hindi kayo mawawalan ng pagkain sa lupaing ito at hindi kayo kukulangin ng anuman. Makakakuha kayo ng bakal sa mga bato nito, at makakahukay kayo ng tanso sa mga kabundukan. 10 Kapag nakakain na kayo at nangabusog, purihin ninyo ang Panginoon na inyong Dios dahil sa magandang lupaing ibinigay niya sa inyo.
Ang Dahilan ng Pagpunta ni Pablo sa Roma
8 Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa Dios sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat, dahil balitang-balita ang inyong pananampalataya sa buong mundo. 9 Palagi ko kayong idinadalangin, at alam ito ng Dios na buong puso kong pinaglilingkuran sa aking pangangaral ng Magandang Balita tungkol sa kanyang Anak. 10 Lagi ko ring idinadalangin na loobin sana ng Dios na makapunta ako riyan sa inyo. 11 Nananabik akong makita kayo para maipamahagi sa inyo ang mga espiritwal na kaloob na makakapagpatatag sa inyo. 12 Sa ganoon, magkakatulungan tayo sa pagpapalakas ng pananampalataya ng isaʼt isa.
13 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ilang ulit ko nang binalak na pumunta riyan, pero laging may humahadlang. Nais kong pumunta riyan para mayroon din akong maakay sa pananampalataya kay Cristo, tulad ng ginawa ko sa mga hindi Judio sa mga napuntahan kong lugar. 14 Sapagkat may pananagutan ako na mangaral sa lahat ng tao: sa mga may pinag-aralan man o wala, sa marurunong o hangal. 15 Iyan ang dahilan kung bakit nais ko ring maipangaral ang Magandang Balita riyan sa inyo sa Roma.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®