Revised Common Lectionary (Complementary)
121 Ginawa ko ang matuwid at makatarungan,
kaya huwag nʼyo akong pababayaan sa aking mga kaaway.
122 Ipangako nʼyong tutulungan nʼyo ako na inyong lingkod;
huwag pabayaang apihin ako ng mga mayayabang.
123 Nagdidilim na ang aking paningin sa paghihintay sa inyong pangako na ililigtas ako.
124 Gawin nʼyo sa akin na inyong lingkod ang naaayon sa inyong pagmamahal,
at ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
125 Ako ay inyong lingkod, kaya bigyan nʼyo ako ng pang-unawa,
upang maunawaan ko ang inyong mga katuruan.
126 Panginoon, ito na ang panahon upang kayo ay kumilos,
dahil nilalabag ng mga tao ang inyong kautusan.
127 Pinahahalagahan ko ang inyong mga utos,
nang higit pa kaysa sa ginto o pinakadalisay na ginto.
128 Sinusunod ko ang lahat nʼyong mga tuntunin,
kaya kinamumuhian ko ang lahat ng masamang gawain.
Ang Kahalagahan ng Kawikaan
1 Ito ang mga kawikaan ni Solomon na anak ni David, hari ng Israel.
2 Sa pamamagitan ng mga kawikaang ito, magkakaroon ka ng karunungan, maitutuwid mo ang iyong ugali at mauunawaan mo ang mga aral na magbibigay sa iyo ng karunungan. 3 Sa pamamagitan din nitoʼy magiging disiplinado ka, dahil itinuturo nito ang matuwid na paraan ng pamumuhay, mabuting pag-uugali, paggawa ng tama, at pagiging makatarungan. 4 Makapagbibigay ito ng karunungan sa mga walang kaalaman at sa kabataaʼy magtuturo ng tamang pagpapasya. 5 Sa pakikinig nito, ang marunong ay lalong magiging marunong at ang may pinag-aralan ay magiging dalubhasa, 6 upang maunawaan nila ang kahulugan ng mga kawikaan, mga talinghaga, at mga bugtong ng marurunong.
7 Ang pagkatakot sa Panginoon na may paggalang ang simula ng karunungan. Ngunit sa hangal,[a] walang halaga ang karunungan at ayaw niyang maturuan upang maituwid ang kanyang pag-uugali.
Kapag Itinakwil ang Karunungan
20-21 Ang karunungan ay katulad ng isang mangangaral na nagsasalita sa mga lansangan, plasa, pamilihan, at mga pintuang bayan. Sinasabi niya,
22 “Kayong mga walang alam,
hanggang kailan kayo mananatiling ganyan?
Kayong mga nanunuya, hanggang kailan kayo matutuwa sa inyong panunuya?
Kayong mga hangal, hanggang kailan ninyo tatanggihan ang karunungan?
23 Pakinggan ninyo ang pagsaway ko sa inyo.
Sasabihin ko sa inyo kung ano ang iniisip ko.
Ipapaalam ko sa inyo ang aking sasabihin laban sa inyo,
24 sapagkat hindi ninyo pinansin ang panawagan ko na lumapit kayo sa akin,
25 at binalewala ninyo ang lahat ng payo ko at pagsaway.
26-27 Pagtatawanan ko kayo kapag napahamak kayo;
kukutyain ko kayo kapag dumating sa inyo ang paghihirap at mga pangyayaring nakakatakot gaya ng ipu-ipo at bagyo.
28 Tatawag kayo sa akin, ngunit hindi ko kayo sasagutin.
Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita.
29 Dahil ayaw ninyo na tinuturuan kayo at wala kayong takot sa Panginoon.
30 Tinanggihan ninyo ang mga payo ko at minasama ang aking pagsaway sa inyo.
31 Kaya aanihin ninyo ang bunga ng inyong mga ginagawa at pinaplanong masama.
32 Sapagkat ang katigasan ng ulo ng mga taong walang karunungan ang papatay sa kanila,
at ang pagsasawalang-bahala ng mga hangal ang magpapahamak sa kanila.
33 Ngunit ang taong nakikinig sa akin ay mabubuhay ng matiwasay,
ligtas siya sa panganib at walang katatakutan.”
Ang Paghahalintulad sa Buto ng Mustasa(A)
30 Sinabi pa ni Jesus, “Sa ano kaya maitutulad ang paghahari ng Dios? Sa ano ko kaya ito maihahambing? 31 Katulad ito ng isang buto ng mustasa[a] na siyang pinakamaliit sa lahat ng buto. 32 Ngunit kapag naitanim na at tumubo, nagiging mas mataas ito kaysa sa ibang mga halaman, at kahit ang mga ibon ay nakakapamugad sa lilim ng mga sanga nito.”
33 Marami pang mga talinghaga o mga paghahalintulad na gaya ng mga ito ang ginamit ni Jesus sa pagtuturo sa mga tao ayon sa makakaya ng kanilang pang-unawa. 34 Hindi siya nangangaral sa mga tao nang hindi gumagamit ng talinghaga, pero ipinapaliwanag naman niya sa mga tagasunod niya kapag sila-sila na lang.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®