Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:121-128

121 Ginawa ko ang matuwid at makatarungan,
    kaya huwag nʼyo akong pababayaan sa aking mga kaaway.
122 Ipangako nʼyong tutulungan nʼyo ako na inyong lingkod;
    huwag pabayaang apihin ako ng mga mayayabang.
123 Nagdidilim na ang aking paningin sa paghihintay sa inyong pangako na ililigtas ako.
124 Gawin nʼyo sa akin na inyong lingkod ang naaayon sa inyong pagmamahal,
    at ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
125 Ako ay inyong lingkod, kaya bigyan nʼyo ako ng pang-unawa,
    upang maunawaan ko ang inyong mga katuruan.
126 Panginoon, ito na ang panahon upang kayo ay kumilos,
    dahil nilalabag ng mga tao ang inyong kautusan.
127 Pinahahalagahan ko ang inyong mga utos,
    nang higit pa kaysa sa ginto o pinakadalisay na ginto.
128 Sinusunod ko ang lahat nʼyong mga tuntunin,
    kaya kinamumuhian ko ang lahat ng masamang gawain.

1 Hari 4:29-34

29 Binigyan ng Dios si Solomon ng di-pangkaraniwang karunungan at pang-unawa, at kaalaman na hindi masukat. 30 Ang kaalaman niya ay higit pa sa kaalaman ng lahat ng matatalino sa silangan at sa Egipto. 31 Siya ang pinakamatalino sa lahat. Mas matalino pa siya kaysa kay Etan na Ezrano at sa mga anak ni Mahol na sina Heman, Calcol at Darda. At naging tanyag siya sa mga nakapaligid na bansa. 32 Gumawa siya ng 3,000 kawikaan at 1,005 awit. 33 Makapagsasabi siya ng tungkol sa lahat ng uri ng pananim, mula sa malalaking punongkahoy hanggang sa maliliit na pananim.[a] Makapagsasabi rin siya tungkol sa lahat ng uri ng hayop na lumalakad, gumagapang, lumilipad, at lumalangoy. 34 Nabalitaan ng lahat ng hari sa mundo ang karunungan ni Solomon, kaya nagpadala sila ng mga tao para makinig sa kanyang karunungan.

Efeso 6:10-18

Mga Kagamitang Pandigma na Kaloob ng Dios

10 At bilang pangwakas, magpakatatag kayo sa Panginoon sa pamamagitan ng dakila niyang kapangyarihan. 11 Gamitin nʼyo ang lahat ng kagamitang pandigma na ibinigay sa inyo ng Dios para malabanan nʼyo ang mga lalang ng diyablo. 12 Sapagkat ang kalaban natin ay hindi mga tao kundi masasamang espiritu sa himpapawid – mga pinuno, may kapangyarihan at mga tagapamahala ng kadilimang namamayani sa mundong ito. 13 Kaya gamitin nʼyo ang lahat ng kagamitang pandigma na ibinigay sa inyo ng Dios, para sa oras na dumating ang kasamaan ay magawa ninyong makipaglaban, at pagkatapos ng pakikipaglaban ay manatili pa rin kayong matatag.

14 Kaya maging handa kayo. Gawin ninyong sinturon ang katotohanan. Isuot nʼyo ang pagkamatuwid bilang pananggalang sa dibdib ninyo. 15 Isuot nʼyo bilang sapatos ang pagiging handa sa pangangaral ng Magandang Balita na nagbibigay ng kapayapaan. 16 Hindi lang iyan, gamitin din ninyo bilang panangga ang pananampalataya ninyo para hindi kayo tablan ng mga panunukso ni Satanas na parang mga palasong nagliliyab. 17 Isuot nʼyo bilang helmet ang tinanggap ninyong kaligtasan, at gamitin nʼyo bilang espada ang Salita ng Dios na kaloob ng Banal na Espiritu. 18 At manalangin kayo sa lahat ng oras sa tulong ng Banal na Espiritu. Ipanalangin nʼyo ang lahat ng dapat ipanalangin. Huwag kayong magpabaya; patuloy kayong manalangin lalo na para sa lahat ng mga pinabanal.[a]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®