Revised Common Lectionary (Complementary)
5 Kinagabihan, nagpakita sa kanya ang Panginoon sa pamamagitan ng isang panaginip. Sinabi ng Dios sa kanya, “Humingi ka ng kahit ano at ibibigay ko ito sa iyo.” 6 Sumagot si Solomon, “Nagpakita po kayo ng malaking kabutihan sa aking amang si David, na inyong lingkod, dahil matapat siya sa inyo, at matuwid ang kanyang pamumuhay. Patuloy nʼyo pong ipinakita sa kanya ang inyong malaking kabutihan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng isang anak na siya pong pumalit sa kanya bilang hari ngayon. 7 Panginoon na aking Dios, ako na inyong lingkod ang ipinalit ninyo sa ama kong si David bilang hari, kahit binatilyo pa ako at wala pang karanasan sa pamamahala. 8 At ngayon narito po ako kasama ang pinili ninyong mga mamamayan, na hindi mabilang sa sobrang dami. 9 Kaya bigyan nʼyo po ako ng karunungan para pamahalaan ang inyong mga mamamayan at kaalamang malaman kung ano ang mabuti at masama. Dahil sino po ba ang may kakayahang mamahala sa inyong mga mamamayan na napakarami?”
10 Natuwa ang Panginoon sa hiningi ni Solomon. 11 Kaya sinabi ng Dios sa kanya, “Dahil humingi ka ng kaalaman na mapamahalaan ang aking mga mamamayan at hindi ka humingi ng mahabang buhay o kayamanan o kamatayan ng iyong mga kaaway, 12 ibibigay ko sa iyo ang kahilingan mo. Bibigyan kita ng karunungan at kaalaman na hindi pa naangkin ng kahit sino, noon at sa darating na panahon.
129 Kahanga-hanga ang inyong mga turo,
kaya sinusunod ko ito nang buong puso.
130 Ang pagpapahayag ng inyong mga salita ay nagbibigay-liwanag sa isipan ng tao at karunungan sa mga wala pang kaalaman.
131 Labis kong hinahangad ang inyong mga utos.
132 Masdan nʼyo ako at kahabagan,
gaya ng lagi nʼyong ginagawa sa mga umiibig sa inyo.
133 Patnubayan nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong mga salita,
at huwag nʼyong hayaang pagharian ako ng kasamaan.
134 Iligtas nʼyo ako sa mga nang-aapi sa akin,
upang masunod ko ang inyong mga tuntunin.
135 Ipakita nʼyo sa akin na inyong lingkod ang inyong kabutihan,
at turuan nʼyo ako ng inyong mga tuntunin.
136 Labis akong umiiyak dahil hindi sinusunod ng mga tao ang inyong kautusan.
26 Tinutulungan tayo ng Banal na Espiritu sa kahinaan natin. Hindi natin alam kung ano ang dapat nating ipanalangin, kaya ang Espiritu na rin ang namamagitan sa Dios para sa atin sa pamamagitan ng mga daing na hindi natin kayang sabihin. 27 At ang anumang nais sabihin ng Banal na Espiritu ay alam ng Dios na siyang sumisiyasat sa puso ng mga tao. Sapagkat namamagitan ang Banal na Espiritu para sa mga mananampalataya,[a] kung ano ang ayon sa kalooban ng Dios.
28 Alam natin na sa lahat ng bagay, gumagawa ang Dios para sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, na kanyang tinawag ayon sa kanyang layunin. 29 Sapagkat alam na ng Dios noon pa man kung sinu-sino ang kanyang magiging mga anak. At silaʼy itinalaga niyang matulad sa kanyang Anak na si Jesus para siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid. 30 Kaya nga, ang mga taong pinili ng Dios noong una pa ay tinawag niya para maging kanyang mga anak, at ang mga tinawag niya ay itinuring niyang matuwid, at ang itinuring niyang matuwid ay binigyan niya ng karangalan.
Ang Pag-ibig ng Dios
31 Ngayon, kung iisipin natin ang mga bagay na ito, masasabi nating panig sa atin ang Dios, at dahil dito, walang magtatagumpay laban sa atin. 32 Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait sa halip ay ibinigay para sa atin, tiyak na ibibigay din niya sa atin ang lahat ng bagay. 33 Sino ang maaaring mag-akusa sa mga pinili ng Dios? Ang Dios na mismo ang nagturing sa atin na matuwid. 34 Wala ring makakahatol sa atin ng kaparusahan, dahil si Cristo Jesus na mismo ang hinatulang mamatay para sa atin. At hindi lang iyan, muli siyang binuhay at nasa kanang kamay na ngayon ng Dios at namamagitan para sa atin. 35 Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo, kahit dumanas pa tayo ng mga pagsubok, paghihirap, pag-uusig, gutom, kawalan,[b] panganib, o maging kamatayan. 36 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan,
“Alang-alang sa iyo, palaging nasa panganib ang aming buhay. Para kaming mga tupang kakatayin.”[c]
37 Pero kahit ganito ang kalagayan natin, kayang-kaya nating pagtagumpayan ito sa tulong ni Cristo na nagmamahal sa atin. 38-39 Sapagkat natitiyak ko na walang makakapaghiwalay sa atin sa pag-ibig ng Dios na ipinakita sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon. Maging kamatayan o buhay, mga anghel o anumang makapangyarihang espiritu, ang kasalukuyang panahon o ang hinaharap, ang mga kapangyarihan, ang mga nasa itaas o mga nasa ibaba, o kahit ano pang mga bagay sa buong mundo ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Dios.
Ang Paghahalintulad sa Buto ng Mustasa(A)
31 Ikinuwento pa sa kanila ni Jesus ang paghahalintulad na ito: “Ang kaharian ng Dios ay katulad ng isang buto ng mustasa[a] na itinanim ng isang tao sa kanyang bukid. 32 Ito ang pinakamaliit sa lahat ng buto. Ngunit kapag tumubo at lumaki na, nagiging mas mataas ito kaysa sa ibang mga halamang gulay, na parang punongkahoy ang taas, at pinupugaran ng mga ibon ang mga sanga nito.”
Ang Paghahalintulad sa Pampaalsa(B)
33 Isa pang paghahalintulad ang ikinuwento ni Jesus: “Ang kaharian ng Dios ay katulad ng pampaalsang inihalo ng babae sa isang malaking planggana ng harina, at napaalsa nito ang buong masa ng harina.”
Ang Paghahalintulad sa Natatagong Kayamanan
44 Sinabi pa ni Jesus, “Ang kaharian ng Dios ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nang mahukay ito ng isang tao, itinago[a] niya itong muli. At sa tuwa niyaʼy umuwi siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian, at binili niya ang bukid na iyon.”
Ang Paghahalintulad sa Perlas
45 “Ang kaharian ng Dios ay katulad din nito: May isang negosyante na naghahanap ng magagandang perlas. 46 Nang makatagpo siya ng isang mamahaling perlas, ipinagbili niya ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang perlas na iyon.”
Ang Paghahalintulad sa Lambat
47 “Ang kaharian ng Dios ay katulad din ng isang lambat na inihagis ng mga mangingisda sa lawa at nakahuli ng sari-saring isda. 48 Nang mapuno ang lambat, hinila nila ito papunta sa dalampasigan. Pagkatapos, naupo sila para pagbukud-bukurin ang mga isda. Ang mabubuting isda ay inilagay nila sa mga basket, at ang mga walang kwenta[b] ay itinapon nila. 49 Ganyan din ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Darating ang mga anghel at ihihiwalay nila ang masasama sa matutuwid. 50 Itatapon ang masasama sa nagliliyab na apoy, at dooʼy iiyak sila at magngangalit ang kanilang ngipin.”
51 Pagkatapos, tinanong sila ni Jesus, “Naunawaan ba ninyong lahat ang sinabi ko?” Sumagot sila, “Opo.” 52 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Kaya nga, ang bawat tagapagturo ng Kautusan na naturuan tungkol sa kaharian ng Dios ay maitutulad sa isang may-ari ng bahay na maraming ari-arian sa bodega niya. Hindi lang ang mga lumang bagay ang kanyang inilalabas sa bodega kundi pati ang mga bago.”[c]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®