Revised Common Lectionary (Complementary)
Dalanging may Pagtitiwala
131 Panginoon, akoʼy hindi hambog o mapagmataas.
Hindi ko hinahangad ang mga bagay na napakataas na hindi ko makakayanan.
2 Kontento na ako katulad ng batang inawat na hindi na naghahangad ng gatas ng kanyang ina.
3 Mga taga-Israel, magtiwala kayo sa Panginoon ngayon at magpakailanman.
Naglagay ng Pamatok sa Leeg si Jeremias
27 1-2 Noong pasimula ng paghahari ni Zedekia na anak ni Haring Josia ng Juda, sinabi sa akin ng Panginoon, “Jeremias, gumawa ka ng pamatok at lagyan mo ng tali at ilagay mo sa batok mo. 3 Pagkatapos, sabihin mo ito sa mga hari ng Edom, Moab, Ammon, Tyre at Sidon sa pamamagitan ng mga sugo nila na nasa Jerusalem para makipagkita kay Haring Zedekia ng Juda. 4 Sabihin mo sa kanila ang mensaheng ito para sa kanilang mga hari: Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, 5 ‘Sa pamamagitan ng kapangyarihan ko nilikha ko ang mundo, ang mga tao at mga hayop, at nasa sa akin kung sino ang gusto kong gawing tagapamahala nito. 6 Kaya ngayon, ibibigay ko ang mga bansa nʼyo sa lingkod kong si Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Pati ang mababangis na hayop ay ipapasakop ko sa pamamahala niya. 7 Ang lahat ng bansa ay maglilingkod sa kanya, sa anak, at sa apo niya hanggang sa panahong bumagsak ang kaharian ng Babilonia. At ang Babilonia naman ang maglilingkod sa maraming bansa at sa mga makapangyarihang hari.
8 “ ‘Pero kung may bansa o kahariang ayaw maglingkod o magpasakop kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia, ako ang magpaparusa sa bansa o kahariang iyon sa pamamagitan ng digmaan, gutom, at sakit hanggang sa maipasakop ko sila kay Nebucadnezar. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 9 Kaya huwag kayong maniniwala sa inyong mga propeta, mga manghuhula, mga nagpapaliwanag tungkol sa mga panaginip, mga mangkukulam o mga espiritistang nagsasabing hindi kayo sasakupin ng hari ng Babilonia. 10 Kasinungalingan ang sinasabi nila sa inyo. At kung maniniwala kayo sa kanila, paaalisin ko kayo sa lupain ninyo. Palalayasin at lilipulin ko kayo. 11 Pero ang mga bansang magpapasakop at maglilingkod sa hari ng Babilonia ay mananatili sa sarili nilang bayan. Dito sila maninirahan at bubungkalin nila ang kanilang sariling lupain. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
16 Pagkatapos, sinabi ko sa mga pari at sa lahat ng tao, “Sinabi ng Panginoon na huwag kayong maniniwala sa mga propetang nagsasabing malapit nang ibalik ang mga kagamitan ng templo mula sa Babilonia. Kasinungalingan iyan. 17 Huwag kayong maniniwala sa kanila; maglingkod kayo sa hari ng Babilonia at nang mabuhay kayo, kinakailangan pa bang mawasak ang lungsod na ito? 18 Kung talagang mga propeta sila at galing sa Panginoon ang sinasabi nila, manalangin sila sa Panginoong Makapangyarihan na ang mga kagamitang naiwan sa templo, sa palasyo ng hari ng Juda at sa Jerusalem ay huwag nang dalhin sa Babilonia. 19 Sapagkat sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan na ang mga tansong haligi ng templo, ang lalagyan ng tubig na tinatawag na Dagat, mga karwahe, at ang iba pang mga kagamitan sa lungsod na ito ay dadalhin sa Babilonia. 20 Ang mga nasabing kagamitan ay hindi dinala ni Haring Nebucadnezar sa Babilonia noong binihag niya si Haring Jehoyakin na anak ni Haring Jehoyakim ng Juda, kasama ng mga tagapamahala ng Juda at Jerusalem. 21-22 Pero ngayon, ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Dadalhin sa Babilonia ang mga kagamitang ito at mananatili roon hanggang sa dumating ang araw na kukunin ko ito at ibabalik sa Jerusalem.’ ”
Ang Galit ng Dios sa Lahat ng Kasamaan
18 Ipinapahayag ng Dios mula sa langit ang kanyang poot sa lahat ng kasamaan at kalapastanganang ginagawa ng mga tao, na siyang pumipigil sa kanila para malaman ang katotohanan tungkol sa Dios. 19 Sapagkat ang katotohanan tungkol sa Dios ay malinaw sa kanila dahil inihayag ito sa kanila ng Dios. 20 Totoong hindi nakikita ang Dios, pero mula pa nang likhain niya ang mundo, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Dios ay naipahayag sa mga bagay na ginawa niya; kaya wala silang maidadahilan. 21 At kahit alam nilang may Dios, hindi nila siya pinarangalan o pinasalamatan man lang. Sa halip, ibinaling nila ang kanilang pag-iisip sa mga bagay na walang kabuluhan, kaya napuno ng kadiliman ang mga hangal nilang pag-iisip. 22 Nagmamarunong sila, pero lumilitaw na silaʼy mga mangmang. 23 Sapagkat ipinagpalit nila ang dakila at walang kamatayang Dios sa mga dios-diosang anyong tao na may kamatayan, mga ibon, mga hayop na may apat na paa, at mga hayop na nagsisigapang.
24 Kaya hinayaan na lang sila ng Dios sa maruruming hangarin ng kanilang puso, hanggang sa gumawa sila ng kahalayan at kahiya-hiyang mga bagay sa isaʼt isa. 25 Ipinagpalit nila sa kasinungalingan ang katotohanan tungkol sa Dios. Sinamba nila at pinaglingkuran ang mga nilikha sa halip na ang Manlilikha na siyang dapat papurihan magpakailanman. Amen!
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®