Revised Common Lectionary (Complementary)
161 Inuusig ako ng mga namumuno ng walang dahilan,
ngunit salita nʼyo lang ang aking kinatatakutan.
162 Nagagalak ako sa inyong mga pangako na tulad ng isang taong nakatuklas ng malaking kayamanan.
163 Namumuhi ako at nasusuklam sa kasinungalingan,
ngunit iniibig ko ang inyong kautusan.
164 Pitong beses[a] akong nagpupuri sa inyo bawat araw dahil matuwid ang inyong mga utos.
165 Magiging payapaʼt tiwasay ang kalagayan ng mga umiibig sa inyong kautusan,
at silaʼy hindi mabubuwal.
166 Panginoon umaasa ako na akoʼy inyong ililigtas,
at sinusunod ko ang inyong mga utos.
167 Buong puso kong iniibig ang inyong mga turo,
at itoʼy sinusunod ko.
168 Ang lahat kong ginagawa ay inyong nalalaman,
kaya sinusunod ko ang inyong mga tuntunin at katuruan.
17 Sinabi ng Panginoon kay Elias na taga-Tisbe, 18 “Humayo kaʼt puntahan si Haring Ahab ng Israel, na nakatira sa Samaria. Naroon siya sa ubasan ni Nabot dahil gusto niya itong angkinin. 19 Sabihin mo ito sa kanya: ‘Pagkatapos mong pumatay ng tao, kukunin mo pa pati ang kanyang lupa? Dahil sa iyong ginawa, hihimurin ng mga aso ang dugo mo sa labas ng lungsod, tulad ng paghimod nila roon sa dugo ni Nabot.’ ”
20 Pagkakita ni Ahab kay Elias, sinabi niya, “Natagpuan din ako ng kaaway ko!” Sumagot si Elias, “Oo, pumunta ako sa iyo dahil ipinagbili mo ang iyong sarili sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon! 21 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon sa iyo: ‘Padadalhan kita ng kapahamakan. Papatayin ko ang lahat ng iyong angkan na lalaki, alipin man o hindi. 22 Lilipulin ko ang pamilya mo katulad ng ginawa ko sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat at sa pamilya ni Baasha na anak ni Ahia, dahil ginalit mo ako at ikaw ang naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.’
23 “At tungkol naman kay Jezebel, sinabi ng Panginoon, na kakainin siya ng mga aso sa pader ng Jezreel. 24 Ang mga kabilang sa pamilya mo na mamamatay sa lungsod ay kakainin ng mga aso, at ang mamamatay sa bukid ay kakainin ng mga ibon.”
25 (Wala ng ibang taong ipinagbili ang sarili sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ni Ahab dahil sinulsulan siya ni Jezebel na kanyang asawa. 26 Gumawa siya ng masasamang bagay sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan, katulad ng ginawa ng mga Amoreo na pinalayas ng Panginoon sa mga Israelita.)
27 Pagkarinig ni Ahab sa sinabi ni Elias, sinira niya ang kanyang damit at nagsuot ng sako, kahit sa pagtulog. Nag-ayuno siya at malungkot na nagpalakad-lakad.
28 Sinabi ng Panginoon kay Elias na taga-Tisbe, 29 “Nakita mo ba kung papaano nagpakumbaba si Ahab ng kanyang sarili sa aking harapan? Dahil sa pagpapakumbaba niya, hindi ko na ipapadala ang kapahamakan sa panahon niya, kundi ipapadala ko ito sa pamilya ng kanyang anak kapag naghari na ito.”
Ang Espiritu ng Dios at ang Espiritu ng Anti-Cristo
4 Mga minamahal, huwag kayong basta maniniwala sa mga taong nagsasabi na ang ipinangangaral nilaʼy mula sa Banal na Espiritu. Sa halip, alamin muna ninyo kung nagmula nga sa Dios ang itinuturo nila. Sapagkat marami nang huwad at sinungaling na propetang nagkalat sa mundo. 2 Sa ganitong paraan ninyo malalaman kung ang espiritung sumasakanila ay mula sa Dios: kung kinikilala nila na si Jesu-Cristoʼy naging tao, ang Dios mismo ang nagsugo sa kanila. 3 Ngunit ang hindi kumikilala na si Jesus ay naging tao ay hindi isinugo ng Dios kundi ng espiritu ng anti-Cristo. Narinig ninyo na darating na ang anti-Cristo, at naririto na nga sa mundo. 4 Ngunit mga anak ko, kayoʼy sa Dios at napagtagumpayan na ninyo ang mga huwad at sinungaling na propeta, dahil ang Espiritung nasa inyo ay higit na makapangyarihan kaysa kay Satanas, na siyang naghahari ngayon sa mga makamundo. 5 Itong mga huwad at sinungaling na propetaʼy makamundo, kaya ang mga bagay ng mundo ang kanilang itinuturo, at nakikinig sa kanila ang mga makamundo. 6 Ngunit tayo naman ay sa Dios. Ang mga kumikilala sa Dios ay nakikinig sa mga itinuturo natin, ngunit ang mga hindi kumikilala sa Dios ay hindi nakikinig sa atin. Sa gayong paraan natin makikilala kung sino ang nangangaral ng mula sa Espiritu ng katotohanan o sa espiritu ng kasinungalingan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®