Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Kasunduan ng Dios kay David
89 Panginoon, aawitin ko ang tungkol sa inyong tapat na pag-ibig magpakailanman.
Ihahayag ko sa lahat ng salinlahi ang inyong katapatan.
2 Ipapahayag ko na matatag ang inyong walang hanggang pag-ibig, at mananatili gaya ng kalangitan.
3 At inyong sinabi, “Gumawa ako ng kasunduan sa aking lingkod na si David na aking pinili upang maging hari.
Ito ang ipinangako ko sa kanya:
4 Ang bawat hari ng Israel ay manggagaling sa iyong lahi;
ang iyong kaharian ay magpapatuloy magpakailanman.”
15 Panginoon, mapalad ang mga taong nakaranas na sumigaw dahil sa kagalakan para sa inyo.
Namumuhay sila sa liwanag na nagmumula sa inyo.
16 Dahil sa inyo palagi silang masaya.
At ang inyong pagiging makatuwiran ay pinupuri nila.
17 Pinupuri namin kayo dahil kayo ang aming dakilang kalakasan,
at dahil sa inyong kabutihan kami ay magtatagumpay.
18 Panginoon, Banal na Dios ng Israel,
ikaw ang naghirang sa hari na sa amin ay nagtatanggol.
8 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Sapagkat hindi kayo nakinig sa mga sinabi ko, 9 ipapasalakay ko kayo sa mga sundalong galing sa hilaga na pinangungunahan ng lingkod kong si Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Lulusubin niya ang lupaing ito at ang mga mamamayan nito, pati ang lahat ng bansa sa palibot nito. Lilipulin ko kayo nang lubusan, at masisindak ang mga tao sa sinapit ninyo, at kukutyain kayo ng iba dahil mananatili kayong giba habang panahon. 10 Mawawala ang pagkakatuwaan at pagsasaya ninyo. Hindi na rin mapapakinggan ang pagsasaya ng mga bagong kasal. Wala nang gigiling ng trigo o magsisindi ng ilaw kung gabi. 11 Magiging mapanglaw ang lupaing ito. Ang bansang ito at ang mga bansa sa palibot ay maglilingkod sa hari ng Babilonia sa loob ng 70 taon.
12 “Pero pagkatapos ng 70 taon, parurusahan ko rin ang hari ng Babilonia pati ang mga mamamayan niya dahil sa mga kasalanan nila. At gagawin ko ring malungkot ang bansa nila sa habang panahon. 13 Ipapadama ko sa bansa nila ang lahat ng sinabi ko laban sa kanila at sa iba pang mga bansa ayon sa sinabi ni Jeremias na nakasulat sa aklat na ito. 14 Aalipinin sila ng maraming bansa at ng mga makapangyarihang hari. Parurusahan ko sila ayon sa mga ginawa nila.”
7 Mabuti noon ang mga ginagawa ninyo. Sino ang pumigil sa inyo sa pagsunod sa katotohanan? 8 Hindi maaaring ang Dios ang pumigil sa inyo dahil siya ang tumawag sa inyo sa pananampalataya. 9 Isipin nʼyo sana na ang maling aral ay parang pampaalsa na kahit kaunti ay nakakapagpaalsa sa buong masa ng harina. 10 Umaasa ako sa Panginoon na hindi kayo magpapadala sa ibang pananaw. Parurusahan ng Dios ang mga nanggugulo sa inyo maging sino man sila.
11 May mga nagsasabing itinuturo ko raw na kailangan ang pagtutuli para maging katanggap-tanggap sa Dios. Kung totoo iyan, mga kapatid, bakit inuusig pa rin ako hanggang ngayon? At kung iyan nga ang itinuturo ko, walang kabuluhan ang mensahe tungkol sa kamatayan ni Cristo sa krus, ang mensaheng hindi matanggap ng iba. 12 At sa mga nanggugulo naman sa inyo, hindi lang sana sila magpatuli kundi magpakapon na rin.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®