Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 40:1-8

40 Aking hinintay na may pagtitiis ang Panginoon; at siya'y kumiling sa akin, at dininig ang aking daing.

Isinampa naman niya ako mula sa isang kakilakilabot na balon, mula sa balahong malagkit; at itinuntong niya ang aking mga paa sa isang malaking bato, at itinatag ang aking mga paglakad.

At siya'y naglagay ng bagong awit sa aking bibig, sa makatuwid baga'y pagpuri sa aming Dios: marami ang mangakakakita at mangatatakot, at magsisitiwala sa Panginoon.

Mapalad ang tao na ginagawang kaniyang tiwala ang Panginoon, at hindi iginagalang ang palalo, ni ang mga naliligaw man sa pagsunod sa mga kabulaanan.

Marami, Oh Panginoon kong Dios, ang mga kagilagilalas na mga gawa na iyong ginawa, at ang iyong mga pagiisip sa amin: hindi malalagay na maayos sa harap mo; kung ako'y magpapahayag at sasalitain ko sila, sila'y higit kay sa mabibilang.

Hain at handog ay hindi mo kinaluluguran; ang aking pakinig ay iyong binuksan: handog na susunugin, at handog tungkol sa kasalanan ay hindi mo hiningi.

Nang magkagayo'y sinabi ko: Narito, dumating ako; sa balumbon ng aklat ay nakasulat tungkol sa akin:

Aking kinalulugurang sundin ang iyong kalooban, Oh Dios ko; Oo, ang iyong kautusan ay nasa loob ng aking puso.

Hosea 14

14 Oh Israel, manumbalik ka sa Panginoon mong Dios; sapagka't ikaw ay nabuwal dahil sa iyong kasamaan.

Magpahayag kayo na may pagsisisi, at magsipanumbalik kayo sa Panginoon: sabihin ninyo sa kaniya, Alisin mo ang boong kasamaan, at tanggapin mo ang mabuti: sa gayo'y aming ilalagak na parang mga toro ang handog ng aming mga labi.

Hindi kami ililigtas ng Asiria; kami ay hindi sasakay sa mga kabayo; ni magsasabi pa man kami sa gawa ng aming mga kamay, Kayo'y aming mga dios; sapagka't dahil sa iyo'y nakakasumpong ng kaawaan ang ulila.

Aking gagamutin ang kanilang pagtalikod, akin silang iibiging may kalayaan; sapagka't ang aking galit ay humiwalay sa kaniya.

Ako'y magiging parang hamog sa Israel: siya'y bubukang parang lila, at kakalat ang kaniyang ugat na parang Libano.

Ang kaniyang mga sanga ay magsisiyabong, at ang kaniyang kagandahan ay magiging parang puno ng olibo, at ang kaniyang bango ay parang Libano.

Silang nagsisitahan sa kaniyang lilim ay manunumbalik; sila'y mangabubuhay uling gaya ng trigo, at mangamumulaklak na gaya ng puno ng ubas: at ang amoy ay magiging gaya ng alak ng Libano.

Sasabihin ng Ephraim, Ano pa ang aking gagawin sa mga dios-diosan? Ako'y sasagot, at aking hahalatain siya: ako'y parang sariwang abeto; mula sa akin ay nasusumpungan ang iyong bunga.

Sino ang pantas, at siya'y makakaunawa ng mga bagay na ito? at mabait, at kaniyang mangalalaman? sapagka't ang mga daan ng Panginoon ay matutuwid, at lalakaran ng mga ganap; nguni't kabubuwalan ng mga mananalangsang.

Mateo 12:1-8

12 Nang panahong yaon ay naglalakad si Jesus nang araw ng sabbath sa mga bukiran ng trigo; at nangagutom ang kaniyang mga alagad at nangagpasimulang magsikitil ng mga uhay at magsikain.

Datapuwa't pagkakita nito ng mga Fariseo, ay sinabi nila sa kaniya, Tingnan mo, ginagawa ng mga alagad mo ang hindi matuwid na gawin sa sabbath.

Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Hindi baga ninyo nabasa ang ginawa ni David nang siya'y nagutom, at ang mga kasamahan niya;

Kung paanong siya'y pumasok sa bahay ng Dios, at kumain siya ng mga tinapay na handog, na hindi matuwid na kanin niya, ni ng mga kasamahan niya, kundi ng mga saserdote lamang?

O hindi baga ninyo nabasa sa kautusan, kung papaanong sa mga araw ng sabbath ay niwawalang galang ng mga saserdote sa templo ang sabbath, at hindi nangagkakasala?

Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na dito ay may isang lalong dakila kay sa templo.

Datapuwa't kung nalalaman ninyo kung ano ang kahulugan nito, Habag ang ibig ko, at hindi hain, ay hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang kasalanan.

Sapagka't ang Anak ng tao ay panginoon ng sabbath.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain