Revised Common Lectionary (Complementary)
40 Aking hinintay na may pagtitiis ang Panginoon; at siya'y kumiling sa akin, at dininig ang aking daing.
2 Isinampa naman niya ako mula sa isang kakilakilabot na balon, mula sa balahong malagkit; at itinuntong niya ang aking mga paa sa isang malaking bato, at itinatag ang aking mga paglakad.
3 At siya'y naglagay ng bagong awit sa aking bibig, sa makatuwid baga'y pagpuri sa aming Dios: marami ang mangakakakita at mangatatakot, at magsisitiwala sa Panginoon.
4 Mapalad ang tao na ginagawang kaniyang tiwala ang Panginoon, at hindi iginagalang ang palalo, ni ang mga naliligaw man sa pagsunod sa mga kabulaanan.
5 Marami, Oh Panginoon kong Dios, ang mga kagilagilalas na mga gawa na iyong ginawa, at ang iyong mga pagiisip sa amin: hindi malalagay na maayos sa harap mo; kung ako'y magpapahayag at sasalitain ko sila, sila'y higit kay sa mabibilang.
6 Hain at handog ay hindi mo kinaluluguran; ang aking pakinig ay iyong binuksan: handog na susunugin, at handog tungkol sa kasalanan ay hindi mo hiningi.
7 Nang magkagayo'y sinabi ko: Narito, dumating ako; sa balumbon ng aklat ay nakasulat tungkol sa akin:
8 Aking kinalulugurang sundin ang iyong kalooban, Oh Dios ko; Oo, ang iyong kautusan ay nasa loob ng aking puso.
25 At kung ang isang babae ay agasan ng kaniyang dugo ng maraming araw sa di kapanahunan ng kaniyang karumihan, o kung agasan sa dako pa roon ng panahon ng kaniyang karumihan; buong panahon ng agas ng kaniyang karumalan ay magiging para ng mga araw ng kaniyang karumihan: siya'y karumaldumal nga.
26 Bawa't higaan na kaniyang hinihigan buong panahon ng kaniyang agas, ay magiging sa kaniya'y gaya ng higaan ng kaniyang karumihan; at bawa't bagay na kaniyang kaupuan, ay magiging karumaldumal, na gaya ng karumalan ng kaniyang karumihan.
27 At sinomang humipo ng mga bagay na yaon ay magiging karumaldumal, at maglalaba ng kaniyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon.
28 Datapuwa't kung siya'y gumaling sa kaniyang agas, ay bibilang siya ng pitong araw, at pagkatapos niyaon ay magiging malinis siya.
29 At sa ikawalong araw ay kukuha siya ng dalawang batobato o ng dalawang inakay ng kalapati, at dadalhin niya sa saserdote sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
30 At ihahandog ng saserdote ang isa na handog dahil sa kasalanan, at ang isa'y handog na susunugin; at itutubos sa kaniya ng saserdote sa harap ng Panginoon, dahil sa agas ng kaniyang karumihan.
31 Ganito ihihiwalay ninyo ang mga anak ni Israel sa kanilang karumalan; upang huwag mangamatay sa kanilang karumalan, kung kanilang ihawa ang aking tabernakulo na nasa gitna nila.
22 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 Salitain mo kay Aaron at sa kaniyang mga anak na sila'y magsihiwalay sa mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, na ikinagiging banal nila sa akin, at huwag nilang lapastanganin ang aking banal na pangalan: ako ang Panginoon.
3 Sabihin mo sa kanila, Sinomang lalake sa lahat ng inyong binhi sa buong panahon ng inyong lahi, na lumapit sa mga banal na bagay na ikinagiging banal ng mga anak ni Israel sa Panginoon, na taglay ang kaniyang karumihan, ay ihihiwalay ang taong iyon sa harap ko: ako ang Panginoon.
4 Sinomang lalake sa binhi ni Aaron na may ketong o may agas; ay hindi kakain ng mga banal na bagay hanggang siya'y malinis. At ang humipo ng alin mang bagay na karumaldumal dahil sa patay, o lalaking nilabasan ng binhi nito;
5 O sinomang humipo ng anomang umuusad na makapagpaparumi, o lalaking makakahawa dahil sa alin mang karumihan niya;
6 Ang lalaking humipo ng gayon ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon, at hindi kakain ng mga banal na bagay maliban na maligo siya sa tubig.
7 At pagkalubog ng araw, ay magiging malinis siya; at pagkatapos ay makakakain ng mga banal na bagay, sapagka't siya niyang tinapay.
8 Yaong bagay na namatay sa sarili, o nilapa ng mga ganid, ay huwag niyang kakanin, na makapagpapahawa sa kaniya: ako ang Panginoon.
9 Iingatan nga nila ang aking bilin, baka sila'y magkasala sa paraang iyan, at kanilang ikamatay, kung kanilang lapastanganin: ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kanila.
14 Huwag kayong makipamatok ng kabilan sa mga di nagsisisampalataya: sapagka't anong pakikisama mayroon ang katuwiran at kalikuan? o anong pakikisama mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman?
15 At anong pakikipagkasundo mayroon si Cristo kay Belial? o anong bahagi mayroon ang sumasampalataya sa di sumasampalataya?
16 At anong pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Dios sa mga diosdiosan? sapagka't tayo'y templo ng Dios na buhay; gaya ng sabi ng Dios, Mananahan ako sa kanila, at lalakad ako sa kanila; at ako'y magiging kanilang Dios, at sila'y magiging aking bayan.
17 Kaya nga, Magsialis kayo sa kanila, at magsihiwalay kayo, sabi ng Panginoon, At huwag kayong magsihipo ng mga bagay na marumi, At kayo'y aking tatanggapin,
18 At ako sa inyo'y magiging ama, At sa akin kayo'y magiging mga anak na lalake at babae, sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat.
7 Yamang taglay natin ang mga pangakong ito, mga minamahal, ay magsipaglinis tayo sa lahat ng karumihan ng laman at ng espiritu, na pakasakdalin ang kabanalan sa takot sa Dios.
2 Buksan ninyo sa amin ang inyong mga puso: hindi namin inapi ang sinoman, hindi namin ipinasama ang sinoman, hindi namin dinaya ang sinoman.
Public Domain