Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Awit ni Maria
46 Sinabi ni Maria: Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon.
47 Ang aking espiritu ay lubos na nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas. 48 Ito ay sapagkat nilingap niya ang pagpapakumbaba ng kaniyang aliping babae at mula ngayon ay ituturing akong mapalad ng lahat ng salin ng lahi. 49 Ito ay sapagkat ang Makapangyarihan ay gumawa sa akin ng mgadakilang bagay at Banal ang kaniyang pangalan. 50 Ang kaniyang kahabagan ay sa lahat ng saling lahi, sa kanila na may pagkatakot sa kaniya. 51 Nagpakita siya ng lakas sa pamamagitan ng kaniyang mga bisig. Ikinalat niya ang mapagmataas sa haka ng kanilang mga puso. 52 Ibinaba niya ang mga makapangyarihan mula sa kanilang mga trono at itinaas niya ang mga mabababang-loob. 53 Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom. Ang mgamayaman ay pinaalis niyang walang dala. 54 Tinulungan niya si Israel na kaniyang lingkod bilang ala-ala ng kaniyang kahabagan. 55 Ginawa niya ito ayon sa sinabi niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kaniyang lahi magpakailanman.
Ang Awit ni Zacarias
67 Si Zacarias na kaniyang ama ay napuspos ng Banal na Espiritu. Nagsalita siyang tulad ng propeta.
68 Sinabi niya: Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel sapagkat dumating siya at tinubos ang kaniyang mga tao. 69 Siya ay nagbangon ng isang sungay ng kaligtasan para sa atin sa bahay ni David na kaniyang lingkod. 70 Ito ay ayon sa kaniyang sinabi sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta buhat pa nang pasimula. 71 Kaniyang sinabi na tayo ay ililigtas mula sa ating mga kaaway. Gayundin, mula sa kamay ng lahat ng mga napopoot sa atin. 72 Ito ay upang tuparin ang kaniyang kahabagan sa ating mga magulang at alalahanin ang kaniyang banal na tipan. 73 Ito ang panunumpa na kaniyang sinumpaan sa ating amang si Abraham na ibibigay sa atin. 74 Ginawa niya ito upang tayo ay maglingkod sa kaniya nang walang takot, pagkatapos niya tayong iligtas mula sa kamay ng ating mga kaaway. 75 Tayo ay maglilingkod sa kabanalan at katuwiran sa harapan niya habang tayo ay nabubuhay. 76 Ikaw, maliit na bata, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan sapagkat yayaon ka sa harapan ng Panginoon upang ihanda ang kaniyang mga daan. 77 Ikaw ay yayaon upang magbigay ng kaalaman ng kaligtasan sa kaniyang mga tao, para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. 78 Ito ay sa pamamagitan ng taos-pusong kahabagan ng ating Diyos, kung saan ang bukang-liwayway mula sa kataasan ay dumating sa atin. 79 Ito ay upang magliwanag sa mga nakaupo sa kadiliman at sa anino ng kamatayan at upang patnubayan ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.
80 At ang bata ay lumaki at pinalakas sa espiritu. At siya ay nasa mga ilang hanggang sa araw ng kaniyang pagpapakita sa Israel.
Copyright © 1998 by Bibles International