Revised Common Lectionary (Complementary)
1 Akong si Pablo ay alipin ni Jesucristo. Tinawag ako ng Diyos na maging apostol at ihiniwalay para sa ebanghelyo ng Diyos. 2 Ito ay ang ipinangako niya noong nakaraang panahon, sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta, sa banal na kasulatan. 3 Ito ay patungkol sa kaniyang Anak na mula sa lahi ni David ayon sa laman. 4 Itinalaga siya na Anak ng Diyos sa pamamagitan ng makapangyarihang paraan ayon sa Espiritu ng kabanalan at sa pamamagitan ng pagkabuhay muli mula sa mga patay. Siya ay si Jesucristo na ating Panginoon. 5 Sa pamamagitan niya, kami ay tumanggap ng biyaya at pagiging apostol. Ito ay patungo sa pagsunod sa pananampalataya para sa lahat ng mga bansa alang-alang sa kaniyang pangalan. 6 Kayo rin naman ay tinawag na kasama nila upang mapabilang kay Jesucristo.
7 Sumusulat ako sa inyong lahat, na mga nasa Roma, na mga inibig ng Diyos at tinawag na mga banal.
Sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at Panginoong Jesucristo.
Ipinanganak si Jesus
18 Ganito ang naging kapanganakan ni Jesucristo. Ang kaniyang inang si Maria ay nakatakdang mapangasawa ni Jose. Ngunit bago pa sila nagsama, si Maria ay natagpuang nagdadalang-tao na sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.
19 Si Jose na kaniyang asawa ay lalaking matuwid at hindi niya ginusto na mapahiya sa madla si Maria, kaya nagpasiya siyang paalisin nang lihim si Maria.
20 Samantalang iniisip niya ang mga bagay na ito, narito, isang anghel ng Panginoon ang nagpakita sa kaniya sa isang panaginip. Sinabi ng anghel: Jose, ikaw na nagmula sa angkan ni David, huwag kang mangambang tanggapin si Maria na iyong asawa. Ito ay dahil ang dinadala niya sa kaniyang sinapupunan ay sa Banal na Espiritu. 21 Siya ay manganganak ng isang lalaki. Ang ipangangalan mo sa kaniya ay Jesus sapagkat ililigtas niya ang kaniyang mga tao sa kanilang kasalanan.
22 Ang lahat ng ito ay naganap upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng mga propeta. 23 Sinabi nila: Narito, isang dalagang birhen ang magdadalang-tao at manganganak ng isang lalaki. Tatawagin nila siyang Emmanuel na ang ibig sabihin ay: Ang Diyos ay sumasaatin.
24 Sa pagbangon ni Jose mula sa pagkakatulog, ginawa niya ang ayon sa ipinag-utos sa kaniya ng anghel ng Panginoon. Tinanggap niya si Maria upang maging asawa. 25 Hindi niya sinipingan ang kaniyang asawa hanggang sa maipanganak niya ang kaniyang panganay na anak na lalaki. Pinangalanan siya ni Jose na Jesus.
Copyright © 1998 by Bibles International