Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Colosas 1:11-20

11 At upang kayo ay lumakas sa kapangyarihan ayon sa kapangyarihan ng kaniyang kaluwalhatian sa buong pagtitiis at pagtitiyaga na may kagalakan. 12 Magpasalamat kayo sa Ama na nagpaging-dapat sa atin na maging kabahagi ng mana ng mga banal sa kaliwanagan. 13 Siya ang nagligtas sa atin mula sa kapama­halaan ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng kaniyang pinakamamahal na Anak. 14 Sa kaniya ay mayroon tayong katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ang kapatawaran ng mga kasalanan.

Si Cristo ang Pangulo ng Lahat ng Bagay

15 Siya ang wangis ng Diyos na hindi nakikita, ang panganay na pinakahigit sa buong sangnilikha.

16 Ito ay sapagkat sa pamamagitan niya, nilalang ang lahat ng mga bagay na nasa langit at mga bagay na nasa lupa, mga bagay na nakikita o hindi nakikita. Ito man ay mga luklukan, o mga paghahari, o mga pamunuan, o mga pamamahala. Ang lahat ng bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at para sa kaniya. 17 At siya ay nauna sa lahat ng bagay at sa pamamagitan niya ay nananatiling buo ang lahat ng mga bagay. 18 At siya ang ulo ng katawan, ang iglesiya. Siya ang pasimula, ang panganay mula sa mga patay upang siya ang maging kataas-taasan sa lahatng bagay. 19 Ikinalugod ng Ama na ang buong kapuspusanay manahan sa kaniya. 20 Nagdala siya ng kapayapaan sa pamamagitan ng dugo na nabuhos sa krus. Sa pamama­gitan niya ikinalugod ng Ama na ipagkasundo sa kaniyang sarili ang lahat ng mga bagay sa lupa, o sa lahat ng mga bagay sa langit.

Lucas 23:33-43

33 Nang dumating sila sa dakong tinatawag na Bungo, doon ay ipinako nila siya sa krus. At ang mga salarin ay ipinako nila sa krus, ang isa ay sa kanan at ang isa ay sa kaliwa. 34 At sinabi ni Jesus: Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa. Nagpalabunutan sila sa paghati nila ng kaniyang kasuotan.

35 At ang mga tao ay nakatayo na nakamasid. At tinuya siya ng mga pinuno na kasama rin nila. Sinabi nila: Ang iba ay iniligtas niya. Hayaang iligtas niya ang kaniyang sarili, kung siya nga ang Mesiyas na pinili ng Diyos.

36 Nilibak din siya ng mga kawal. Lumapit ang mga ito at inalok siya ng maasim na alak. 37 Sinabi nila: Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.

38 Sa itaas niya ay mayroon ding sulat na nakaukit. Ito ay nakasulat sa titik na Griyego, at sa Latin at sa Hebreo: ITO ANG HARI NG MGA JUDIO.

39 Nilait siya ng isa sa mga salarin na nakapako sa krus at sinabi: Kung ikaw ang Mesiyas, iligtas mo ang iyong sarili at kami.

40 Sumagot ang isa at sinaway siya na sinabi: Hindi ka ba natatakot sa Diyos na ikaw ay nasa gayunding kaparusahan? 41 Tunay na ang kaparusahan sa atin ay matuwid sapagkat tinanggap natin ang nararapat na kabayaran ng ating ginawa. Ngunit ang lalaking ito ay walang nagawang anumang pagkakamali.

42 Sinabi niya kay Jesus: Panginoon, alalahanin mo ako kapag ikaw ay nasa paghahari mo na.

43 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Katotohanang sinasabi ko sa iyo, sa araw na ito, ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International