Revised Common Lectionary (Complementary)
Babala Laban sa Katamaran
6 Ngayon, mga kapatid, iniuutos namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesucristo na kayo ay humiwalay sa bawat kapatid na tamad at hindi namumuhay ayon sa aral na tinanggap niya sa amin.
7 Kayo rin ang siyang nakakaalam kung papaanong kinakailangang tularan ninyo kami sapagkat hindi kami namuhay sa katamaran sa inyong kalagitnaan. 8 Hindi rin kami kumain ng tinapay ng sinuman na walang bayad. Sa halip, sa pagpapagal at pagpapakapagod sa gawain, gumawa kami sa gabi at sa araw upang huwag kaming maging pasanin ng sinuman sa inyo. 9 Ginawa namin ito hindi dahil sa kami ay walang kapamahalaan sa mga bagay na ito kundi upang maibigay namin sa inyo ang aming sarili na maging isang huwaran upang kami ay tularan ninyo. 10 Nang kasama ninyo kami, iniutos namin sa inyo na kung ang sinuman ay ayaw gumawa ay huwag ding siyang kumain.
11 Ito ay sapagkat nabalitaan namin na ang iba sa inyo ay namumuhay sa katamaran. Hindi man lang sila gumagawa, sa halip ay nakikialam pa sa mga bagay ng iba. 12 Sa gayong mga tao ay aming iniuutos at ipinagtatagubilin sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo na sila ay gumawa nang tahimik upang sila ay kumain ng sarili nilang mga pagkain. 13 Ngunit mga kapatid, huwag kayong panghinaan ng loob sa paggawa ng mabuti.
Mga Tanda sa Huling Panahon
5 Habang ang ilan ay nag-uusap patungkol sa templo, na itoay nagagayakan ng mga naggagandahang bato at mga kaloob, sinabi ni Jesus:
6 Darating ang mga araw na ang mga bagay na inyong nakikita ay gigibain. Walang maiiwang bato na nakapatong sa bato na hindi babagsak.
7 Tinanong nila siya na sinasabi: Guro, kailan nga mangyayari ang mga bagay na ito? Ano ang mga tanda na mangyayari na ang mga bagay na ito?
8 Sinabi niya: Mag-ingat kayo na hindi kayo maililigaw sapagkat marami ang darating sa pangalan ko. Kanilang sasabihin: Ako ang Mesiyas at ang oras ay malapit na. Huwag nga kayong sumunod sa kanila. 9 Kapag kayo ay nakarinig ng mga digmaan at himagsikan, huwag kayong masindak sapagkat ang mga bagay na ito ay dapat munang mangyari. Subalit ang wakas ay hindi agad mangyayari.
10 Pagkatapos nito sinabi niya sa kanila: Ang bansa ay babangon laban sa bansa at ang paghahari laban sa paghahari. 11 Magkakaroon din ng malalakas na lindol sa iba’t ibang dako. Magkakaroon ng taggutom at salot. Magkakaroon ng mga nakakatakot na mga pangyayari at dakilang mga tanda mula sa langit.
12 Ngunit bago mangyari ang lahat ng mga bagay na ito, huhulihin nila kayo at uusigin. Dadalhin nila kayo sa mga sinagoga at mga bilangguan. Ihaharap nila kayo sa mga hari at gobernador dahil sa aking pangalan. 13 Ngunit ito ay magiging isang pagkakataon ng inyong pagpapatotoo. 14 Ilagay nga ninyo sa inyong mga puso na huwag paghandaan ang pagtatanggol. 15 Ito ay sapagkat bibigyan ko kayo ng kapangyarihang magsalita at ng karunungan. Sa pamamagitan nito ay hindi makakasagot ni makakatanggi ang lahat ng mga kumakalaban sa inyo. 16 Ngunit kayo ay ipagkakanulo maging ng mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan. Papatayin nila ang ilan sa inyo. 17 Kayo ay kapopootan ng lahat ng dahil sa aking pangalan. 18 Kailanman ay hindi mawawala ang isa mang buhok sa inyong ulo. 19 Sa pamamagitan ng inyong matiyagang pagtitiis, tatamuhin ninyo ang inyong buhay.
Copyright © 1998 by Bibles International