Revised Common Lectionary (Complementary)
1 Akong si Pablo na kasama si Silvano at si Timoteo ay sumusulat sa iglesiya ng mga taga-Tesalonica na nasa Diyos na ating Ama at Panginoong Jesucristo.
2 Sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesucristo.
Pagpapasalamat at Panalangin
3 Mga kapatid, nararapat lamang na kami ay laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo sapagkat ang inyong pananampalataya ay lalong lumalago at ang pag-ibig ng bawat isa sa inyo ay sumasagana at ito rin ay sumasagana sa lahat para sa isa’t isa.
4 Kaya nga, para sa amin, kayo ay ipinagmamalaki namin sa mga iglesiya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa lahat ng mga pag-uusig at mga paghihirap na inyong tinitiis.
11 Dahil din dito, lagi namin kayong idinadalangin na ibilang kayo ng ating Diyos na karapat-dapat sa pagkatawag na ito. Idinadalangin din namin na ganapin ng Diyos ang bawat mabuting kaluguran sa kabutihan at gawa ng pananampalataya sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan. 12 Ito ay upang ang pangalan ng ating Panginoong Jesucristo ay maluwalhati sa inyo at kayo sa kaniya ayon sa biyaya ng ating Diyos at ng Panginoong Jesucristo.
Si Zaqueo, ang Maniningil ng Buwis
19 Pumasok at dumaan si Jesus sa Jerico.
2 Naroroon ang isang lalaking nagngangalang Zaqueo. Siya ay punong-maniningil ng buwis at siya ay mayaman. 3 Hinahangad niyang makita kung sino si Jesus. Hindi niya ito magawa dahil sa napakaraming tao, sapagkat siya ay mababa. 4 At tumakbo siya sa unahan at umakyat sa isang puno ng sikamoro upang makita si Jesus sapagkat sa daang iyon daraan si Jesus.
5 Nang dumating si Jesus sa dakong iyon, tumingala siya at nakita niya si Zaqueo. Sinabi ni Jesus sa kaniya: Zaqueo, magmadali kang bumaba sapagkat sa araw na ito ay kinakailangang manatili ako sa iyong bahay. 6 Nagmamadali siyang bumaba at nagagalak niyang tinanggap si Jesus.
7 Nang makita ito ng lahat, nagbulung-bulungan sila. Kanilangsinabi: Manunuluyan siya sa isang makasalanan.
8 Si Zaqueo ay nakatayo at sinabi niya sa Panginoon: Narito, Panginoon, ang kalahati ng aking tinatangkilik ay ibibigay ko sa mga dukha. Anuman ang aking nakuha sa pamamagitan ng maling paraan sa sinuman ay ibabalik ko nang makaapat na ulit.
9 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Sa araw na ito, dumating sa bahay na ito ang kaligtasan sapagkat siya ay anak rin ni Abraham. 10 Ang Anak ng Tao ay pumarito upang hanapin at iligtas ang nawala.
Copyright © 1998 by Bibles International