Revised Common Lectionary (Complementary)
1 Akong si Pablo ay apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos. Kasama ko si Timoteo na ating kapatid.
Sumusulat ako sa iglesiya ng Diyos na nasa Corinto, kasama ang lahat ng mga banal na nasa buong Acaya.
2 Sumainyo ang biyaya at kapayapaan na mula sa Diyos na ating Ama at ng Panginoong Jesucristo.
Ang Diyos na Nagbibigay ng Lakas-loob sa Ating Lahat
3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesucristo. Siya ang Ama ng kahabagan at Diyos ng lahat ng kaaliwan.
4 Siya ang nagbibigay sa amin ng kaaliwan sa lahat ng aming kahirapan. Ito ay upang maaliw namin silang mga nasa kahirapan sa pamamagitan ng kaaliwan na kung saan inaliw kami ng Diyos. 5 Ito ay sapagkat kung papaanong ang paghihirap ni Cristo ay sumasagana sa amin, gayundin naman sa pamamagitan ni Cristo sumasagana ang aming kaaliwan. 6 Ngunit kung kami man ay nahihirapan, ito ay para sa inyong kaaliwan at kaligtasan. Ito ay ginawa sa pamamagitan ng pagbabata ng katulad na paghihirap na aming dinanas. Ngunit kung kami man ay aliwin, ito ay para sa inyong kaaliwan at kaligtasan. 7 Tiyak ang aming pag-asa sa inyo dahil alam namin na kung paanong kabahagi kayo sa mga paghihirap, kabahagi rin kayo sa kaaliwan.
8 Sapagkat hindi namin ibig mga kapatid, na hindi ninyo malaman ang aming mga paghihirap na nangyari sa Asya. Kami ay nabigatan nang higit sa aming lakas, kaya kami ay nawalan ng pag-asa maging sa aming buhay. 9 Ang hatol ng kamatayan ay sa aming mga sarili upang hindi na kami magtiwala sa aming mga sarili kundi sa Diyos na nagbabangon sa mga patay. 10 Ang Diyos ang siyang nagligtas sa amin sa malagim na kamatayan at patuloy na nagliligtas. Sa kaniya ay may pag-asa kami na patuloy siyang magliligtas. 11 Kayo rin naman ay kasamang gumagawa para sa amin sa pamamagitan ng inyong pananalanging may paghiling. Ito ay upang sa pamamagitan ng maraming tao, ang mga kaloob na para sa amin ay maging isang pagpapasalamat ng marami.
Copyright © 1998 by Bibles International