Revised Common Lectionary (Complementary)
Pagtitiis sa Paghihirap
7 Mga kapatid ko, magtiis kayo hanggang sa pagbabalik ng Panginoon. Narito, ang magsasaka ay naghihintay sa mahalagang bunga ng lupa. Hinihintay niya ito ng may pagtitiyaga hanggang sa matanggap nito ang una at huling ulan.
8 Magtiis din nga kayo at patatagin ninyo ang inyong kalooban sapagkat malapit na ang pagbabalik ng Panginoon. 9 Mga kapatid, huwag kayong magsumbatan sa isa’t isa upang hindi kayo mahatulan. Narito, ang hukom ay nakatayo sa pintuan.
10 Mga kapatid, gawin ninyong halimbawa ang mga propeta na nangaral sa pangalan ng Panginoon. Sila ang mga halimbawa na dumanas ng paghihirap at ng pagtitiis. 11 Narito, itinuturing nating pinagpala ang mga nakapagtiis. Narinig ninyo ang pagtitiis ni Job at nalaman ninyo ang ginawa ng Panginoon sa katapusan na lubhang mapagmalasakit at maawain.
12 Ngunit higit sa lahat, mga kapatid ko, huwag kayong susumpa sa pamamagitan ng langit, o lupa, o ng ano pa mang panunumpa. Ang inyong oo ay dapat maging oo, ang inyong hindi ay dapat maging hindi upang hindi kayo mahulog sa kahatulan.
Copyright © 1998 by Bibles International