Revised Common Lectionary (Complementary)
22 Kaya si Pablo ay tumayo sa gitna ng burol ng Areo at nagsabi: Mga lalaking taga-Atenas, napapansin kong sa lahat ng mga bagay ay lubha kayong tapat sa inyong relihiyon. 23 Ito ay sapagkat sa aking paglalakad at pagmamasid sa mga bagay na inyong sinasamba ay nakakita ako ng isang dambana. Doon ay may nakaukit na ganito: SA ISANG DIYOS NA HINDI KILALA. Siya na inyong sinasamba bagaman hindi ninyo nakikilala, siya ang aking ipinangangaral sa inyo.
24 Ang Diyos na lumikha ng sanlibutan at ng lahat na narito ay ang Panginoon ng langit at lupa. Hindi siya tumitira sa mga banal na dako na ginawa ng mga kamay. 25 Hindi rin naman siya pinaglilingkuran ng mga kamay ng mga tao na para bang nangangailangan siya ng anumang bagay. Hindi, siya mismo ang nagbibigay sa lahat ng buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay. 26 Ginawa niya mula sa isang dugo ang bawat bansa ng mga tao upang manahan sa ibabaw ng buong lupa. Itinakda na niya nang una pa ang mga kapanahunan at ang mga hangganan ng kanilang pananahanan. 27 Ginawa niya ito upang hanapin nila ang Panginoon at sa kanilang pag-aapuhap ay baka sakaling masumpungan nila siya. Gayunman siya ay hindi malayo sa bawat isa sa atin. 28 Ito ay sapagkat sa pamamagitan niya tayo ay nabubuhay, kumikilos at mayroong pagkatao. Gaya naman ng sinabi ng ilan sa inyong sariling makata: Dahil tayo rin naman ay kaniyang mga anak.
29 Yamang tayo nga ay mga anak ng Diyos, hindi marapat na isipin natin na ang kaniyang pagka-Diyos ay tulad ng ginto, pilak o ng bato na inukit sa pamamagitan ng kalinangan at kathang-isip ng tao. 30 Ang mga panahon ng di-pagkaalam ay hindi na nga pinansin ng Diyos. Ngunit ngayon ay iniuutos niya sa sa lahat mga tao sa bawat dako na magsisi. 31 Ito ay sapagkat nagtakda siya ng isang araw na hahatulan niya ang sanlibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking itinalaga niya. Pinatunayan niya ito sa lahat ng mga tao nang siya ay kaniyang buhayin mula sa mga patay.
32 Nang marinig nila ang patungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, nanglibak ang ilan. Ngunit sinabi ng iba: Muli ka naming pakikinggan patungkol dito. 33 Sa gayon ay umalis si Pablo sa kanilang kalagitnaan. 34 Ngunit sumama sa kaniya ang ilang mga tao at sumampalataya. Sa kanila na sumampalataya ay kabilang si Dionisio na taga-burol ng Areo, at isang babaeng nagngangalang Damaris at ang iba pa nilang kasama.
Copyright © 1998 by Bibles International