Revised Common Lectionary (Complementary)
8 Alalahanin mo na si Jesucristo ay mula sa angkan ni David, na ibinangon mula sa mga patay ayon sa aking ebanghelyo. 9 Dahil dito, tiniis ko ang mga paghihirap kahit sa pagkabilanggo tulad sa isang manggagawa ng kasamaan. Ngunit ang salita ng Diyos ay hindi matatanikalaan. 10 Dahil dito, tiniis ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga pinili, upang sila ay magtamo rin naman ng kaligtasan na na kay Cristo Jesus na may walang hanggang kaluwalhatian.
11 Ito ay mapagkakatiwalaang pananalita sapagkat kung tayo ay namatay na kasama niya, tayo rin naman ay mabubuhay na kasama niya. 12 Kung tayo ay maghihirap, tayo rin naman ay maghaharing kasama niya. Kung ipagkakaila natin siya, ipagkakaila rin niya tayo. 13 Kung hindi tayo mapagkakatiwalaan, siya ay nananatiling mapagkakatiwalaan. Hindi niya maipagkakaila ang kaniyang sarili.
Manggagawang Minarapat ng Diyos
14 Patuloy mong ipaala-ala sa kanila ang mga bagay na ito. Mahigpit mong iutos sa kanila, sa harapan ng Diyos, na huwag silang makikipagtalo patungkol sa mga salita na walang kabuluhan at nakakapagpahamak sa mga nakikinig.
15 Pagsikapan mong mabuti na iyong iharap ang iyong sarili na katanggap-tanggap sa Diyos, isang manggagawa na walang dapat ikahiya, na itinuturo ng tama ang salita ng katotohanan.
Pinagaling ni Jesus ang Sampung Ketongin
11 Umahon si Jesus patungong Jerusalem. Nangyari na siya ay dumaan sa gitna ng Samaria at Galilea.
12 Sa kaniyang pagpasok sa isang nayon,sinalubong siya ng sampung lalaking may ketong. Ang mga ito ay nakatayo sa malayo. 13 Nilakasan nila ang kanilang tinig at kanilang sinabi: Guro, kahabagan mo kami.
14 Nakita sila ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: Humayo kayo at magpakita kayo sa mga saserdote. At nangyari, sa paghayo nila, sila ay nalinis.
15 Nang makita ng isa sa kanila na siya ay gumaling, bumalik siya. Sa malakas na tinig, niluwalhati niya ang Diyos. 16 Nagpatirapa siya na nagpapasalamat kay Jesus. Ang lalaking ito ay isang taga-Samaria.
17 Sinabi ni Jesus: Hindi ba sampu ang nilinis? Nasaan ang siyam? 18 Ang dayuhan lang bang ito ang bumalik upang magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos? 19 Sinabi niya sa kaniya: Bumangon ka at humayo. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.
Copyright © 1998 by Bibles International