Revised Common Lectionary (Complementary)
Mga Pagsubok at mga Tukso
2 Mga kapatid ko, ituring ninyong buong kagalakan kapag dumaranas kayo ng iba’t ibang uri ng pagsubok.
3 Nalalaman ninyo na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagbubunga ng pagtitiis. 4 Ngunit hayaan ninyong ang pagtitiis ay magkaroon ng kaniyang ganap na gawa upang kayo ay maging ganap at buo. Sa gayon, kayo ay maging ganap at lubos na walang anumang kakulangan. 5 Kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at iyon ay ibibigay sa kaniya. Ang Diyos ay nagbibigay nang masagana sa lahat at hindi nagagalit. 6 Ngunit kapag siya ay humingi, humingi siyang may pananampalataya at walang pag-aalinlangan sapagkat ang taong nag-aalinlangan ay katulad ng isang alon sa dagat na tinatangay at ipinapadpad ng hangin. 7 Ang taong nag-aalinlangan ay hindi dapat mag-isip na siyaay tatanggap ng anuman mula sa Panginoon. 8 Ang taong nagdadalawang-isip ay hindi matatag sa lahat ng kaniyang mga lakad.
9 Magmapuri ang kapatid na may mababang kalagayan dahil sa kaniyang pagkakataas. 10 Magmapuri din naman ang mayaman dahil sa kaniyang pagkakababa sapagkat tulad ng bulaklak ng damo, siya ay lilipas. 11 Ito ay sapagkat ang araw ay sumisikat na may matinding init at tinutuyo ang damo. Ang bulaklak ng damo ay nalalagas at sinisira ng araw ang kaakit-akit na anyo nito. Gayundin naman ang mayaman, siya ay lumilipas sa kaniyang mga lakad.
Copyright © 1998 by Bibles International