Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
1 Timoteo 1:12-17

Ang Biyaya ng Diyos kay Pablo

12 Nagpapasalamat ako kay Cristo Jesus na Panginoon natin na siyang nagpalakas sa akin. Inari niya akong tapat at siya ang nagtalaga sa akin upang maglingkod sa kaniya.

13 Noong una, ako ay mamumusong, isang mang-uusig at isang manlalait. Subalit ginawa ko ang mga ito dahil sa kawalan ng kaalaman at pananampalataya, kaya nga, kinahabagan niya ako. 14 Ngunit ang biyaya ng ating Panginoon ay labis na sumagana sa akin na kalakip ng pananampalataya at pag-ibig na na kay Cristo Jesus.

15 Narito ang isang mapagkakatiwalaang pananalita at karapat-dapat na lubos na tanggapin: Si Cristo Jesus ay napa­rito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakapusakal sa mga makasalanan. 16 Subalit ang dahilan kung bakit niya ako kinahabagan ay upang maipakita ni Jesucristo ang kaniyang buong pagtitiyaga una sa akin, upang maging isang huwaran sa mga sasampalataya sa kaniya at nang magkamit ng buhay na walang hanggan. 17 Ngayon, sa Haring walang hanggan at walang pagkabulok, at hindi nakikita, at tanging matalinong Diyos, sumakaniya ang karangalan at kaluwalhatian magpakailan pa man. Siya nawa.

Lucas 15:1-10

Ang Talinghaga ng Nawalang Tupa

15 Ang lahat ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ay lumalapit sa kaniya upang makinig.

Ang mga Fariseo at mga guro ng kautusan ay nagbulung-bulungan. Sinasabi nila: Tinatanggap nito ang mga makasalanan at kumakaing kasama nila.

Sinabi ni Jesus ang talinghagang ito sa kanila. Sino sainyo ang may isandaang tupa at nawala ang isa, hindi ba niya iiwanan ang siyamnapu’t siyam sa ilang at hanapin ang nawawalang tupa hanggang makita ito? Kapag nakita niya, papasanin niya ito sa kaniyang balikat na nagagalak. Pagdating niya sa bahay, tatawagin niyang sama-sama ang kaniyang mga kaibigan at mga kapit-bahay. Sasabihin niya sa kanila: Makigalak kayo sa akin sapagkat natagpuan ko na ang nawala kong tupa. Sinasabi ko sa inyo: Sa gayunding paraan magkakaroon ng kagalakan sa langit sa isang makasalanang nagsisi. Ang kagalakang ito ay higit pa kaysa siyamnapu’t-siyam na mga matuwid na hindi kailangang magsisi.

Ang Talinghaga ng Nawalang Pilak

O sino ngang babae ang may sampung pirasong pilak at mawala niya ang isa, hindi ba siya magsisindi ng ilawan at magwawalis sa bahay at maingat siyang maghahanap, hanggang makita niya ito?

Kapag nakita niya ito, tatawagin niya ang kaniyang mga kaibigan at kapit-bahay. Sasabihin niya: Makigalak kayo sa akin dahil nakita ko na ang aking pilak na nawala. 10 Sinasabi ko sa inyo: Sa gayunding paraan magkaka­roon ng kagalakan sa harap ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisisi.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International