Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Mayamang Pinuno
18 Isang pinuno ang nagtanong sa kaniya na sinasabi: Mabuting guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ako ng buhay na walang hanggan?
19 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang sinumang mabuti maliban sa isa, ang Diyos. 20 Alam mo ang mga utos. Huwag kang mangangalunya, huwag kang papatay. Huwag kang magnanakaw, huwag kang magbibigay ng maling patotoo. Igalang mo ang iyong ama at ina.
21 Sinabi niya: Ang lahat ng mga bagay na ito ay sinunod ko mula pa sa aking kabataan.
22 Pagkarinig ni Jesus sa mga bagay na ito, sinabi niya sa kaniya: Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat mong pag-aari gaano man karami ito. Ipamahagi mo sa mga dukha at ikaw ay magkakaroon ng kayamanan sa langit. Halika, sumunod ka sa akin.
23 Pagkarinig niya ng mga bagay na ito, lubha siyang nagdalamhati sapagkat napakayaman niya. 24 Nakita ni Jesus na siya ay lubhang nagdalamhati. Sa pagkakita niya, kaniyang sinabi: Napakahirap para sa kanilang may kayamanan ang makapasok sa paghahari ng Diyos. 25 Ang dumaan sa butas ng isang karayom ay higit na madali para sa isang kamelyo kaysa sa isang lalaking mayaman na makapasok sa paghahari ng Diyos.
26 Ang mga nakarinig ay nagsabi: Sino nga ang maaaring maligtas?
27 Sinabi ni Jesus: Ang mga bagay na hindi maaaring gawin ng tao ay maaaring gawin ng Diyos.
28 Sinabi ni Pedro: Narito, iniwan namin ang lahat at sumunod sa iyo.
29 Sinabi niya sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: May mga taong nag-iwan ng tahanan, o magulang, o mga kapatid, o asawang babae, o mga anak para sa paghahari ng Diyos. 30 Ang sinumang nag-iwan ng mga ito ay tatanggap ng lalong higit sa kapanahunang ito. Tatanggap din siya ng buhay na walang hanggan sa darating na kapanahunan.
Copyright © 1998 by Bibles International