Revised Common Lectionary (Complementary)
14 Sa dahilang inaasahan kong makarating diyan sa inyo sa lalong madaling panahon, isinusulat ko ang mga bagay na ito sa iyo. 15 Ngunit kung ako ay maaantala sa pagpariyan sa iyo, alam mo ang paraan kung paano ang dapat na maging asal mo sa bahay ng Diyos na siyang iglesiya ng Diyos na buhay. Ito ang haligi at saligan ng katotohanan. 16 Nahayag ito na may katiyakan. Ang hiwaga ng pagkamaka-Diyos ay dakila: Nahayag sa laman ang Diyos. Inihayag ng Espiritu na siya ay matuwid. Nakita siya ng mga anghel. Ipinangaral siya sa mga Gentil. Sinampalatayanan siya ng sanlibutan. Tinanggap siya sa kaluwalhatian.
Mga Tagubilin kay Timoteo
4 Ngunit maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa huling panahon ay iiwan ng ilang tao ang pananampalataya. Bibigyang pansin nila ang mga espiritung mapanlinlang at ang mga katuruan ng mga demonyo.
2 Ang mga taong ito ay nagsasalita ng kasinungalingan na may pagpapaimbabaw. Ang kanilang budhi ay pinaso. 3 Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at may ipinagbabawal sila na pagkain, na nilikha ng Diyos upang tanggapin na may pasasalamat ng mga sumasampalataya at nakakaalam ng katotohanan. 4 Ito ay sapagkat ang lahat na nilikha ng Diyos ay mabuti, na dapat tanggaping may pasasalamat at hindi ito dapat itakwil. 5 Ito ay sapagkat pinaging-banal ang mga ito sa pamamagitan ng salita ng Diyos at panalangin.
Copyright © 1998 by Bibles International