Revised Common Lectionary (Complementary)
18 Sapagkat hindi kayo nakalapit sa bundok na inyong mahihipo na naglalagablab sa apoy, sa kapusikitan, sa kadiliman at sa unos. 19 At ang naroon ay tunog ng trumpeta at ang tinig ng mga salita. Pagkarinig nila ng tinig nito, nagsumamo sila na huwag nang banggitin sa kanilang muli ang mga salitang ito. 20 Sapagkat hindi nila makayanang dalhin ang iniutos na sinabi: Kung ang isang hayop ay madikit sa bundok, dapat ninyong batuhin at sa pamagitan ng sibat ay inyong tuhugin. 21 Dahil ang tanawin ay labis na nakakasindak, sinabi ni Moises: Nilukuban ako ng takot at ako ay nanginig.
22 Subalit kayo ay nakalapit na sa bundok ng Zion at sa lungsod ng buhay na Diyos, sa Jerusalem na maka-langit at sa hindi mabilang na mga anghel. 23 Lumapit na kayo sa pangkalahatang pagtitipon at sa iglesiya ng mga panganay na nakatala sa kalangitan. Lumapit na kayo sa Diyos na hukom ng lahat at sa mga espiritu ng mga matuwid na pinaging-ganap. 24 Lumapit na kayo kay Jesus na siyang tagapamagitan ng isang bagong tipan at sa dugo na kaniyang iwinisik na nangungusap ng higit na mabubuting bagay kaysa sa dugo ni Abel.
25 Tiyakin ninyo na hindi ninyo tinatanggihan ang nagsasalita. Sapagkat kung ang mga tumanggi sa nagsalita sa lupa ay hindi makakaligtas sa paghatol. Ang ating kahatulan ay lalong tiyak kung tatalikuran natin siya na nagmula sa langit. 26 Noon ang kaniyang tinig ay yumanig sa lupa. Ngunit ngayon siya ay nangako na sinasabi: Minsan na lang ay yayanigin ko hindi lamang ang lupa kundi gayundin ang langit. 27 Nang gamitin niya ang katagang, minsan na lang, ang ibig niyang sabihin ay aalisin niya ang lahat ng bagay na mayayanig, na ang mga ito ay ang mga bagay na ginawa, upang ang mga bagay na hindi mayayanig ay manatili.
28 Tinanggap natin ang isang paghahari na walang makakayanig. Kaya nga, tayo nawa ay magkaroon ng biyaya na sa pamamagitan nito, tayo ay maghahandog ng paglilingkod na kalugud-lugod sa Diyos, na may banal na paggalang at pagkatakot. 29 Sapagkat ang ating Diyos ay isang apoy na tumutupok.
Pinagaling ni Jesus ang Babaeng Lumpo sa Araw ng Sabat
10 Si Jesus ay nagtuturo sa isa sa mga sinagoga sa araw ng Sabat. 11 At narito, may isang babae roon na labingwalong taon nang mayroong espiritu ng karamdaman. Siya ay hukot na at hindi na niya maiunat ng husto ang kaniyang sarili. 12 Pagkakita ni Jesus sa kaniya, tinawag siya nito. Sinabi niya sa kaniya: Babae, pinalaya ka na sa iyongkaramdaman. 13 Ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kaniya at siya ay kaagad na umunat. Niluwalhati niya ang Diyos.
14 Ang pinuno sa sinagoga ay lubhang nagalit sapagkat si Jesus ay nagpagaling sa araw ng Sabat. Sinabi niya sa mga tao: May anim na araw na ang mga tao ay dapat gumawa. Sa mga araw ngang ito kayo pumaritoat magpagamot at hindi sa araw ng Sabat.
15 Sumagot nga ang Panginoon sa kaniya. Sinabi niya:Mapagpaimbabaw! Hindi ba kinakalagan ng bawat isa sa inyo ang inyong toro o asno mula sa kulungan sa araw ng Sabat at pagkatapos nito ay pinapainom? 16 Ang babaeng ito ay ginapos ni Satanas ng labingwalong taon. Narito, bilang anak na babae ni Abraham, hindi ba dapat siyang palayain mula sa pagkagapos na ito sa araw ng Sabat?
17 Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, ang lahat ng kumakalaban sa kaniya ay napahiya. Nagalak ang lahat ng mga tao sa lahat ng mga maluwalhating bagay na ginawa niya.
Copyright © 1998 by Bibles International