Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa Pamamagitan ng Pananampalataya
11 Ngayon, ang pananampalataya ay ang katiyakan sa mga bagay na ating inaasahan. Ito ang katunayan ng mga bagay na hindi natin nakikita.
2 Sapagkat sa pamamagitan ng pananampalataya, nagpatotoo ang mga matanda.
3 Sa pamamagitan ng pananampalataya, nauunawaan natin ang mga ito. Nilikha ng Diyos ang sanlibutan sa pamamagitan ng salita na kaniyang sinabi. Kaya mula sa mga bagay na hindi makikita ng sinuman, inihanda niya ang mga bagay na nakikita.
8 Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Abraham na tinawag ng Diyos ay sumunod at nagtungo sa isang dako na malapit na niyang tanggapin bilang pamana. Bagaman hindi niya alam kung saan siya patungo, lumabas siya. 9 Sa pamamagitan ng pananampalataya, siya ay namuhay tulad ng isang dayuhan sa bayang ipinangako sa kaniya at siya ay tumira sa mga tolda kasama sina Isaac at Jacob. Sila ay mga kasama niyang tagapagmana ng pangako ring iyon. 10 Sapagkat inaasahan niyang makita ang isang lungsod na may matibay na saligan na ang Diyos ang nagplano at nagtayo.
11 At sa pamamagitan ng pananampalataya, si Sara ay tumanggap ng kakayahang magdalang-tao. Kahit na siya ay lampas na sa gulang upang magkaanak, nanganak pa rin siya. Sapagkat kinilala niya na ang nangako sa kaniya ay matapat. 12 At kaya nga, bagaman siya ay tulad sa isang patay, marami ang nagmula sa kaniya na kasindami ng mga bituin sa langit at na tulad ng buhangin sa tabing dagat na hindi mabilang.
13 Ang lahat ng mga taong ito ay namuhay ayon sa pananampalataya hanggang sa mamatay na hindi nila natanggap ang mga ipinangako. Ngunit natanaw nila ang mga ito. Nahikayat sila at nanghawakan sila dito at inamin nila na sila ay mga dayuhan at mga pansamantalang nanunuluyan sa lupa. 14 Sapagkat ang mga taong nagsasalita ng mga ganitong bagay ay nagpapakilala na sila ay naghahangad ng sariling tahanan. 15 At kung iniisip nila ang bayan na kanilang iniwan, may panahon pa silang bumalik. 16 Ngunit ngayon, hinangad nila ang higit na mabuting bayan na maka-langit, kaya nga, hindi ikinakahiya ng Diyos na tawagin nila siyang Diyos. Siya ay naghanda ng isang lungsod para sa kanila.
32 Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ang inyong Ama ay nalulugod na ibigay sa inyo ang paghahari. 33 Ipagbili ninyo ang inyong mga tinatangkilik at magbahagi kayo sa mga kahabag-habag. Gumawa kayo ng mga kalupi na hindi naluluma. Maglagak kayo sa makalangit na kayamanang hindi nauubos. Doon ay walang makakalapit na magnanakaw o tanga nasumisira. 34 Ito ay sapagkat kung saan naroroon ang inyong kayamanan, naroroon din ang inyong mga puso.
Maghintay at Maging Handa
35 Hayaan ninyo na ang inyong mga balakang ay mabigkisan at hayaan ninyo na ang inyong ilawan ay magningas.
36 Tumulad kayo sa mga tao na naghihintay sa kanilang panginoon sa kaniyang pagbabalik mula sa kasalan. Kapag siya ay dumating at kumatok, mapagbuksan nila siya kaagad. 37 Pinagpala silang mga alipin na sa pagdating ng panginoon ay masusumpungang nagbabantay. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Bibigkisan niya ang kaniyang sarili at padudulugin sila sa hapag. Sa kaniyang paglapit, siya ay maglilingkod sa kanila. 38 Pinagpala ang mga alipin na sa kaniyang pagdating sa hatinggabi o sa madaling araw ay masumpungan silang nagbabantay. 39 Ngunit alamin ninyo ito: Kung alam ng may-ari ng sambahayan ang oras ng pagdating ng magnanakaw, nagbantay sanasiya. Hindi niya pababayaang wasakin ang kaniyang bahay. 40 Kaya nga, maging handa kayo sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaakala.
Copyright © 1998 by Bibles International