Revised Common Lectionary (Complementary)
Kalayaan Mula sa Tuntunin ng Tao sa Pamamagitan ng Buhay kay Cristo
6 Kaya nga, sa paraang tinanggap ninyo si Cristo bilang Panginoon, mamuhay naman kayong gayon sa kaniya.
7 Kayo ay nag-ugat ng malalim, at natayo sa kaniya na matatag na nagtutumibay sa pananampalatayang itinuro sa inyo at umaapaw dito na may pasasalamat.
8 Mag-ingat kayo, na baka bihagin kayo ng sinuman sa pamamagitan ng pilosopiya at ng walang kabuluhang panlilinlang, na ayon sa kaugalian ng mga tao, ayon sa mga espiritwal na kapangyarihan ng sanlibutanito at hindi naaayon kay Cristo.
9 Ito ay sapagkat nananahan sa kaniyang katawan ang lahat ng kapuspusan ng kalikasan ng Diyos. 10 Kayo ay ganap sa kaniya na siyang pangulo ng lahat ng pamunuan at kapamahalaan. 11 Sa kaniya, kayo ay nasa pagtutuli hindi sa pamamagitan ng mga kamay, upang hubarin ninyo ang mga kasalanan sa laman, sa pamamagitan ng pagiging nasa pagtutuli na kay Cristo. 12 Kayo ay inilibing na kasama niya sa pamamagitan ng bawtismo. Dito, kayo rin naman ay mulingbinuhay na kasama niya sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, sa paggawa ng Diyos na bumuhay sa kaniya mula sa mga patay.
13 Kayo, na mga patay dahil sa inyong mga pagsalangsang at sa hindi pagiging nasa pagkatuli ng inyong laman, ay binuhay na kasama niya. Kayo ay pinatawad na sa lahat ng mga pagsalangsang. 14 Binura na niya ang nasulat na mga batas na laban sa atin. Inalis niya ito sa kalagitnaan natin at ipinako ito sa krus. 15 Hinubaran na niya ng kapangyarihan ang mga pamunuan at mga kapamahalaan. Inilantad niya sila sa madla at inihayag niya ang kaniyang pagtatagumpay sa pamamagitan ng krus.
16 Kaya nga, huwag ninyong hayaan na hatulan kayo ng sinuman patungkol sa pagkain, o sa inumin, o patungkol sa pagdiriwang ng kapistahan, o sa bagong buwan o sa mga araw ng Sabat. 17 Ang mga ito ay isang anino lamang ng mga bagay na darating ngunit ang katunayan ay si Cristo. 18 May taong nasisiyahan sa paggawa ng huwad na pagpapakumbaba at pagsamba sa mga anghel. Huwag ninyong hayaan ang gayong tao na dayain kayo at hindi ninyo makuha ang inyong gantimpala. Siya ay nagkukunwaring nakakita ng mga bagay na hindi naman niya nakita. Ang kaniyang isipang makalaman ay nagpalaki ng kaniyang ulo nang walang katuturan. 19 Siya ay hindi nanatiling nakaugnay sa tunay na ulo, na kung saan ang buong katawan ay lumalago sa pamamagitan ng paglago na mula sa Diyos. Ito ay sa mga ibinibigay ng mga kasukasuan at ng mga litid na siyang nagpapalusog at nag-uugnay-ugnay sa buong katawan.
Nagturo si Jesus Patungkol sa Panalangin
11 Nangyari na si Jesus ay nananalangin sa isang dako, nang siya ay makatapos, isa sa kaniyang mga alagad ang nagsabi: Panginoon, turuan mo kaming manalangin tulad ng pagturo ni Juan sa kaniyang mga alagad.
2 Sinabi ni Jesus sa kanila: Kung mananalangin kayo, sabihin ninyo:
Aming Ama na nasa langit, pakabanalin ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong paghahari. Mangyari ang iyong kalooban, kung papaano sa langit, maging gayundin sa lupa.
3 Ibigay mo sa amin ang kailangan naming tinapay sa bawat araw. 4 Patawarin mo kami sa mga pagkakasala namin. Ito ay sapagkat kamirin ay nagpapatawad sa bawat isang may utang sa amin. Huwag mo kaming dalhin sa tukso, subalit iligtas mo kami mula sa masama.
5 Sinabi niya sa kanila: Sino sa inyo ang may kaibigan at pupuntahan siya sa hatinggabi. At sasabihin sa kaniya: Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay. 6 Ito ay sapagkat siya ay kaibigan ko, na sa kaniyang paglalakbay, ay dumating sa akin. Wala akong maihain sa kaniya.
7 Siya na nasa loob ay sasagot at sasabihin: Huwag mo akong gambalain. Nakapinid na ang pinto at kami ng aking mga anak ay natutulog na. Hindi na ako makakabangon upang magbigay sa iyo. 8 Sinasabi ko sa inyo: Bagamat siya ay babangon at magbibigay sa kaniya dahil siya ay kaibigan niya, siya ay babangon at ibibigay sa kaniya ang anumang kailangan niya. Ito ay dahil sa kaniyang pamimilit.
9 Sinasabi ko sa inyo: Humingi kayo at iyon ay ibibigay sa inyo. Maghanap kayo at makakasumpong kayo. Kumatok kayo at kayo ay pagbubuksan. 10 Sapagkat ang bawat isang humihingi ay tumatanggap, ang naghahanap ay nakakasumpong, at ang kumakatok ay pagbubuksan.
11 Sinong ama sa inyo ang magbibigay ng bato sa anak na humihingi ng tinapay? Kung humingi ng isda, ang ibibigay ba niya sa kaniya ay ahas sa halip na isda? 12 Kapag siya ay humingi ng itlog, bibigyan ba niya siya ng isang alakdan? 13 Kayo na masasama ay marunong magbigay ng mga mabuting kaloob sa inyong mga anak. Kung ginagawa ninyo ito, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit na kaniyang ibibigay ang Banal na Espiritu sa kanila na humihingi sa kaniya?
Copyright © 1998 by Bibles International