Revised Common Lectionary (Complementary)
Si Cristo ang Pangulo ng Lahat ng Bagay
15 Siya ang wangis ng Diyos na hindi nakikita, ang panganay na pinakahigit sa buong sangnilikha.
16 Ito ay sapagkat sa pamamagitan niya, nilalang ang lahat ng mga bagay na nasa langit at mga bagay na nasa lupa, mga bagay na nakikita o hindi nakikita. Ito man ay mga luklukan, o mga paghahari, o mga pamunuan, o mga pamamahala. Ang lahat ng bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at para sa kaniya. 17 At siya ay nauna sa lahat ng bagay at sa pamamagitan niya ay nananatiling buo ang lahat ng mga bagay. 18 At siya ang ulo ng katawan, ang iglesiya. Siya ang pasimula, ang panganay mula sa mga patay upang siya ang maging kataas-taasan sa lahatng bagay. 19 Ikinalugod ng Ama na ang buong kapuspusanay manahan sa kaniya. 20 Nagdala siya ng kapayapaan sa pamamagitan ng dugo na nabuhos sa krus. Sa pamamagitan niya ikinalugod ng Ama na ipagkasundo sa kaniyang sarili ang lahat ng mga bagay sa lupa, o sa lahat ng mga bagay sa langit.
21 At kayo na dating banyaga at mga kaaway ng Diyos dahil sa inyong pag-iisip at dahil sa inyong masasamang gawa ay ipinagkasundo ngayon. 22 Ito ay sa katawan ng kaniyang laman sa pamamagitan ngkaniyang kamatayan upang kayo ay maiharap na banal at walang kapintasan at walang maipaparatang sa kaniyang paningin. 23 Ito ay kung manatili kayo sa pananampalataya na matatag at matibay at hindi malilipat mulasa pag-asa ng ebanghelyo na inyong narinig at ito ang ipinangaral sa bawat nilalang na nasa silong ng langit. Akong si Pablo ay ginawang tagapaglingkod ng ebanghelyong ito.
Ang Pagpapagal ni Pablo Para sa Iglesiya
24 Ako ngayon ay nagagalak sa aking mga paghihirap alang-alang sa inyo. Pinupunuan ko sa aking katawan ang mga kakulangan ng mga paghihirap niCristo para sa kapakanan ng kaniyang katawan, ang iglesiya.
25 Dahil dito naging tagapaglingkod ako ayon sa pangangasiwa na mula sa Diyos, na ibinigay sa akin para sa inyong kapakinabangan upang ganapin ko ang Salita ng Diyos. 26 Ito ang hiwagang inilihim mula pa sa nakaraang kapanahunan at mula sa mga lahing nakaraan, ngunit ngayon ay ipinahayag sa kaniyang mga banal. 27 Sa kanila ay ipinasya ng Diyos na ipakilala ang kayamanan ng kaluwalhatian ng hiwagang ito sa mga Gentil. Ito ay si Cristo na sumasainyo, ang pag-asa sa kaluwalhatian.
28 Siya ang aming ipinahahayag. Binibigyan namin ng babalaat tinuturuan ang bawat tao ng lahat ng karunungan, upang maiharap naming sakdal ang bawat tao kay Cristo Jesus.
Higit na Dakila ang Pakikinig kay Jesus
38 Nangyari, nang sila ay nagpatuloy, na siya ay pumasok sa isang nayon. Isang babaeng nagngangalang Marta ang tumanggap sa kaniya sa kaniyang bahay.
39 Siya ay may kapatid na babaeng tinatawag na Maria, na umupo sa paanan ni Jesus. Sa pag-upo ni Maria, siya ay nakinig sa salita ni Jesus. 40 Si Marta ay abalang-abala sa maraming paglilingkod. Lumapit siya kay Jesus at sinabi: Panginoon, hindi ba mahalaga sa iyo na iwanan ako ng aking kapatid na naglilingkod na mag-isa? Sabihin mo nga sa kaniya na tulungan ako.
41 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Marta, Marta, ikaw ay nababalisa at nababagabag sa maraming mga bagay. 42 Mayroong isang kinakailangan at pinili ni Maria ang mabuting bahagi na hindi makukuha sa kaniya.
Copyright © 1998 by Bibles International