Revised Common Lectionary (Complementary)
1 Akong si Pablo ay apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos at ang ating kapatid na si Timoteo. 2 Ako ay sumusulat sa mga banal at mga tapat na kapatid kay Cristo na nasa Colosas.
Sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesucristo.
Pasasalamat at Pananalangin
3 Nagpapasalamat kami sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesucristo. Kayo ay patuloy naming idinadalangin.
4 Nagpapasalamat kami sa Diyos sapagkat nabalitaan namin ang inyong pananampalataya kay Cristo Jesus at ang patungkol sa pag-ibig ninyo sa lahat ng mga banal. 5 Ang pananampalataya at pag-ibig na ito ay dahil sa pag-asang nakalaan para sa inyo sa kalangitan, na una ninyong narinig sa salita ng katotohanan ng ebanghelyo. 6 Dumating ito sa inyo, tulad ng pagdating nito sa buong sanlibutan. Ito ay nagbubunga gaya rin naman ng pagbubunga sa inyo mula nang araw na inyong marinig at malaman ang biyaya ng Diyos sa katotohanan. 7 Ito ay katulad ng natutunan ninyo kay Epafras, ang minamahal naming kapwa-alipin, na tapat na tagapaglingkod ni Cristo para sa inyo. 8 Siya rin ang nagsabi sa amin sa pamamagitan ng Espiritu patungkol sa inyong pag-ibig.
9 Dahil din naman dito, mula nang araw na marinig namin ito, wala na kaming tigil sa pananalangin para sa inyo. Hinihiling namin na kayo ay mapuspos ng kaalaman ng kaniyang kalooban, sa buong karunungan at espiritwal na pagkaunawa. 10 Ito ay upang mamuhay kayong karapat-dapat sa Panginoon sa buong kaluguran, at upang kayo ay mamunga sa bawat gawang mabuti at lumalago sa kaalaman ng Diyos. 11 At upang kayo ay lumakas sa kapangyarihan ayon sa kapangyarihan ng kaniyang kaluwalhatian sa buong pagtitiis at pagtitiyaga na may kagalakan. 12 Magpasalamat kayo sa Ama na nagpaging-dapat sa atin na maging kabahagi ng mana ng mga banal sa kaliwanagan. 13 Siya ang nagligtas sa atin mula sa kapamahalaan ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng kaniyang pinakamamahal na Anak. 14 Sa kaniya ay mayroon tayong katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ang kapatawaran ng mga kasalanan.
Ang Dakilang Utos at ang Samaritano
25 Narito, isang dalubhasa sa kautusan ang tumayo na sinusubok siya at sinasabi: Guro, anong gagawin ko upang magmana ng walang hanggang buhay?
26 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ano ba ang nakasulat sa kautusan? Ano ang pagkabasa mo rito?
27 Sumagot siya at sinabi: Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso mo at ng buong kaluluwa mo at ng buong lakas mo at ng buong isip mo. Ibigin mo ang iyong kapwa tulad ng iyong sarili.
28 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tama ang sagot mo. Gawin mo ito at ikaw ay mabubuhay.
29 Sa kaniyang pagnanais na maipakitang matuwid ang kaniyang sarili, sinabi niya kay Jesus: Sino ang aking kapwa?
30 Bilang tugon, sinabi ni Jesus: Isang lalaki ang bumaba mula sa Jerusalem patungong Jerico. Siya ay nahulog sa kamay ng mga tulisan. Pagkatapos nila siyang hubaran at sugatan, sila ay umalis. Iniwan nila siyang nag-aagaw-buhay. 31 Nagkataong isang saserdote ang lumusong sa daang iyon. Pagkakita nitosa kaniya, ang saserdote ay dumaan sa kabilang tabi. 32 Gayundin naman, isang Levita, na nang mapadako roon ay pumunta at tiningnan siya. Pagkatapos nito, siya ay dumaan sa kabilang tabi. 33 May isang naglalakbay na taga-Samaria na lumapit sa kaniya. Pagkakita sa kaniya, ang taga-Samaria ay nahabag sa kaniya. 34 Paglapit niya sa kaniya, binuhusan niya ng langis at alak ang kaniyang mga sugat at tinalian niya ang mga ito. Ang lalaking sugatan ay isinakay niya sa kaniyang sariling hayop at dinala siya sa isang bahay-tuluyan at inalagaan siya. 35 Kinabukasan, sa pag-alis ng taga-Samaria, siya ay naglabas ng dalawang denaryo. Ibinigay niya ito sa tagapamahala ng bahay-tuluyan. Sinabi niya sa kaniya: Alagaan mo siya. Anumang iyong magugugol nang higit ay babayaran ko sa iyo sa aking pagbababalik.
36 Sino sa tatlong ito ang sa palagay mo ay naging kapwa ng lalaking nahulog sa mga kamay ng mga tulisan?
37 Sinabi niya: Siya na nagpakita ng habag sa kaniya.
Sinabi nga ni Jesus sa kaniya: Humayo ka at gawin mo ang gayon.
Copyright © 1998 by Bibles International