Revised Common Lectionary (Complementary)
21 Pagkatapos nga na maganap ang mga bagay na ito, binalak ni Pablo sa kaniyang loob na dumaan muna sa Macedonia at Acaya, at sa Jerusalem. Sinabi niya: Pagkagaling ko roon, kinakailangang makita ko naman ang Roma. 22 Nang maisugo na niya sa Macedonia ang dalawang naglingkod sa kaniya, nanatili siya nang ilang panahon sa Asya. Ang dalawang sinugo niya ay sina Timoteo at Erasto.
Ang Kaguluhan sa Efeso
23 Nangyari, na sa panahong iyon ay may naganap na malaking kaguluhan patungkol sa Daan.
24 Ito ay sapagkat may isang lalaking panday-pilak na nagngangalang Demetrio. Siya ay gumagawa ng mga dambanang pilak ni Artemis.[a] Ito ay pinagkakakitaan nang malaki ng mga panday-pilak. 25 Tinipon ni Demetrio ang lahat gayundin ang mga gumagawa ng gayong gawain. Sinabi niya: Mga kalalakihan, nalalaman ninyo na yumayaman tayo sa hanapbuhay na ito. 26 Nakikita ninyo at naririnig, hindi lamang sa Efeso kundi halos sa buong Asya nakahimok ang Pablong ito at ibinabaling niya ang maraming tao. Sinasabi niyang walang mga diyos na ginawa ng kamay. 27 Nanganganib na mapasama ang pangalan ng pangangalakal nating ito. Hindi lamang iyon, kundi gayundin ang templo ng dakilang diyosang si Artemis ay ituturing na walang halaga. Mababawasan na ang kadakilaan niya na sinasamba ng buong lalawigan ng Asya at ng sanlibutan.
Copyright © 1998 by Bibles International