Revised Common Lectionary (Complementary)
16 Narito, sinusugo ko kayong katulad ng mga tupa sa gitna ng mga lobo. Kaya nga, magpakatalino kayong katulad ng mga ahas at maging maamong katulad ng mga kalapati.
17 Mag-ingat kayo sa mga tao sapagkat ibibigay nila kayo sa mga sanggunian. Hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sinagoga. 18 Dadalhin kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin. Ihaharap kayo sa kanila upang magbigay ng patotoo laban sa kanila at sa mga Gentil. 19 Ngunit kapag ibinigay nila kayo, huwag kayong mag-alala kung papaano o ano ang inyong sasabihin sapagkat sa oras ding iyon ay ipagkakaloob sa inyo kung ano ang inyong sasabihin. 20 Ito ay sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.
21 Ipapapatay ng kapatid ang kaniyang kapatid at ng ama ang kaniyang anak. Ang mga anak ay maghihimagsik laban sa kanilang mga magulang at ipapapatay sila. 22 Kapopootan kayo ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan. Ngunit ang magtiis hanggang sa wakas ang siyang maliligtas. 23 Ngunit kapag inuusig nila kayo sa lungsod na ito, tumakas kayo patungo sa iba sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo: Hindi pa ninyo natatapos libutin ang mga lungsod ng Israel, darating na ang Anak ng Tao.
24 Ang alagad ay hindi nakakahigit sa kaniyang guro at ang alipin ay hindi nakakahigit sa kaniyang panginoon. 25 Sapat na sa alagad na matulad sa kaniyang guro at ang alipin ay matulad sa kaniyang panginoon. Kung tinatawag nila ang may-ari ng sambahayan na Beelzebub, gaano pa kaya na kanilang sasabihin iyon sa mga kabahagi ng sambahayan.
Copyright © 1998 by Bibles International