Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Pagmamalasakit ni Pablo sa mga Taga-Galacia
8 Subalit totoo nga na nang panahong hindi ninyo nakikilala ang Diyos, kayo ay naglilingkod sa mga bagay na likas na hindi mga diyos.
9 Ngunit ngayon, nakilala na ninyo ang Diyos, o kaya ay nakilala na kayo ng Diyos. Papaanong kayo ay muling nagbabalik sa mahihina at mga espirituwal na kapangyarihan na walang kabuluhan? Bakit ibig ninyong muling maging alipin nila? 10 Ipinangingilin ninyo ang mga araw, mga buwan, mga panahon at mga taon. 11 Nangangamba ako sa inyo, baka sa ano mang paraan ay masayang lamang ang mga pagpapagal ko para sa inyo.
12 Mga kapatid, isinasamo ko sa inyo: Tumulad kayo sa akin dahil katulad din ninyo ako at wala kayong ginawang anumang masama sa akin. 13 Ngunit nalalaman ninyo na sa aking kahinaan sa katawan, sa inyo ko unang ipinangaral ang ebanghelyo. 14 Ang pagsubok na nasa aking katawan ay hindi ninyo hinamak o itinakwil man. Sa halip, tinanggap ninyo ako na parang isang anghel ng Diyos,na parang ako si Cristo Jesus. 15 Ano kung gayon itong pagiging mapalad na inyo nang tinanggap? Ito ay sapagkat aking pinatotohanan na kung maaari nga lang ninyong dukitin ang inyong mga mata, dinukit na sana ninyo ang mga ito at ibinigay sa akin. 16 Dahil ba sa sinabi ko sa inyo ang katotohanan, ngayon ay naging kaaway na ninyo ako?
17 Ang kanilang kasigasigan sa inyo ay hindi sa tamang paraan. Ibig lamang nila kayong ilayo sa amin upang ibaling ninyo sa kanila ang inyong kasigasigan. 18 Mabuting maging masigasig sa paggawa sa lahat ng panahon, hindi lamang kung ako ay kaharap ninyo. 19 Mumunti kong mga anak, muliakong naghihirap tulad ng sa panganganak hanggang si Cristo ay mahubog sa inyo. 20 Ibig ko sanang makaharap ko kayo ngayon at magbago ng aking himig ng pananalita sapagkat naguguluhan ang aking isip patungkol sa inyo.
Copyright © 1998 by Bibles International