Revised Common Lectionary (Complementary)
15 Kami ay likas na mga Judio, at hindi kami mga makasalanang Gentil. 16 Alam natin na ang isang tao ay hindi pinapaging-matuwid sa pamamagitan ng gawa ng kautusan kundi sapamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. Tayo rin ay sumampalataya kay Cristo Jesus upang tayo ay mapaging-matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo at hindi sa pamamagitan ng pagsasagawa ng kautusan. Kaya nga, walang sinumang mapapaging-matuwid sa pamamagitan ng pagsasagawa ng kautusan.
17 Kung habang nagsisikap tayong mapaging-matuwid sa pamamagitan ni Cristo, ay nasumpungan pa tayo sa ating mga sarili na mga makasalanan, si Cristo ba, kung gayon, ay tagapaglingkod ng kasalanan? Huwag nawang mangyari. 18 Ito ay sapagkat kung itatayo kong muli ang mga bagay na winasak ko na, pinatutunayan ko lamang na ako ay isang manlalabag ng kautusan. 19 Ito ay sapagkat ako, sa pamamagitan ng kautusan ay namatay sa kautusan, upang ako ay mabuhay sa Diyos. 20 Napako ako sa krus na kasama ni Cristo, gayunman ako ay nabubuhay. Ngunit hindi na ako ang nabubuhay kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. Ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya ng Anak ng Diyos na siyang umibig sa akin at nagbigay ng kaniyang sarili para sa akin. 21 Hindi ko winalang-kabuluhan ang biyaya ng Diyos sapagkat kung ang pagiging-matuwid ay sa pamamagitan ng kautusan, si Cristo ay namatay ng walang-kabuluhan.
Binuhusan ng Pabango ng Makasalanang Babae si Jesus
36 Isa sa mga Fariseo ang humiling na siya ay kumaing kasama niya. Pagpasok niya sa bahay ng Fariseo, siya ay dumulog sa hapag.
37 Narito, isang babaeng namuhay sa kasalanan ang nasa lungsod na iyon. Nalaman niya na si Jesus ay dumulog sa hapag, sa bahay ng Fariseo. Dahil dito, nagdala siya ng isang mabangong langis na nasa garapong alabastro. 38 Tumayo siya sa likuran ni Jesus, sa kaniyang paanan. Siya ay umiiyak at sinimulan niyang basain ng kaniyang luha ang mga paa ni Jesus. Pinupunasan niya ng kaniyang buhok at taimtim na hinahagkan ang mga paa ni Jesus. Pinapahiran niya ito ng mabangong langis.
39 Nakita ito ng Fariseo na nag-anyaya kay Jesus. Siya ay nangusap sa kaniyang sarili. Kaniyang sinabi: Kung propeta ang taong ito, nalaman sana niya kung sino at anong uringbabae ang humihipo sa kaniya sapagkat ang babaeng ito ay makasalanan.
40 Sa pagsagot ni Jesus, sinabi sa kaniya: Simon may ilang bagay akong sasabihin sa iyo.
Sinabi niya: Guro, sabihin mo.
41 Sinabi ni Jesus: May dalawang lalaking nangutang sa isang nagpapautang. Ang isa ay umutang ng limandaang denaryo, ang isa ay limampu. 42 Nang wala silang maibayad, kapwa sila pinatawad ng nagpautang sa kanila. Sabihin mo kung sino sa kanila ang iibig sa kaniya ng lubos?
43 Sumagot si Simon: Sa palagay ko, ang pinatawad sa malaking pagkakautang.
Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tama ang iyong hatol.
44 Humarap siya sa babae. Sinabi niya kay Simon: Nakikita mo ba ang babaeng ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo ako binigyan ng tubig para mahugasan ko ang aking paa. Ngunit binasa ng babaeng ito ang aking mga paa ng kaniyang luha. Pinunasan niya ito ng kaniyang buhok. 45 Hindi mo ako binigyan ng halik. Ngunit ang babaeng ito ay hindi huminto sa mataimtim na paghalik sa aking mga paa mula pa nang ako ay pumasok. 46 Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo. Ngunit pinahiran niya ng mabangong langis ang aking mga paa. 47 Dahil dito, sinasabi ko sa iyo: Pinatawad na ang marami niyang kasalanan sapagkat siya ay umibig ng lubos. At ang pinatawad ng kaunti ay umiibig ng kaunti.
48 Sinabi niya sa babae: Ang iyong mga kasalanan ay pinatawad na.
49 At ang mga kasama niyang nakadulog sa hapag ay nagsimulang magsabi sa kanilang mga sarili. Sinabi nila: Sino ito na nagpapatawad ng mga kasalanan?
50 Sinabi niya sa babae: Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Humayo kang payapa.
8 Pagkatapos na mangyari ito, si Jesus ay naglakbay sa bawat lungsod at sa bawat nayon. Siya ay nangangaral at naghahayag ng ebanghelyo patungkol sa paghahari ng Diyos. Ang labindalawang alagad ay kasama niya. 2 Kasama rin niya ang ilang mga babae na pinagaling mula sa masamang espiritu at sakit. Kasama nila si Maria na tinaguriang Magdala na nilabasan ng pitong demonyo. 3 Kasama rin si Joana na asawa ni Chuza, na isang tagapangasiwa ng sambahayan ni Herodes. Kasama rin si Susana at ang marami pang iba. Naglilingkod sila sa kaniya ng mula sa kanilang mga ari-arian.
Copyright © 1998 by Bibles International