Revised Common Lectionary (Complementary)
Pinagaling ni Jesus ang Paralitiko
17 Nangyari, isang araw sa kaniyang pagtuturo mayroon doong nakaupong mga Fariseo at mga guro ng kautusan. Sila ay galing sa bawat nayon ng Galilea, Judea at Jerusalem. Naroroon ang kapangyarihan ng Panginoon upang pagalingin sila.
18 Narito, may mga lalaking nagdala ng isang paralitiko na nasa isang higaan. Naghahanap sila ng paraan kung papaano siya maipapasok sa loob ng bahay at mailagay sa harapan ni Jesus. 19 Dahil sa napakaraming tao, hindi sila makahanap ng paraan kung papaano siya maipapasok. Dahil dito, umakyat sila sa bubungan at doon nila siya ibinaba na nasa kaniyang maliit na higaan, sa gitna, sa harapan ni Jesus.
20 Nakita ni Jesus ang kanilang pananampalataya. Sinabi niya sa kaniya: Lalaki, pinatawad ka na sa iyong mga kasalanan.
21 Nagsimulang mangatwiran ang mga guro ng kautusan at mga Fariseo. Kanilang sinabi: Sino ito na nagsasalita ng pamumusong? Sino angmakakapagpatawad ng mga kasalanan? Hindi ba ang Diyos lamang?
22 Nalaman ni Jesus ang kanilang pangangatwiran. Sumagot siya sa kanila at sinabi: Bakit kayo nangangatwiran sa inyong mga puso? 23 Ano ang higit na madali, ang magsabing: Pinatawad ka sa iyong mga kasalanan, o ang magsabing:Bumangon ka at lumakad. 24 Ito ang gagawin ko upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan. Sinabi niya sa paralitiko: Sinasabi ko sa iyo, bumangon ka. Buhatin mo ang iyong higaan at umuwi ka sa iyong bahay. 25 Pagdaka, tumayo siya sa harapan nila. Pagkabuhat niya ng kaniyang higaan, umuwi siya sa kaniyang bahay na niluluwalhati ang Diyos. 26 Ang lahat ay namangha at nagbigay kaluwalhatian sa Diyos. Napuspos sila ng takot. Sinabi nila: Sa araw na ito ay nakakita kami ng kamangha-manghang bagay.
Copyright © 1998 by Bibles International