Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Gawa 16:9-15

Isang gabi, si Pablo ay nakakita ng isang pangitain. May isang lalaking taga-Macedonia na nakatayo at namamanhik sa kaniya. Sinasabi nito: Tumawid ka sa Mace­donia at tulungan mo kami. 10 Pagkatapos niyang makita ang pangitain, agad naming sinikap na magtungo sa Macedonia. Buo ang aming paniniwalang tinatawag kami ng Panginoon upang ipangaral ang ebanghelyo sa kanila.

Ang Pagsampalataya ni Lydia Doon sa Filipos

11 Paglayag nga mula sa Troas ay tuwiran kaming naglayag patungo sa Samotracia. Kinabukasan, nagtuloy kami sa Neapolis.

12 Mula roon, nagtuloy kami sa Filipos. Ito ay isang kolonya ng Roma at pangunahing lungsod ng Macedonia. Nanatili kami ng ilang araw sa lungsod na iyon.

13 Nang araw ng Sabat ay lumabas kami ng lungsod, sa tabi ng ilog kung saan ang pananalangin ay kinaugaliang gawin. Kami ay umupo at nakipag-usap sa mga babaeng nagkakatipon. 14 Ang isa sa mga babae na naroroon ay mula sa lungsod ng Tiatira. Ang pangalan niya ay Lydia. Siya ay mangangalakal ng telang kulay ube. Siya ay sumasamba sa Diyos at nakinig sa amin. Binuksan ng Panginoon ang kaniyang puso upang kani­lang pahalagahan ang mga bagay na sinabi ni Pablo. 15 Nang siya at ang kaniyang sambahayan ay mabawtismuhan na, namanhik siya sa amin. Kung ako ay ibinibilang ninyong tapat sa Panginoon, tumuloy kayo sa aking bahay at kayo ay manatili roon. At nahimok niya kami.

Pahayag 21:10

10 Dinala niya ako sa Espiritu patungo sa isang dakila at mataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ang isang dakilang lungsod, ang banal na Jerusalem. Ito ay bumababang buhat sa langit mula sa Diyos.

Pahayag 21:22-22:5

22 At wala akong nakitang anumang banal na dako dito. Ang dahilan ay ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero ay ang mga banal na dako nito. 23 Ang lungsod ay hindi nangailangan ng araw o buwan upang magliwanag dito sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbigay-liwanag dito. Ang Kordero ay ang ilawan nito. 24 Ang mga bansa ng mga iniligtas ng Diyos ay maglalakad sa liwanag nito. Ang mga hari sa lupa ay magbibigay ng kanilang kaluwalhatian at karangalan dito. 25 Kailanman ay hindi isasara ang tarangkahan nito sa araw sapagkat wala ng gabi roon. 26 Dadalhin nila ang kaluwalhatian at karangalan ng mga bansa dito. 27 Kailanman ay hindi makakapasok doon ang anumang marumi o ang ang sinumang gumagawa ng kinapopootan ng Diyos o ang gumagawa ng kasinunga­lingan. Ang makakapasok lamang doon ay yaong ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero.

Ang Ilog na Nagbibigay Buhay

22 Ipinakita niya sa akin ang isang ilog na may dalisay na tubig na nagbibigay buhay. Ito ay nagniningning katulad ng kristal. Ito ay lumalabas mula sa trono ng Diyos at ng Kordero.

Sa kalagitnaan ng lansangan at sa magka­bilang panig ng ilog, naroroon ang punong-kahoy na nagbibigay buhay. Ito ay nagbubunga ng labindalawang bunga. Bawat buwan ay magbibigay ng kaniyang bunga. Ang dahon ng punong-kahoy ay para sa pagpapagaling ng mga bansa. Doon ay hindi na magkakaroon ng sumpa. Ang trono ng Diyos at ng Kordero ay makikita sa lungsod. Ang kaniyang mga alipin ay maglilingkod sa kaniya. Makikita nila ang kaniyang mukha. Ang kaniyang pangalan ay nasa mga noo nila. Hindi na magkakaroon ng gabi roon. Hindi na nila kailangan ang isang ilawan o ang liwanag ng araw sapagkat ang Panginoong Diyos ang maglili­wanag sa kanila. Sila ay maghahari magpakailan pa man.

Juan 14:23-29

23 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Kung ang sinuman ay umiibig sa akin, tutuparin niya ang aking mga salita. Siya ay iibigin ng aking Ama. Kami ay pupunta sa kaniya at mananahan na kasama niya. 24 Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad sa aking mga salita. Ang salita na inyong naririnig ay hindi sa akin kundi sa Ama na nagsugo sa akin.

25 Ang mga ito ay sinabi ko sa inyo samantalang kasama ninyo ako. 26 Ang Tagapayo, ang Banal na Espiritu ang siyang susuguin ng Ama sa pangalan ko. Siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay. Ipapa-alaala niya ang lahat ng mga bagay na sinabi ko sa inyo. 27 Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. Ang ibinibigay ko ay hindi katulad ng ibinibigay ng sanlibutan. Huwag mabalisa ang inyong puso ni mangamba.

28 Narinig ninyo ang sinabi ko sa inyo: Ako ay aalis at muling magbabalik sa inyo. Kung iniibig ninyo ako ay magagalak kayo sa sinabi kong ako ay pupunta sa Ama sapagkat ang aking Ama ay higit na dakila kaysa sa akin. 29 Sinabi ko na ito sa inyo bago pa ito mangyari. Ito ay upang kung mangyari na ito, kayo ay sumampalataya.

Juan 5:1-9

Pinagaling ni Jesus ang Lalaki sa may Dako ng Paliguan

Pagkatapos ng mga bagay na ito ay may kapistahan ang mga Judio. Si Jesus ay umahon sa Jerusalem.

May malaking dakong paliguan sa Jerusalem na nasa tabi ng Tarangkahan ng mga Tupa. Ito ay tinatawag na Betesda sa wikang Hebreo. Ito ay mayroong limang portiko. Dito ay may napakaraming nakahiga na maysakit. May mga bulag, pilay at nanunuyot, na naghihintay ng paggalaw ng tubig. Ito ay sapagkat may mga panahon na lumulusong ang isang anghel sa dakong paliguan at hinahalo ang tubig. Ang unang makalusong pagkatapos haluin ang tubig ay gumagaling sa anumang sakit na mayroon siya. Naroroon ang isang lalaki na tatlumpu’t walong taon nang maysakit. Siya ay nakita ni Jesus na nakahiga. At alam niya na matagal nang panahon na siya ay may sakit. Sinabi niya sa kaniya: Nais mo bang gumaling?

Sumagot sa kaniya ang maysakit: Ginoo, wala akong kasama na maglagay sa akin sa dakong paliguan pagkahalo sa tubig. Sa pagpunta ko roon ay may nauuna nang lumusong sa akin.

Sinabi ni Jesus sa kaniya: Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka. Kaagad na gumaling ang lalaki at binuhat niya ang kaniyang higaan at lumakad.

Noon ay araw ng Sabat.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International