Revised Common Lectionary (Complementary)
27 Nang madala nila ang mga apostol, iniharap nila ang mga ito sa Sanhedrin. Tinanong sila ng pinakapunong-saserdote. 28 Sinabi niya: Hindi ba inutusan namin kayong huwag magturo sa pangalang ito? Narito, napuno ninyo ng inyong turo ang Jerusalem. Ibig ninyong papanagutin kami sa dugo ng taong ito.
29 Si Pedro at ang mga apostol ay sumagot at sinabi: Kinakailangan naming sundin ang Diyos kaysa ang mga tao. 30 Ang Diyos ng aming mga ninuno ang nagbangon kay Jesus na inyong pinatay sa pagbitin ninyo sa kaniya sa puno. 31 Siya ay itinaas ng Diyos sa kaniyang kanang bahagi upang maging Pinakapinuno at Tagapagligtas. Ito ay upang ang Israel ay pagkalooban ng pagsisisi at kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. 32 Kami ay mga saksi niya patungkol sa mga bagay na ito. Saksi rin ang Banal na Espiritu na siyang ibinigay ng Diyos sa kanila na sumusunod sa kaniya.
Mga Pagbati at Papuri
4 Akong si Juan ay sumusulat sa pitong iglesiya na nasa Asya.
Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa kaniya na siyang kasalukuyan, na siyang nakaraan at siyang darating pa at mula sa pitong Espiritu na nakaharap sa kaniyang trono.
5 Sumainyo din nawa ang biyaya at kapayapaang mula kay Jesucristo, ang tapat na saksi, ang panganay sa mga patay at ang tagapamahala sa mga hari ng lupa.
Siya ang umibig sa atin at naghugas sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang dugo.
6 Ginawa niya tayo na maging mga hari at mga saserdote sa kaniyang Diyos at Ama. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian at kapamahalaan magpakailan pa man. Siya nawa.
7 Narito, dumarating siyang kasama ng mga alapaap at makikita siya ng bawat mata at ng mga tumusok sa kaniya. Dahil sa kaniya, ang lahat ng lipi ng tao sa lupa ay tatangis. Oo! Siya nawa.
8 Sinasabi ng Panginoon: Ako ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas. Ako ang kasalukuyan, ang kahapon at ang darating. Ako ang Makapangyarihan sa lahat.
Nagpakita si Jesus sa Kaniyang mga Alagad
19 Kinagabihan ng araw ding iyon, na unang araw ng sanlinggo,nagtipon ang mga alagad. Ipininid nila ang mga pinto dahil sa takot nila sa mga Judio at dumating si Jesus at tumayo sa kanilang kalagitnaan. Sinabi sa kanila: Kapayapaan ang sumainyo.
20 Pagkasabi niya nito, ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at kaniyang tagiliran. Kaya nga, nagalak ang mga alagad nang makita nila ang Panginoon.
21 Sinabi ngang muli ni Jesus sa kanila: Kapayapaan ang sumainyo. Kung papaano ako isinugo ng Ama, gayundin, isinusugo ko kayo. 22 Pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi sa kanila: Tanggapinninyo ang Banal na Espiritu. 23 Ang kaninumang mga kasalanan na inyong pinatatawad ay ipinatatawad iyon sa kanila. Ang kaninumang mga kasalanan na hindi ninyo pinatatawad, ang mga ito ay hindi pinatatawad.
Nagpakita si Jesus kay Tomas
24 Si Tomas na isa sa labindalawang alagad ay tinatawag na Kambal. Hindi nila siya kasama nang dumating si Jesus.
25 Sinabi nga ng ibang mga alagad sa kaniya: Nakita namin ang Panginoon.
Sinabi niya sa kanila: Malibang makita ko ang tanda ng mga pako sa kaniyang mga kamay at mailagay ko ang aking mga daliri roon, at maipasok ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, kailanman ay hindi ako maniniwala.
26 Makalipas ang walong araw, ang mga alagad ay nasa loob muli ng bahay at kasama nila si Tomas. Kahit na nakapinid ang mga pinto dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila. At sinabi niya: Kapayapaan ang sumainyo. 27 Pagkatapos noon, sinabi niya kay Tomas: Ilagay mo ang iyong daliri rito at tingnan mo ang aking mga kamay. Iabot mo ang iyong kamay rito at ipasok sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan, kundi sumampalataya ka.
28 Sumagot si Tomas at sinabi sa kaniya: Aking Panginoon at aking Diyos.
29 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tomas, sumampalataya ka dahil nakita mo ako. Pinagpala sila na hindi nakakita ngunit sumampalataya.
30 Marami pang ibang mga tanda ang ginawa ni Jesus sa harapan ng kaniyang mga alagad. Ang mga ito ay hindi nasusulat sa aklat na ito. 31 Ngunit ang mga ito ay sinulat upang kayo ay sumampalataya na si Jesus ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos. At ang mga ito ay sinulat upang pagkatapos ninyong sumampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.
Copyright © 1998 by Bibles International