Revised Common Lectionary (Complementary)
17 Mga kapatid, magkaisa kayo sa pagtulad sa akin. Pagmasdan ninyo ang mga lumalakad ayon sa halimbawang nakikita ninyo sa amin. 18 Ito ay sapagkat madalas kong sinasabi sa inyo, at ngayon sasabihin ko sainyong muli na may pagluha, na marami ang lumalakad, na sila ang mga kaaway ng krus ni Cristo. 19 Ang kahihinatnan nila ay kapahamakan. Ang diyos nila ay ang kanilang tiyan. Ang kanilang kaluwalhatian ay ang mga bagay na dapat nilang ikahiya. Ang kanilang kaisipan ay nakatuon sa mga bagay na panlupa. 20 Sapagkat ang ating pagkamamamayan ay nasa langit, na mula roon ay hinihintay naman natin ang Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo. 21 Siya ang magbabago ng ating walang halagang katawan upang maging katulad ng kaniyang maluwalhating katawan, ayon sa paggawa ng kaniyang kapangyarihan na magpapasakop ng lahat ng bagay sa kaniya.
4 Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinanabikan, kayo ang aking kagalakan at putong. Magpakatatag kayo sa ganitong paraan sa Panginoon.
Nagdalamhati si Jesus Dahil sa Jerusalem
31 Sa araw ding iyon, may ilang Fariseo ang pumunta sa kaniya. Sinabi nila sa kaniya: Lumabas ka at umalis ka rito sapagkat nais kang patayin ni Herodes.
32 Sinabi niya sa kanila: Pumunta kayo at sabihin sa tusong soro na iyon: Narito, nagpapalayas ako ng mga demonyo at ginaganap ko ang pagpapagaling ngayon at bukas. Sa ikatlong araw ay matatapos ko na ito. 33 Gayunman, kinakailangan kong magpatuloy ngayon, bukas at sa susunod na araw. Ito ay sapagkat hindi maaari sa isang propeta ang mamatay sa labas ng Jerusalem.
34 Jerusalem, Jerusalem! Ikaw ang pumapatay sa mga propeta at bumabato sa kanila na isinusugo sa iyo. Madalas kong ninais na tipunin ang iyong mga anak tulad ng inahing manok na nagtitipon ng kaniyang mga inakay sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, ngunit ayaw ninyo. 35 Narito, ang iyong bahay ay naiwan sa iyong wala nang nakatira. Katotohanang sinasabi ko sa iyo: Hindi mo ako makikita hanggang sa dumating ang oras na sasabihin mong: Papuri sa kaniya na dumarating sa pangalan ng Panginoon.
Ang Pagbabagong Anyo
28 Nangyari, mga walong araw pagkatapos niyang sabihin ang ng mga salitang ito, na isinama niya sina Pedro, at Juan at Santiago. Umahaon siya sa bundok upang manalangin.
29 Nangyari nang siya ay nananalangin, ang anyo ng kaniyang mukha ay nagbago. Ang kaniyang kasuotan ay nagningning sa kaputian. 30 Narito, may dalawang lalaking nakipag-usap sa kaniya. Sila ay sina Moises at Elias. 31 Sila na nakita sa kaluwalhatian ay nagsalita patungkol sa kaniyang pag-alis na kaniya nang gaganapin sa Jerusalem. 32 Si Pedro at ang mga kasama niya ay tulog na. Nang sila ay magising, nakita nila ang kaniyang kaluwalhatian at ang dalawang lalaking nakatayong kasama niya. 33 Nangyari, habang papaalissina Moises at Elias, na si Pedro ay nagsabi kay Jesus: Guro, mabuti para sa amin na kami ay narito. Gagawa kami ng tatlong kubol. Isa para sa iyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias. Hindi alam ni Pedro kung ano ang sinasabi niya.
34 Samantalang sinasabi niya ito, lumitaw ang isang ulap at nililiman sila. Pagpasok nila sa ulap, sila ay natakot. 35 Isang tinig ang nagmula sa ulap, na sinabi: Ito ang pinakamamahal kong anak. Pakinggan ninyo siya. 36 Nang mawala na ang tinig, nasumpungan nilang nag-iisa si Jesus. At sila ay tumahimik. Hindi nila sinabi sa kaninuman sa mga araw na iyon ang anumang nakita nila.
Pinagaling ni Jesus ang Batang Inaalihan ng Karumal-dumal na Espiritu
37 Nangyari, kinabukasan pagbaba nila sa bundok, na sinalubong siya ng napakaraming tao.
38 Narito, isang lalaking mula sa karamihan ang sumigaw. Sinabi niya: Guro, isinasamo ko sa iyo, bigyan mo ng pansin ang aking anak dahil siya ay kaisa-isa kong anak. 39 Narito, sinusunggaban siya ng espiritu[a] at siya ay biglang sumigaw. Pinangisay siya nito at halos ayaw siyang iwanan. 40 Nagsumamo ako sa iyong mga alagad na palayasin nila siya ngunit hindi nila magawa.
41 Sumagot si Jesus at sinabi: O lahing walang pananampalataya at lahing nagpakalihis. Hanggang kailan ako sasama sa inyo at magtitiis sa inyo? Dalhin mo rito ang iyong anak.
42 Nang siya ay papalapit pa lamang kay Jesus, siya ay ibinalibag ng demonyo at pinangisay. Sinaway ni Jesus ang karumal-dumal na espiritu at pinagaling ang bata. Ibinalik siya ni Jesus sa kaniyang ama.
43 Ang lahat ay namangha sa kadakilaan ng Diyos.
Samantalang sila ay nangilalas sa lahat ng mga ginawa ni Jesus, siya ay nangusap sa kaniyang mga alagad.
Copyright © 1998 by Bibles International