Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin ng Isang Walang Sala
Panalangin ni David.
17 Pakinggan mo, Yahweh, ang sigaw ng katarungan,
dinggin mo ako sa aking kahilingan;
dalangin ko sana'y iyong pakinggan, sapagkat labi ko nama'y hindi nanlilinlang.
2 Hahatol ka para sa aking panig,
pagkat alam mo kung ano ang matuwid.
3 Kaibuturan ng puso ko ay iyong nababatid,
kahit sa gabi'y ikaw sa aki'y nagmamasid.
Siniyasat mo ako at napatunayang matuwid,
walang kasamaan maging sa aking bibig.
4 Ang salita ko nga'y tapat, di tulad ng karamihan;
tapat akong sumusunod sa utos mong ibinigay,
ako ay umiiwas sa landas ng karahasan.
5 Lagi kong nilalakaran ang iyong daan,
hindi ako lumihis doon kahit kailan.
6 Tumatawag ako sa iyo, O Diyos, sapagkat ako'y iyong sinasagot;
kaya ngayo'y pakinggan mo ako at pansinin ang karaingan ko.
7 Ipakita mo sa akin ang kahanga-hanga mong pagmamahal,
at ang iyong kanang kamay ang sa aki'y umalalay.
8 Ako'y bantayan mo, ang paborito mong anak,
at palagi mong ingatan sa lilim ng iyong pakpak;
9 mula sa kuko ng masasama ako'y iyong iligtas.
Napapaligiran ako ng malulupit na kaaway,
10 mayayabang magsalita, suwail at matatapang;
11 saanman ako magpunta'y lagi akong sinusundan,
naghihintay ng sandali na ako ay maibuwal.
12 Para silang mga leon, na sa aki'y nag-aabang,
mga batang leon na nakahandang sumagpang.
13 Lumapit ka, O Yahweh, mga kaaway ko'y hadlangan,
sa pamamagitan ng tabak, ako'y ipaglaban!
14 Sa lakas ng iyong bisig ako'y iyong isanggalang, sa ganitong mga taong sagana ang pamumuhay.
Ibagsak mo sa kanila ang parusang iyong laan,
pati mga anak nila ay labis mong pahirapan
at kanilang salinlahi sa galit mo ay idamay!
15 Dahil ako'y matuwid, ang mukha mo'y makikita;
at sa aking paggising, sa piling mo'y liligaya.
Sinubok ni Satanas si Job
1 May isang lalaking nakatira sa lupain ng Uz na nagngangalang Job. Siya'y isang mabuting tao, sumasamba sa Diyos at umiiwas sa masamang gawain. 2 Mayroon siyang pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. 3 Marami siyang tagapaglingkod at siya ang pinakamayaman sa buong silangan. Pitong libo ang kanyang tupa, tatlong libo ang kamelyo, sanlibo ang baka at limandaan ang asno. 4 Nakaugalian na ng kanyang mga anak na lalaki na hali-haliling magdaos ng handaan sa kani-kanilang bahay at inaanyayahan nila ang mga kapatid nilang babae. 5 Tuwing matatapos ang ganoong handaan, ipinapatawag ni Job ang kanyang mga anak para sa isang rituwal. Maagang bumabangon si Job kinabukasan upang mag-alay sa Diyos ng handog na sinusunog para sa kanyang mga anak dahil baka lihim na nilalapastangan ng mga ito ang Diyos at sila'y magkasala.
6 Dumating(A) ang araw na ang mga anak ng Diyos[a] ay humarap kay Yahweh at naroon din si Satanas.[b] 7 Tinanong ni Yahweh si Satanas,[c] “Ano ba'ng pinagkakaabalahan mo ngayon?”
“Nagpapabalik-balik ako sa lahat ng sulok ng daigdig,” sagot ni Satanas.[d]
8 “Napansin mo ba ang lingkod kong si Job?” tanong ni Yahweh. “Wala siyang katulad sa daigdig. Mabuti siyang tao, sumasamba sa akin, at umiiwas sa masamang gawain,” dugtong pa ni Yahweh.
9 Sumagot(B) si Satanas,[e] “Sasambahin pa kaya kayo ni Job kung wala na siyang nakukuha mula sa inyo? 10 Inaalagaan ninyo siya, ang kanyang pamilya at ang lahat ng ari-arian niya. Pinagpapala ninyo ang lahat ng kanyang gawin, at halos punuin ninyo ng kanyang kayamanan ang buong lupain. 11 Subukan ninyong alisin ang lahat-lahat sa buhay niya at harap-harapan niya kayong susumpain.”
12 Sinabi ni Yahweh kay Satanas,[f] “Kung gayon, gawin mo nang lahat ang gusto mong gawin sa kanya, huwag mo lamang siyang sasaktan.” At umalis si Satanas sa harapan ni Yahweh.
Nalipol ang mga Anak ni Job at Naubos ang Kanyang Kayamanan
13 Isang araw, nagkakainan at nag-iinuman ang mga anak ni Job sa bahay ng kanilang panganay na kapatid na lalaki. 14 Walang anu-ano'y dumating kay Job ang isa niyang tauhan. Sinabi nito, “Kasalukuyan po naming pinang-aararo ang mga baka at nanginginain naman ang mga asno, 15 nang may dumating na mga Sabeo.[g] Kinuha po nila ang mga baka at mga asno at pinatay pa po ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas upang magbalita sa inyo.”
16 Hindi pa ito nakakatapos sa pagbabalita nang may dumating na namang isa. Sinabi naman nito kay Job, “Tinamaan po ng kidlat ang mga tupa at mga pastol at namatay lahat; ako lang po ang nakaligtas upang magbalita sa inyo.”
17 Hindi pa ito halos tapos magsalita nang may isa na namang dumating. Ang sabi nito, “Sinalakay po kami ng tatlong pangkat ng mga Caldeo.[h] Kinuha nila ang lahat ng kamelyo at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas upang magbalita sa inyo.”
18 Hindi pa rin ito halos tapos magsalita nang may dumating na namang isa at nagsabi, “Habang ang mga anak po ninyo ay nagkakainan at nag-iinuman sa bahay ng panganay nilang kapatid, 19 hinampas po ng napakalakas na hangin ang bahay at bumagsak. Nabagsakan po sila at namatay lahat. Ako lang po ang natirang buháy upang magbalita sa inyo.”
20 Tumayo si Job, pinunit ang kanyang damit at nag-ahit ng ulo. Pagkatapos, nagpatirapa siya at sumamba sa Diyos. 21 Ang(C) sabi niya, “Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, hubad din akong babalik sa lupa. Si Yahweh ang nagbigay, si Yahweh rin ang babawi. Purihin si Yahweh!”
22 Sa kabila ng mga pangyayaring ito, hindi niya sinisi ang Diyos, kaya't hindi siya nagkasala laban sa kanya.
Mag-ingat Kayo
34 “Mag-ingat kayo na huwag kayong malulong sa labis na pagsasaya, paglalasing at matuon ang inyong pag-iisip sa mga alalahanin sa buhay na ito; kung hindi ay bigla kayong aabutan ng Araw na iyon 35 na tulad ng isang bitag. Sapagkat darating ang Araw na iyon sa lahat ng tao sa ibabaw ng lupa. 36 Kaya't maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng kalakasan upang malampasan ninyo ang lahat ng mangyayaring ito, at makatayo kayo sa harap ng Anak ng Tao.”
37 Araw-araw,(A) si Jesus ay nagtuturo sa Templo. Kung gabi nama'y umaalis siya at nagpapalipas ng magdamag sa Bundok ng mga Olibo. 38 Maaga pa'y pumupunta na sa Templo ang mga tao upang makinig sa kanya.
Ang Balak Laban kay Jesus(B)
22 Malapit(C) nang ipagdiwang noon ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa na tinatawag ding Pista ng Paskwa. 2 Ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan ay naghahanap ng paraan upang mapatay nila si Jesus, ngunit nag-iingat sila dahil natatakot sila sa mga tao.
Nakipagkasundo si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(D)
3 Noon(E) nama'y pumasok si Satanas kay Judas, na tinatawag na Iscariote, na kabilang sa Labindalawa. 4 Kaya't nakipagkita siya sa mga punong pari at sa mga pinuno ng bantay sa Templo upang kanilang pag-usapan kung paano niyang maipagkakanulo si Jesus. 5 Natuwa sila at pumayag na babayaran si Judas ng salapi. 6 Nakipagkasundo siya, at mula noo'y humanap na siya ng pagkakataong maipagkanulo si Jesus nang hindi namamalayan ng mga tao.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.