Revised Common Lectionary (Complementary)
35 Ito ang Moises na kanilang tinanggihan nang kanilang sabihin: Sino ang nagtalaga sa iyo na maging pinuno at hukom? Sa pamamagitan ng kamay ng anghel na nagpakita sa kaniya sa mababang palumpong, isinugo ng Diyos si Moises na maging tagapamahala at tagapagpalaya. 36 Siya ay nanguna sa kanila papalabas sa Egipto. Siya ay gumawa ng mga kababalaghan at mga tanda sa lupain ng Egipto, sa Dagat na Pula at sa ilang sa loob ng apatnapung taon.
37 Siya iyong Moises na nagsabi sa mga anak ni Israel: Magtitindig ang Panginoong Diyos sa inyo ng isang propeta na tulad ko, mula sa inyong mga kapatid. Siya ang inyong pakinggan. 38 Siya iyong naroon sa kapulungan sa ilang na kasama ang anghel na nagsalita sa kaniya sa bundok ng Sinai. Kasama niya ang ating mga ninuno. Siya ang tumanggap ng mga buhay na katuruan upang ibigay sa atin.
39 Ang ating mga ninuno ay ayaw magpasakop sa kaniya. Sa halip ay itinulak nila siya at ang kanilang mga puso ay bumabalik sa Egipto. 40 Sinabi nila kay Aaron: Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin sapagkat hindi namin nalalaman kung ano na ang nangyari kay Moises na siyang naglabas sa amin sa bayan ng Egipto. 41 Nang mga araw na iyon ay gumawa sila ng isang guyang baka at naghandog ng hain sa diyos-diyosang iyon. Sila ay natuwa sa mga nagawa ng kanilang mga kamay. 42 Tumalikod ang Diyos sa kanila at hinayaan silang sumamba sa mga bituin sa langit. Gaya ng nasusulat sa aklat ng mga propeta:
O, angkan ng Israel, hindi ba naghandog kayo ng mga hayop na pinatay at mga hain sa loob ng apatnapung taon na kayo ay nasa ilang? Ngunit hindi ninyo ito inihandog sa akin.
Copyright © 1998 by Bibles International