Revised Common Lectionary (Complementary)
Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios
113 Purihin nʼyo ang Panginoon!
Kayong mga lingkod ng Panginoon, purihin nʼyo siya!
2 Purihin nʼyo ang Panginoon,
ngayon at magpakailanman.
3 Mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw,
ang pangalan ng Panginoon ay dapat papurihan.
4 Maghahari ang Panginoon sa lahat ng bansa,
ang kanyang kaluwalhatian ay hindi mapapantayan.
5 Walang katulad ang Panginoon na ating Dios,
na nakaupo sa kanyang trono sa itaas.
6 Yumuyuko siya upang tingnan ang kalangitan at ang sanlibutan.
7 Tinutulungan niya ang mga dukha at nangangailangan sa kanilang kagipitan.
8 At silaʼy pinararangalang kasama ng mararangal na tao
mula sa kanyang mga mamamayan.
9 Pinaliligaya niya ang baog na babae sa tahanan nito,
sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng mga anak.
Purihin ninyo ang Panginoon!
14 Sinabi ng Panginoon, “Sa mahabang panahon nagsawalang-kibo ako at pinigilan ko ang aking sarili. Pero ngayon, ipadarama ko ang aking galit. Sisigaw ako na parang babaeng nanganganak. 15 Gigibain ko ang mga bundok at mga burol, at malalanta ang mga tanim. Patutuyuin ko ang mga ilog at mga dakong may tubig. 16 Aakayin ko ang mga mamamayan kong bulag sa katotohanan, sa daan na hindi pa nila nadadaanan. Liliwanagan ko ang dinaraanan nilang madilim at papantayin ko ang mga baku-bako sa landas na kanilang dinadaanan. Gagawin ko ito at hindi ko sila pababayaan. 17 Pero ang mga nagtitiwala sa mga dios-diosan, at ang mga itinuturing na dios ang kanilang mga rebulto ay tatakas dahil sa malaking kahihiyan.”
Ang Israel ay Parang Bingi at Bulag
18 Sinabi ng Panginoon sa kanyang mga mamamayan, “Kayong mga bingi at bulag, makinig kayo at tumingin! 19 Kayoʼy mga lingkod ko at mga pinili. Isinugo ko kayo bilang aking mga tagapagsalita, pero walang makakapantay sa inyong pagbibingi-bingihan at pagbubulag-bulagan. 20 Marami na kayong nakikita pero hindi ninyo pinapansin. Nakakarinig kayo pero ayaw ninyong makinig!”
21 Nais ng Panginoon na parangalan ang kanyang kautusan para ipakita na matuwid siya.[a]
Nagpakita ang Anghel kay Zacarias
5 Noong si Herodes ang hari sa Judea, may isang pari na ang pangalan ay Zacarias na kabilang sa grupo ng mga pari na tinatawag na “Grupo ni Abijah.” Ang asawa niya ay si Elizabet na kabilang din sa angkan ni Aaron. 6 Silang dalawa ay kapwa matuwid sa harap ng Dios. Maingat nilang sinusunod ang lahat ng utos at mga tuntunin ng Panginoon. 7 Wala silang anak dahil baog si Elizabet, at matanda na silang pareho.
8 Isang araw, ang grupo ni Zacarias ang nakatalagang maglingkod sa templo ng Panginoon. 9 At katulad ng nakaugalian nila bilang mga pari, nagpalabunutan sila, at si Zacarias ang nabunot. Kaya siya ang pumasok sa loob ng templo para magsunog ng insenso sa altar. 10 Habang nagsusunog siya roon ng insenso, maraming tao ang nananalangin sa labas. 11 Biglang nagpakita kay Zacarias ang isang anghel ng Panginoon. Nakatayo ang anghel sa bandang kanan ng altar na pinagsusunugan ng insenso. 12 Nabagabag at natakot si Zacarias nang makita niya ang anghel. 13 Pero sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Dios ang panalangin mo. Magkakaanak ng isang lalaki ang asawa mong si Elizabet, at Juan ang ipapangalan mo sa kanya. 14 Matutuwa kayo at magiging maligaya dahil sa kanya, at marami ang magagalak sa pagsilang niya, 15 dahil magiging dakila siya sa harap ng Panginoon. Hindi siya dapat uminom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Sa sinapupunan pa lang ng kanyang ina ay sasakanya na ang Banal na Espiritu. 16 Maraming Israelita ang panunumbalikin niya sa Panginoon na kanilang Dios. 17 Mauuna siya sa Panginoon upang ihanda ang mga tao sa pagdating ng Panginoon. Gagawin niya ito sa tulong ng Banal na Espiritu at sa pamamagitan ng kapangyarihang katulad ng kay Elias noon. Tuturuan niya ang mga magulang[a] na mahalin ang kanilang mga anak, at ibabalik niya sa matuwid na pag-iisip ang mga taong masuwayin sa Dios.”
18 Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano po mangyayari ang mga sinabi nʼyo? Matanda na ako, at ganoon din ang asawa ko.”
19 Sumagot ang anghel, “Ako si Gabriel na naglilingkod sa harapan ng Dios. Siya ang nagsugo sa akin para sabihin sa iyo ang magandang balitang ito. 20 Ngunit dahil hindi ka naniwala sa sinabi ko, magiging pipi ka. Hindi ka makakapagsalita hanggaʼt hindi natutupad ang sinabi ko sa iyo. Sapagkat tiyak na mangyayari ang sinabi ko pagdating ng panahong itinakda ng Dios.”
21 Samantala, hinihintay ng mga tao ang paglabas ni Zacarias. Nagtataka sila kung bakit nagtagal siya sa loob ng templo. 22 Nang lumabas siya, hindi na siya makapagsalita at sumesenyas na lang siya. Kaya inisip nila na may nakita siyang pangitain sa loob ng templo. At mula noon naging pipi na siya.
23 Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod, umuwi na si Zacarias. 24 Hindi nagtagal, nagbuntis si Elizabet, at sa loob ng limang buwan ay hindi siya umalis ng bahay. 25 Sinabi niya, “Napakabuti ng Panginoon. Inalis niya ang kahihiyan ko sa mga tao bilang isang baog.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®