Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin para Ingatan ng Panginoon
5 O Panginoon, pakinggan nʼyo po ang aking mga hinaing at iyak.
2 Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong, O Dios ko at aking Hari,
dahil sa inyo lamang ako lumalapit.
3 Sa umaga, O Panginoon naririnig nʼyo ang aking panalangin, habang sinasabi ko sa inyo ang aking mga kahilingan at hinihintay ko ang inyong kasagutan.
4 Kayo ay Dios na hindi natutuwa sa kasamaan,
at hindi nʼyo tinatanggap ang taong namumuhay sa kasalanan.
5 Ang mga mapagmataas ay hindi makalalapit sa inyong harapan,
at ang mga gumagawa ng kasamaan ay inyong kinasusuklaman.
6 Lilipulin nʼyo ang mga sinungaling.
Kinasusuklaman nʼyo ang mga mamamatay-tao at mga mandaraya.
7 Ngunit dahil sa dakila nʼyong pag-ibig sa akin,
makakapasok ako sa banal nʼyong templo.
At doon akoʼy sasamba nang may paggalang sa inyo.
8 O Panginoon, dahil napakarami ng aking mga kaaway,
gabayan nʼyo ako tungo sa inyong matuwid na daan.
Gawin nʼyong madali para sa akin ang pagsunod ko sa inyong kagustuhan.
9 Hindi maaasahan ang sinasabi ng aking mga kaaway,
laging hangad nilaʼy kapahamakan ng iba.
Ang kanilang pananalita ay mapanganib katulad ng bukas na libingan,
at ang kanilang sinasabi ay puro panloloko.
10 O Dios, parusahan nʼyo po ang aking mga kaaway.
Mapahamak sana sila sa sarili nilang masamang plano.
Itakwil nʼyo sila dahil sa kanilang mga kasalanan,
dahil silaʼy sumuway sa inyo.
11 Ngunit magalak nawa ang lahat ng nanganganlong sa inyo;
magsiawit nawa sila sa kagalakan.
Ingatan nʼyo silang mga nagmamahal sa inyo, upang sa inyo magmula ang kanilang kagalakan.
12 Pinagpapala nʼyo Panginoon ang mga matuwid.
Ang pag-ibig nʼyo ay parang kalasag na nag-iingat sa kanila.
Ang Pagpapala sa Lahat ng Bansa
56 Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Pairalin ninyo ang katarungan at katuwiran dahil malapit ko na kayong iligtas. 2 Mapalad ang mga taong gumagawa nito at ang mga sumusunod sa aking mga ipinapagawa sa Araw ng Pamamahinga. Mapalad din ang taong hindi gumagawa ng masama.”
3 Huwag isipin ng mga dayuhang nag-alay ng kanilang sarili sa Panginoon na hindi sila isasama ng Panginoon sa kanyang mga mamamayan. Huwag ding isipin ng mga taong nagpakapon na dahil hindi na sila magkakaanak,[a] ay hindi sila maaaring isama sa mga mamamayan ng Dios. 4 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon, “Pagpapalain ko ang mga taong nagpakapon na sumusunod sa mga ipinapagawa ko sa Araw ng Pamamahinga at gumagawa ng mga bagay na nakakalugod sa akin, at tumutupad sa aking kasunduan. 5 Papayagan ko silang makapasok sa aking templo at pararangalan ko sila ng higit pa sa karangalang ibibigay sa kanila kung silaʼy nagkaanak. At hindi sila makakalimutan ng mga tao magpakailanman.
6 “Pagpapalain ko rin ang mga dayuhang nag-alay ng sarili nila sa akin para paglingkuran ako, mahalin, sambahin, at sundin ang aking ipinapagawa sa Araw ng Pamamahinga at tumutupad sa aking kasunduan. 7 Dadalhin ko sila sa aking banal na bundok at aaliwin doon sa aking templong dalanginan. Tatanggapin ko sa aking altar ang kanilang mga handog na sinusunog at iba pang mga handog, dahil ang templo koʼy tatawaging templong dalanginan ng mga tao mula sa lahat ng bansa.” 8 Sinabi pa ng Panginoong Dios na nagtipon sa mga Israelitang nabihag, “Titipunin ko pa ang iba, maliban doon sa mga natipon ko na.”
Ang Pananampalataya ng Babaeng Hindi Judio(A)
24 Umalis si Jesus mula roon at pumunta sa mga lugar na malapit sa Tyre. Pagdating niya roon, tumuloy siya sa isang bahay. Ayaw sana niyang malaman ng mga tao na naroon siya; pero hindi rin niya ito naitago. 25-26 Sa katunayan, nalaman agad ito ng isang ina na may anak na babaeng sinaniban ng masamang espiritu. Ang babaeng itoʼy taga-Fenicia na sakop ng Syria, at Griego ang kanyang salita. Pinuntahan niya agad si Jesus at nagpatirapa sa paanan nito, at nagmamakaawang palayasin ang masamang espiritu sa kanyang anak. 27 Pero sinagot siya ni Jesus sa pamamagitan ng isang kasabihan, “Dapat munang pakainin ang mga anak, dahil hindi tamang kunin ang pagkain ng mga anak at ihagis sa mga aso.” 28 Sumagot ang babae, “Tama po kayo, Panginoon, pero kahit mga aso sa ilalim ng mesa ay kumakain ng mga mumo na nailalaglag ng mga anak.” 29 Kaya sinabi ni Jesus sa kanya, “Dahil sa sagot mong iyan, maaari ka nang umuwi. Lumabas na sa anak mo ang masamang espiritu.” 30 Umuwi nga ang babae at nadatnan ang anak niya sa higaan, at wala na nga ang masamang espiritu sa kanya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®