Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 5

Panalangin para Ingatan ng Panginoon

O Panginoon, pakinggan nʼyo po ang aking mga hinaing at iyak.
Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong, O Dios ko at aking Hari,
dahil sa inyo lamang ako lumalapit.
Sa umaga, O Panginoon naririnig nʼyo ang aking panalangin, habang sinasabi ko sa inyo ang aking mga kahilingan at hinihintay ko ang inyong kasagutan.
Kayo ay Dios na hindi natutuwa sa kasamaan,
    at hindi nʼyo tinatanggap ang taong namumuhay sa kasalanan.
Ang mga mapagmataas ay hindi makalalapit sa inyong harapan,
    at ang mga gumagawa ng kasamaan ay inyong kinasusuklaman.
Lilipulin nʼyo ang mga sinungaling.
    Kinasusuklaman nʼyo ang mga mamamatay-tao at mga mandaraya.
Ngunit dahil sa dakila nʼyong pag-ibig sa akin,
    makakapasok ako sa banal nʼyong templo.
    At doon akoʼy sasamba nang may paggalang sa inyo.

O Panginoon, dahil napakarami ng aking mga kaaway,
    gabayan nʼyo ako tungo sa inyong matuwid na daan.
    Gawin nʼyong madali para sa akin ang pagsunod ko sa inyong kagustuhan.
Hindi maaasahan ang sinasabi ng aking mga kaaway,
    laging hangad nilaʼy kapahamakan ng iba.
    Ang kanilang pananalita ay mapanganib katulad ng bukas na libingan,
    at ang kanilang sinasabi ay puro panloloko.
10 O Dios, parusahan nʼyo po ang aking mga kaaway.
    Mapahamak sana sila sa sarili nilang masamang plano.
    Itakwil nʼyo sila dahil sa kanilang mga kasalanan,
    dahil silaʼy sumuway sa inyo.
11 Ngunit magalak nawa ang lahat ng nanganganlong sa inyo;
    magsiawit nawa sila sa kagalakan.
    Ingatan nʼyo silang mga nagmamahal sa inyo, upang sa inyo magmula ang kanilang kagalakan.
12 Pinagpapala nʼyo Panginoon ang mga matuwid.
    Ang pag-ibig nʼyo ay parang kalasag na nag-iingat sa kanila.

Nehemias 1

Ito ang salaysay tungkol sa mga ginawa ni Nehemias na anak ni Hacalia.

Ang Pananalangin ni Nehemias para sa Jerusalem

Noong ikasiyam na buwan, ang buwan ng Kislev, nang ika-20 taon ng paghahari ni Artaserses sa Persia, naroon ako sa palasyo sa Susa. Doon ay pumunta sa akin ang isa sa mga kapatid ko na si Hanani. Galing siya sa Juda kasama ang ilang kalalakihan. Tinanong ko sila tungkol sa Jerusalem at sa mga Judio na nagsibalik mula sa pagkakabihag[a] sa Babilonia. Sumagot sila, “Labis na nahihirapan ang mga nagsibalik sa Juda, tinutuya sila ng mga tao sa paligid nila. Hanggang ngayon, sira pa rin ang pader ng Jerusalem at sunog ang mga pintuan nito.”

Nang marinig ko iyon, umupo ako at umiyak. Ilang araw akong nagdalamhati, nag-ayuno, at nanalangin sa presensya ng Dios ng kalangitan. Sinabi ko, “Panginoon, Dios ng kalangitan, makapangyarihan po kayo at kamangha-manghang Dios. Tinutupad nʼyo ang inyong kasunduan nang may pag-ibig sa mga umiibig sa inyo at tumutupad sa inyong mga utos. Akong lingkod nʼyo ay nananalangin araw at gabi para sa bayan ng Israel na mga lingkod ninyo. Pakinggan nʼyo po ako at tugunin ang dalangin ko. Ipinapahayag ko sa inyo ang mga kasalanan naming mga Israelita, pati ang mga kasalanan ko at ng aking mga ninuno. Lubha pong napakasama ng ginawa namin sa inyo. Hindi namin tinutupad ang mga utos ninyo at mga tuntuning ibinigay sa amin sa pamamagitan ni Moises na inyong lingkod.

“Alalahanin po ninyo ang sinabi nʼyo noon kay Moises: ‘Kung kayong mga Israelita ay hindi maging matapat sa akin, pangangalatin ko kayo sa ibang mga bansa. Ngunit kung manunumbalik kayo sa akin at tutupad sa mga utos ko, kahit mangalat pa kayo sa pinakamalayong lugar, titipunin ko kayong muli sa lugar na pinili ko upang akoʼy parangalan.’

10 “Kami po ay mga lingkod nʼyo at mga mamamayang iniligtas ninyo sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at lakas. 11 Panginoon, dinggin nʼyo po ang dalangin ko, na inyong lingkod, at ang dalangin ng iba pa ninyong mga lingkod na nasisiyahang igalang kayo. Bigyan nʼyo po ako ngayon ng tagumpay sa paghiling ko sa hari. At nawaʼy kabutihan ang maipakita niya sa akin.”

Nang panahong iyon, tagapagsilbi ako ng inumin ng hari.

Gawa 3:1-10

Ang Paggaling ng Taong Lumpo

Isang araw, bandang alas tres ng hapon, pumunta si Pedro at si Juan sa templo. Oras noon ng pananalangin. Sa pintuan ng templo na tinatawag na “Maganda” ay may isang taong lumpo mula nang ipinanganak. Araw-araw siyang dinadala roon para humingi ng limos sa mga taong pumapasok sa templo. Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, humingi siya ng limos. Tinitigan siya nina Pedro at Juan. Pagkatapos, sinabi ni Pedro sa kanya, “Tumingin ka sa amin.”

Tumingin ang lalaki sa kanila na naghihintay na malimusan. Pero sinabi ni Pedro sa kanya, “Wala akong pera.[a] Ngunit may ibibigay ako sa iyo: Sa pangalan[b] ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret, lumakad ka!” At hinawakan ni Pedro ang kanang kamay nito at pinatayo siya. Biglang lumakas ang kanyang mga paa at bukong-bukong. Tumayo siya agad at lumakad-lakad. Pagkatapos, sumama siya kina Pedro at Juan sa templo. Palakad-lakad at patalon-talon siyang nagpupuri sa Dios. Nakita ng lahat na lumalakad siya at nagpupuri sa Dios. 10 Napansin nila na siya pala ang taong palaging nakaupo at humihingi ng limos doon sa pintuan ng templo na tinatawag na “Maganda.” Kaya lubos ang kanilang pagkamangha sa nangyari sa kanya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®