Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Panalangin ni Solomon para sa Bayan ng Israel(A)
22 Sa harap ng buong kapulungan ng Israel, lumapit si Solomon sa altar ng Panginoon at itinaas niya ang kanyang mga kamay, 23 at nanalangin, “Panginoon, Dios ng Israel, wala pong Dios na katulad ninyo sa langit o sa lupa. Tinutupad nʼyo ang inyong kasunduan at ipinapakita ninyo ang inyong pag-ibig sa mga lingkod ninyong buong pusong sumusunod sa inyo.
41-42 “Kung ang mga dayuhan na nakatira sa malayong lugar ay makarinig ng inyong kadakilaan at kapangyarihan, at pumunta sila rito para sumamba sa inyo at manalangin na nakaharap sa templong ito, 43 dinggin nʼyo po sila riyan sa inyong luklukan sa langit. At gawin ang kahit anong hinihiling nila, para ang lahat po ng tao sa mundo ay makakilala sa inyo at gumalang po sa inyo gaya ng inyong mga mamamayang Israelita. At para malaman po nilang pinaparangalan kayo sa templo na aking ipinatayo.
Ang Dios ang Pinakamakapangyarihang Hari(A)
96 Kayong mga tao sa buong mundo,
umawit kayo ng mga bagong awit sa Panginoon!
2 Awitan ninyo ang Panginoon at purihin ang kanyang pangalan.
Ipahayag ninyo sa bawat araw ang tungkol sa pagligtas niya sa atin.
3 Ipahayag ninyo sa lahat ng mamamayan sa mga bansa ang kanyang kapangyarihan at mga kahanga-hangang gawa.
4 Dahil dakila ang Panginoon, at karapat-dapat papurihan.
Dapat siyang igalang ng higit sa lahat ng mga dios,
5 dahil ang lahat ng dios ng ibang mga bansa ay hindi tunay na mga dios.
Ang Panginoon ang lumikha ng langit.
6 Nasa kanya ang kapangyarihan at karangalan;
at nasa templo niya ang kalakasan at kagandahan.
7 Purihin ninyo ang Panginoon,
kayong lahat ng tao sa mundo.
Purihin ninyo ang kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan.
8 Ibigay ninyo sa Panginoon ang mga papuring nararapat sa kanya.
Magdala kayo ng mga handog at pumunta sa templo.
9 Sambahin ninyo ang kabanalan ng Panginoon.
Matakot kayo sa kanya, kayong lahat ng nasa sanlibutan.
1 1-2 Mula kay Pablo na isang apostol, kasama ang lahat ng kapatid dito. Ang pagka-apostol ko ay hindi galing sa tao o sa pamamagitan ng tao, kundi sa pamamagitan ni Jesu-Cristo at ng Dios Ama na muling bumuhay sa kanya mula sa kamatayan.
Mahal kong mga kapatid sa mga iglesya[a] diyan sa Galacia:
3 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios Ama at sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 4 Inialay ni Cristo ang sarili niya para sa mga kasalanan natin, ayon sa kalooban ng ating Dios at Ama. Ginawa niya ito para mailigtas tayo sa kasamaan nitong kasalukuyang mundo. 5 Purihin natin ang Dios magpakailanman! Amen.
Iisa Lang ang Magandang Balita
6 Nagtaka ako dahil ang dali ninyong tumalikod sa Dios na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo. Bumaling kayo sa ibang magandang balita na hindi naman totoo. 7 Ang totoo, walang ibang magandang balita. Nasabi ko ito dahil may mga taong nanggugulo sa inyo, at gusto nilang baluktutin ang Magandang Balita tungkol kay Cristo. 8 Sumpain nawa ng Dios ang sinuman – kami o maging isang anghel galing sa langit – na mangangaral sa inyo ng magandang balita na iba kaysa sa ipinangaral namin sa inyo. 9 Sinabi na namin sa inyo noon at muli kong sasabihin: Kung may mangangaral sa inyo ng magandang balita na iba kaysa sa tinanggap ninyo, sumpain siya ng Dios! 10 Huwag ninyong isipin na ang nais ko ay malugod sa akin ang tao. Hindi! Ang nais ko ay malugod sa akin ang Dios. Kung ang ikalulugod ng tao ang hinahanap ko, hindi ako tunay na lingkod ni Cristo.
Paano Naging Apostol si Pablo
11 Gusto kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo ay hindi gawa-gawa lang ng tao. 12 At hindi ko rin ito tinanggap o natutunan mula sa mga tao, kundi ipinahayag mismo sa akin ni Jesu-Cristo.
Pinagaling ni Jesus ang Alipin ng Kapitan(A)
7 Pagkatapos ipangaral ni Jesus sa mga tao ang mga bagay na ito, pumunta siya sa Capernaum. 2 May isang kapitan doon ng hukbong Romano na may aliping malubha ang sakit at naghihingalo. Mahal niya ang aliping ito. 3 Kaya nang mabalitaan ng kapitan ang tungkol kay Jesus, sinugo niya ang ilang mga pinuno ng mga Judio para pakiusapan si Jesus na pumunta sa bahay niya at pagalingin ang kanyang alipin. 4 Pagdating nila kay Jesus, nakiusap silang mabuti sa kanya, “Kung maaari po sanaʼy tulungan nʼyo ang kapitan, dahil mabuti siyang tao. 5 Mahal niya tayong mga Judio at ipinagpatayo pa niya tayo ng isang sambahan.”
6 Kaya sumama sa kanila si Jesus. Nang malapit na sila sa bahay ng kapitan, sinugo ng kapitan ang ilang mga kaibigan niya para salubungin si Jesus at sabihin, “Panginoon, huwag na po kayong mag-abalang pumunta sa bahay ko, dahil hindi ako karapat-dapat na puntahan nʼyo ang tahanan ko. 7 Kaya nga hindi na rin ako naglakas-loob na lumapit dahil hindi ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Sabihin nʼyo na lang po at gagaling na ang utusan ko. 8 Alam ko ito dahil nasa ilalim ako ng nakakataas na opisyal, at may nasasakupan din akong mga sundalo. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon,’ pumupunta siya. Kapag sinabi kong, ‘Halika,’ lumalapit siya. At kahit ano pa ang iutos ko sa aking alipin ay sinusunod niya.” 9 Nang marinig ito ni Jesus, namangha siya sa kapitan at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Hindi pa ako nakakita ng isang tao sa Israel na may ganitong pananampalataya.” 10 Nang bumalik sa bahay ang mga sinugo ng kapitan, nakita nilang magaling na ang alipin.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®