Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 96:1-9

Ang Dios ang Pinakamakapangyarihang Hari(A)

96 Kayong mga tao sa buong mundo,
    umawit kayo ng mga bagong awit sa Panginoon!
Awitan ninyo ang Panginoon at purihin ang kanyang pangalan.
    Ipahayag ninyo sa bawat araw ang tungkol sa pagligtas niya sa atin.
Ipahayag ninyo sa lahat ng mamamayan sa mga bansa ang kanyang kapangyarihan at mga kahanga-hangang gawa.
Dahil dakila ang Panginoon, at karapat-dapat papurihan.
    Dapat siyang igalang ng higit sa lahat ng mga dios,
dahil ang lahat ng dios ng ibang mga bansa ay hindi tunay na mga dios.
    Ang Panginoon ang lumikha ng langit.
Nasa kanya ang kapangyarihan at karangalan;
    at nasa templo niya ang kalakasan at kagandahan.
Purihin ninyo ang Panginoon,
    kayong lahat ng tao sa mundo.
    Purihin ninyo ang kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan.
Ibigay ninyo sa Panginoon ang mga papuring nararapat sa kanya.
    Magdala kayo ng mga handog at pumunta sa templo.
Sambahin ninyo ang kabanalan ng Panginoon.
    Matakot kayo sa kanya, kayong lahat ng nasa sanlibutan.

1 Hari 6:23-38

23 Nagpalagay si Solomon sa loob ng Pinakabanal na Lugar ng dalawang kerubin[a] na gawa sa kahoy na olibo, na ang bawat isa ay 15 talampakan ang taas. 24-26 Ang dalawang kerubing ito ay magkasinglaki at magkasinghugis. Ang bawat isa ay may dalawang pakpak, at bawat pakpak ay may habang pitoʼt kalahating talampakan. Kaya ang haba mula sa dulo ng isang pakpak hanggang sa dulo ng isa pang pakpak ay 15 talampakan. 27 Pinagtabi ito ni Solomon sa loob ng Pinakabanal na Lugar na nakalukob ang mga pakpak. Ang isa nilang pakpak ay nagpapang-abot, at nakatutok sa gitna ng kwarto. At ang kabilang pakpak naman ay nakasayad sa dingding. 28 Pinatakpan din ni Solomon ng ginto ang dalawang kerubin.

29 Ang lahat ng dingding sa dalawang kwarto ng templo ay pinaukitan ni Solomon ng mga kerubin, mga palma at mga bulaklak na nakabukadkad. 30 Kahit ang sahig sa dalawang kwarto ay pinatakpan din niya ng ginto.

31 Ang daanan papasok sa Pinakabanal na Lugar ay may dalawang pinto na gawa sa kahoy ng olibo at lima ang gilid ng mga hamba nito. 32 Ang mga pintong ito ay pinaukitan ni Solomon ng mga kerubin, mga palma at mga namumukadkad na bulaklak, at pinabalutan ng ginto.

33 Ang daanan papasok sa templo ay pinagawan din ni Solomon ng parihabang mga hamba na gawa sa kahoy na olibo. 34 May dobleng pinto din ito na gawa sa kahoy na sipres at ang bawat isa nito ay may dalawang hati na maaaring itiklop. 35 Pinaukitan din ito ni Solomon ng mga kerubin, mga palma at mga namumukadkad na bulaklak, at maayos na binalutan ng ginto.

36 Ipinagawa rin niya ang loob ng bakuran ng templo. Napapaligiran ito ng pader na ang bawat tatlong patong ng mga batong tinabas ay pinatungan ng kahoy na sedro.

37 Inilagay ang pundasyon ng templo ng Panginoon nang ikalawang buwan, na siyang buwan ng Ziv, noong ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon. 38 Natapos ang templo nang ikawalong buwan, na siyang buwan ng Bul, noong ika-11 taon ng paghahari ni Solomon. Pitong taon ang pagpapatayo ng templo, at sinunod ang mga detalye nito ayon sa plano.

2 Corinto 5:11-17

Nakabalik Tayo sa Dios Dahil kay Cristo

11 Kaya nga, dahil may takot kami sa Panginoon, ginagawa namin ang lahat para mahikayat ang mga tao na manumbalik sa kanya. Alam ng Dios ang tunay naming pagkatao, at umaasa akong alam din ninyo ito. 12 Hindi dahil sa ibinibida na naman namin ang aming sarili, kundi dahil gusto namin na may maipagmalaki kayo tungkol sa amin, para may maisagot kayo sa mga taong pumupuri lamang sa mga bagay na panlabas, at hindi sa nilalaman ng puso. 13 Kung magmukha man kaming nasisiraan ng bait, itoʼy para sa Dios. At kung kami naman ay matino, itoʼy para sa inyong kapakanan. 14 Sapagkat ang pag-ibig ni Cristo ang siyang nag-uudyok sa amin na sundin ang kanyang kalooban. Kumbinsido kami na namatay si Cristo para sa lahat, kaya maituturing din na namatay ang lahat. 15 Namatay siya para sa lahat, para ang lahat ng nabubuhay ngayon ay hindi na mamumuhay para sa sarili, kundi para sa kanya na namatay at nabuhay para sa kanila.

16 Kaya ngayon, hindi na namin tinitingnan ang mga tao ayon sa batayan ng mga hindi kumikilala sa Dios. Noong una, ganoon ang pagtingin namin kay Cristo, pero hindi na ngayon. 17 Ang sinumang nakay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao; binago na siya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®