Revised Common Lectionary (Complementary)
7 Oh Panginoon kong Dios, sa iyo nanganganlong ako. Iligtas mo ako sa lahat na nagsisihabol sa akin, at palayain mo ako:
2 Baka lurayin nila na gaya ng leon ang aking kaluluwa, na lurayin ito, habang walang magligtas.
3 Oh Panginoon kong Dios, kung ginawa ko ito; kung may kasamaan sa aking mga kamay;
4 Kung ako'y gumanti ng kasamaan sa kaniya na may kapayapaan sa akin; (Oo, aking pinawalan siya, na walang anomang kadahilanan ay naging aking kaaway:)
5 Habulin ng kaaway ang aking kaluluwa, at abutan; Oo, yapakan niya ang aking kaluluwa sa lupa, at ilagay ang aking kaluwalhatian sa alabok. (Selah)
6 Ikaw ay bumangon, Oh Panginoon, sa iyong galit, magpakataas ka laban sa poot ng aking mga kaaway; at gumising ka dahil sa akin; ikaw ay nagutos ng kahatulan.
7 At ligirin ka ng kapisanan ng mga bayan sa palibot: at sila'y pihitan mong nasa mataas ka.
8 Ang panginoo'y nangangasiwa ng kahatulan sa mga bayan: iyong hatulan ako, Oh Panginoon, ayon sa aking katuwiran, at sa aking pagtatapat na nasa akin.
9 Oh wakasan ang kasamaan ng masama, nguni't itatag mo ang matuwid; sapagka't sinubok ng matuwid na Dios ang mga pagiisip at ang mga puso.
10 Ang aking kalasag ay sa Dios. na nagliligtas ng matuwid sa puso.
11 Ang Dios ay matuwid na hukom, Oo, Dios na may galit araw-araw.
12 Kung ang tao ay hindi magbalik-loob, kaniyang ihahasa ang kaniyang tabak; kaniyang iniakma ang kaniyang busog, at inihanda.
13 Inihanda rin naman niya ang mga kasangkapan ng kamatayan; kaniyang pinapagniningas ang kaniyang mga pana.
14 Narito, siya'y nagdaramdam ng kasamaan; Oo, siya'y naglihi ng kasamaan, at nanganak ng kabulaanan.
15 Siya'y gumawa ng balon, at hinukay, at nahulog sa hukay na kaniyang ginawa.
16 Ang kaniyang gawang masama ay magbabalik sa kaniyang sariling ulo, at ang kaniyang pangdadahas ay babagsak sa kaniyang sariling bunbunan.
17 Ako'y magpapasalamat sa Panginoon, ayon sa kaniyang katuwiran: at aawit ng pagpupuri sa pangalan ng Panginoon na Kataastaasan.
3 At si Esther ay nagsalita pa uli sa harap ng hari, at nagpatirapa sa kaniyang mga paa, at ipinamanhik sa kaniya na may luha, na pawiin ang kasamaan ni Aman na Agageo, at ang kaniyang banta na kaniyang ibinanta sa mga Judio.
4 Nang magkagayo'y inilawit ng hari kay Esther ang gintong cetro. Sa gayo'y tumindig si Esther, at tumayo sa harap ng hari.
5 At sinabi niya, Kung kinalulugdan ng hari at kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa kaniyang paningin, at ang bagay ay inaakalang matuwid sa harap ng hari, at ako'y nakalulugod sa kaniyang mga mata, masulat na tiwaliin ang mga sulat na ibinanta ni Aman na anak ni Amedata, na Agageo, na kaniyang sinulat upang lipulin ang mga Judio na nangasa lahat na lalawigan ng hari:
6 Sapagka't paanong ako'y makapagtitiis na makita ang kasamaan na darating sa aking bayan? o paanong ako'y makapagtitiis na makita ang paglipol sa aking kamaganakan?
7 Nang magkagayo'y sinabi ng haring Assuero kay Esther na reina, at kay Mardocheo na Judio: Narito, ibinigay ko kay Esther ang bahay ni Aman, at siya ang kanilang binitay sa bibitayan, sapagka't siya'y nagbuhat ng kaniyang kamay sa mga Judio.
8 Sumulat naman kayo sa mga Judio, kung anong maibigan ninyo sa pangalan ng hari, at tatakan ninyo ng singsing ng hari: sapagka't ang sulat na nasusulat sa pangalan ng hari, at natatakan ng singsing ng hari ay walang taong makatitiwali.
9 Nang magkagayo'y tinawag ang mga kalihim ng hari ng panahong yaon, sa ikatlong buwan, na siyang buwan ng Sivan, nang ikadalawang pu't tatlo niyaon; at nasulat ayon sa lahat na iniutos ni Mardocheo sa mga Judio at sa mga satrapa, at sa mga tagapamahala at mga prinsipe ng mga lalawigan na nandoon mula sa India hanggang sa Etiopia, na isang daan at dalawang pu't pitong lalawigan, sa bawa't lalawigan ayon sa sulat niyaon, at sa bawa't bayan ayon sa wika nila, at sa mga Judio ayon sa sulat nila, at ayon sa wika nila.
10 At kaniyang sinulat sa pangalan ng haring Assuero, at tinatakan ng singsing ng hari, at nagpadala ng mga sulat sa pamamagitan ng mga sugo na nagsisipangabayo na nangakasakay sa mga matulin na kabayo na ginagamit sa paglilingkod sa hari, at sa mga batang dromedario;
11 Na pinagkakalooban ng hari ang mga Judio na nangasa bawa't bayan, na magpipisan, at ipagsanggalang ang kanilang buhay, upang magpahamak, pumatay, at magpalipol, sa buong kapangyarihan ng bayan at lalawigan na loloob sa kanila, sa kanilang mga bata at mga babae, at kumuha ng samsam sa kanila na pinakahuli,
12 Sa isang araw sa lahat na lalawigan ng haring Assuero, nang ikalabing tatlong araw ng ikalabing dalawang buwan, na siyang buwan ng Adar.
13 Isang salin ng sulat na ang pasiya'y ihayag sa bawa't lalawigan, ay nahayag sa lahat ng mga bayan, at upang ang mga Judio ay magsihanda sa araw na yaon na magsipanghiganti sa kanilang mga kaaway.
14 Sa gayo'y ang mga sugo na nangasasakay sa mga matulin na kabayo na ginagamit sa paglilingkod sa hari ay nagsilabas, na nangagmamadali at nangagtutumulin sa utos ng hari; at ang pasiya ay nahayag sa Susan na bahay-hari.
15 At si Mardocheo ay lumabas mula sa harapan ng hari na nakapanamit hari na bughaw, at puti, at may dakilang putong na ginto, at may balabal na mainam na lino at kulay ube: at ang bayan ng Susan ay humiyaw at natuwa.
16 Nagkaroon ang mga Judio ng kaliwanagan at ng kasayahan, at ng kagalakan at ng karangalan.
17 At sa bawa't lalawigan, at sa bawa't bayan, saan man dumating ang utos ng hari at pasiya niya, ay nagkaroon ang mga Judio ng kasayahan at kagalakan, ng kapistahan at mabuting araw. At marami na mula sa mga bayan ng lupain ay naging mga Judio; sapagka't ang takot sa mga Judio ay suma kanila.
19 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay narinig ko ang gaya ng isang malaking tinig ng isang makapal na karamihan sa langit, na nagsasabi, Aleluya; Kaligtasan, at kaluwalhatian, at kapangyarihan, ay nauukol sa ating Dios:
2 Sapagka't tunay at matuwid ang kaniyang mga paghatol; sapagka't hinatulan niya ang bantog na patutot, na siyang nagpasama sa lupa ng kaniyang pakikiapid, at iginanti niya ang dugo ng kaniyang mga alipin sa pamamagitan ng kaniyang kamay.
3 At sila'y muling nangagsabi, Aleluya. At ang usok niya ay napaiilanglang magpakailan kailan man.
4 At nangagpatirapa ang dalawangpu't apat na matatanda at ang apat na nilalang na buhay, at nangagsisamba sa Dios na nakaupo sa luklukan, na nangagsasabi, Siya nawa; Aleluya.
5 At lumabas ang isang tinig sa luklukan, na nagsasabi, Purihin ninyo ang ating Dios, ninyong lahat na mga lingkod niya, ninyong lahat na mga natatakot sa kaniya, maliliit at malalaki.
6 At narinig ko ang gaya ng isang tinig ng isang makapal na karamihan, at gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng malalakas na kulog na nagsasabi, Aleluya: sapagka't naghahari ang Panginoong ating Dios na Makapangyarihan sa lahat.
7 Tayo'y mangagalak at tayo'y mangagsayang mainam, at siya'y ating luwalhatiin; sapagka't dumating ang pagkakasal ng Cordero, at ang kaniyang asawa ay nahahanda na.
8 At sa kaniya'y ipinagkaloob na damtan ang kaniyang sarili ng mahalagang lino, makintab at tunay; sapagka't ang mahalagang lino ay siyang mga matuwid na gawa ng mga banal.
9 At sinasabi niya sa akin, Isulat mo, Mapapalad ang mga inanyayahan sa paghapon sa kasalan ng Cordero. At sinasabi niya sa akin, Ang mga ito'y siyang tunay na mga salita ng Dios.
Public Domain