Revised Common Lectionary (Complementary)
7 Oh Panginoon kong Dios, sa iyo nanganganlong ako. Iligtas mo ako sa lahat na nagsisihabol sa akin, at palayain mo ako:
2 Baka lurayin nila na gaya ng leon ang aking kaluluwa, na lurayin ito, habang walang magligtas.
3 Oh Panginoon kong Dios, kung ginawa ko ito; kung may kasamaan sa aking mga kamay;
4 Kung ako'y gumanti ng kasamaan sa kaniya na may kapayapaan sa akin; (Oo, aking pinawalan siya, na walang anomang kadahilanan ay naging aking kaaway:)
5 Habulin ng kaaway ang aking kaluluwa, at abutan; Oo, yapakan niya ang aking kaluluwa sa lupa, at ilagay ang aking kaluwalhatian sa alabok. (Selah)
6 Ikaw ay bumangon, Oh Panginoon, sa iyong galit, magpakataas ka laban sa poot ng aking mga kaaway; at gumising ka dahil sa akin; ikaw ay nagutos ng kahatulan.
7 At ligirin ka ng kapisanan ng mga bayan sa palibot: at sila'y pihitan mong nasa mataas ka.
8 Ang panginoo'y nangangasiwa ng kahatulan sa mga bayan: iyong hatulan ako, Oh Panginoon, ayon sa aking katuwiran, at sa aking pagtatapat na nasa akin.
9 Oh wakasan ang kasamaan ng masama, nguni't itatag mo ang matuwid; sapagka't sinubok ng matuwid na Dios ang mga pagiisip at ang mga puso.
10 Ang aking kalasag ay sa Dios. na nagliligtas ng matuwid sa puso.
11 Ang Dios ay matuwid na hukom, Oo, Dios na may galit araw-araw.
12 Kung ang tao ay hindi magbalik-loob, kaniyang ihahasa ang kaniyang tabak; kaniyang iniakma ang kaniyang busog, at inihanda.
13 Inihanda rin naman niya ang mga kasangkapan ng kamatayan; kaniyang pinapagniningas ang kaniyang mga pana.
14 Narito, siya'y nagdaramdam ng kasamaan; Oo, siya'y naglihi ng kasamaan, at nanganak ng kabulaanan.
15 Siya'y gumawa ng balon, at hinukay, at nahulog sa hukay na kaniyang ginawa.
16 Ang kaniyang gawang masama ay magbabalik sa kaniyang sariling ulo, at ang kaniyang pangdadahas ay babagsak sa kaniyang sariling bunbunan.
17 Ako'y magpapasalamat sa Panginoon, ayon sa kaniyang katuwiran: at aawit ng pagpupuri sa pangalan ng Panginoon na Kataastaasan.
2 Pagkatapos ng mga bagay na ito, nang mapayapa ang pagiinit ng haring Assuero kaniyang inalaala si Vasthi, at kung ano ang kaniyang ginawa, at kung ano ang ipinasiya laban sa kaniya.
2 Nang magkagayo'y sinabi ng mga lingkod ng hari na nagsisipaglingkod sa kaniya: Ihanap ng magagandang batang dalaga ang hari:
3 At maghalal ang hari ng mga pinuno sa lahat ng mga lalawigan ng kaniyang kaharian, upang kanilang mapisan ang lahat na magandang batang dalaga sa Susan na bahay-hari, sa bahay ng mga babae, sa pamamahala ni Hegai, na kamarero ng hari, na tagapagingat ng mga babae; at ibigay sa kanila ang kanilang mga bagay na kailangan sa paglilinis:
4 At ang dalaga na kalugdan ng hari ay maging reina na kahalili ni Vasthi. At ang bagay ay nakalugod sa hari; at ginawa niyang gayon.
5 May isang Judio sa Susan na bahay-hari, na ang pangala'y Mardocheo, na anak ni Jair, na anak ni Simi, na anak ni Cis na Benjamita;
6 Na nadala mula sa Jerusalem na kasama ng mga bihag na nangadalang kasama ni Jechonias na hari sa Juda, na dinala ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia.
7 At pinalaki niya si Hadasa, sa makatuwid baga'y si Esther, na anak na babae ng kaniyang amain: sapagka't siya'y wala kahit ama o ina man, at ang dalaga ay maganda at may mabuting anyo; at nang mamatay ang kaniyang ama't ina inari siya ni Mardocheo na parang tunay na anak.
8 Sa gayo'y nangyari nang mabalitaan ang utos ng hari at ang kaniyang pasiya, at nang napipisan ang maraming dalaga sa Susan na bahay-hari, sa pamamahala ni Hegai, na si Esther ay dinala sa bahay ng hari, sa pamamahala ni Hegai, na tagapagingat sa mga babae.
9 At ang dalaga ay nakalugod sa kaniya, at nilingap niya; at nagbigay siyang madali sa kaniya ng mga bagay na ukol sa paglilinis, pati ng mga bahagi niya, at ng pitong dalaga na marapat na ibigay sa kaniya, na mula sa bahay ng hari: at inilipat niya siya at ang kaniyang mga dalaga sa pinaka mabuting dako ng bahay ng mga babae.
10 Hindi ipinakilala ni Esther ang kaniyang bayan o ang kaniyang kamaganakan man; sapagka't ibinilin sa kaniya ni Mardocheo na huwag niyang ipakilala.
11 At si Mardocheo ay lumakad araw-araw sa harap ng looban ng bahay ng mga babae, upang maalaman kung anong ginagawa ni Esther, at kung ano ang mangyayari sa kaniya.
12 Nang sumapit nga ang paghahalihalili ng bawa't dalaga na pasukin ang haring Assuero, pagkatapos na magawa sa kaniya ang ayon sa kautusan sa mga babae, na labing dalawang buwan, (sapagka't ganito nagaganap ang mga araw ng kanilang paglilinis, sa makatuwid baga'y anim na buwan na ma'y langis na mirra, at anim na buwan na may mainam na pabango, at ng mga bagay na ukol sa paglilinis ng mga babae.)
13 Sa ganito ngang paraan naparoroon ang dalaga sa hari: Na anomang kaniyang nasain ay ibinibigay sa kaniya upang yumaong kasama niya na mula sa bahay ng mga babae hanggang sa bahay ng hari.
14 Sa kinahapunan ay naparoroon siya, at sa kinaumagahan ay bumabalik siya sa ikalawang bahay ng mga babae, sa pamamahala ni Saasgaz, na kamarero ng hari, na nagiingat sa mga babae; hindi na niya pinapasok ang hari malibang ang hari ay malugod sa kaniya, at siya'y tawagin sa pangalan.
15 Nang sumapit ang paghalili nga ni Esther, na anak ni Abihail, na amain ni Mardocheo, na umaring anak kay Esther, upang pasukin ang hari, wala siyang tinamong anoman, kundi ang ibinigay ni Hegai na kamarero ng hari, na tagapagingat sa mga babae. At si Esther ay nilingap ng lahat na nakakita sa kaniya.
16 Sa gayo'y dinala si Esther sa haring Assuero sa loob ng kaniyang bahay-hari, nang ikasangpung buwan na siyang buwan ng Tebeth nang ikapitong taon ng kaniyang paghahari.
17 At sininta ng hari si Esther ng higit kay sa lahat na babae, at siya'y nilingap at minahal na higit kay sa lahat na dalaga; na anopa't kaniyang ipinutong ang putong na pagkareina sa kaniyang ulo, at ginawa siyang reina na kahalili ni Vasthi.
18 Nang magkagayo'y gumawa ang hari ng malaking kapistahan sa kaniyang lahat na prinsipe at kaniyang mga lingkod, sa makatuwid baga'y kapistahan ni Esther; at siya'y gumawa ng pagpapatawad ng sala sa mga lalawigan, at nagbigay ng mga kaloob, ayon sa kalooban ng hari.
8 Alalahanin mo si Jesucristo na muling nabuhay sa mga patay, sa binhi ni David, ayon sa aking evangelio:
9 Na siyang pinagtitiisan ko ng kahirapan sa mga tanikala, na tulad sa tampalasan; nguni't ang salita ng Dios ay hindi natatanikalaan.
10 Kaya aking tinitiis ang lahat ng mga bagay dahil sa mga hinirang, upang kamtan naman nila ang pagkaligtas na nasa kay Cristo Jesus na may kaluwalhatiang walang hanggan.
11 Tapat ang pasabi: Sapagka't kung tayo'y nangamatay na kalakip niya, ay mangabubuhay naman tayong kasama niya:
12 Kung tayo'y mangagtiis, ay mangaghahari naman tayong kasama niya: kung ating ikaila siya, ay ikakaila naman niya tayo:
13 Kung tayo'y hindi mga tapat, siya'y nananatiling tapat; sapagka't hindi makapagkakaila sa kaniyang sarili.
Public Domain